Introduksyon

30 1 0
                                    

Bata pa lang ako, mahilig na ako sa mga kuwentong kakaiba.

Naalala ko noong bata pa ako, napakahilig kong manood ng mga anime at mga palabas na Wansapanatym at Hiraya Manawari. Wala pa kaming sariling TV noon kaya nakikipanood pa ako sa mga kapitbahay namin. Nandoon ako sa bahay nila mula umaga hanggang tanghali, minsan pa nga hanggang gabi. Madalas, kapag naasar na ang mga kapitbahay, magpapahaging na ang mga ito at pagagalitan kunwari ang anak nila para maitaboy na ako palabas. Pero dahil mas importante ang pinanonood ko, magpapanggap akong hindi iyon napapansin at makikipagmatigasan ako sa pananatili sa harap ng TV. Hangga't hindi ako direktang sinasabihan na umuwi na at baka hinahanap ka na ng iyong Nanay, hindi pa talaga ako uuwi.

Suki din ako ng mga fantasy young adult na mga nobela na numero-unong hinihiram ko sa library. Halos inuubos ko ang oras ko sa pagbabasa ng mga kamangha-manghang mundong nilikha ng mga manunulat na tulad nina Tamora Pierce at JK Rowling. Ako madalas ang salarin kung bakit ang mga nobelang magaganda ang balot nang hiramin ay nagmimistula nang gamit na gamit pagkatapos. Minsan ay may naiiwan pang nakasingit na mga tsokolate o biscuit na kinakain ko habang nagbabasa ako ng magdamagan. Madalas, may guilt pa na kasama iyon dahil habang nagbabasa ako ay pamaya-maya din ang gising ng Nanay ko, at sa boses na puno ng pag-uugtas dahil sa katigasan ng ulo ko, ay sasabihing, "Utang na loob, matulog ka na!"

Hanggang ngayon, sa tingin ko ay hindi pa rin nauunawaan ng aking Nanay o maging ng aking pamilya kung bakit napakahilig ko sa mga ito. Ang popular kasing pagtingin ng mga tao sa ganitong hilig ay "kawirduhan" ito, isang hilig ng mga nerd at boring. Minsan, naiisip ko ring baka tama sila, baka nga walang halaga ang mga bagay na kinahihiligan ko.

Matagal na panahon muna ang lumipas bago naging malakas ang loob kong isabuhay ang hilig ko. Kinailangan ko munang magtapos ng pag-aaral at magtrabaho bago ko naunawaan na wala naman palang masama sa mahilig sa panitikan. Kung tutuusin, dahil isa itong niche field, at mas kaunti ang pinipili itong maging karera kumpara sa pagiging doktor o abogado, kakaunti lang ang kumpetisyon.

Ngayon, nauunawaan ko na rin kung bakit ako nahilig sa mga kuwentong kakaiba. Isa pala kasi itong paraan upang pansamantalang takasan ang hirap ng buhay, isang pagkukundisyon sa sarili para makayanang lampasan ang sangga-sanggang limitasyon na ibinibigay ng kahirapan. Para sa akin, may praktikal na halaga ang kuwentong inilalagay ako sa mundo ng pakikipagsapalaran, paglalakbay, at pagtatagumpay laban sa mga panganib.

Nang natutunan ko nang maghabi ng mga salita, isa sa mga kuwentong tuwang-tuwa akong isulat ay mga kuwentong may kakaibang mga elemento. Iyong may elemento ng kapangyarihan at mitolohiya na mula sa kulturang Pilipino. Habang lumalalim din ang pang-unawa ko sa mga kuwentong ito, nakikita ko na rin gamit ang lente ng propesyunal na interes na may mahalagang ginagampanan ang mga kuwentong ito sa pagbuo ng pag-iisip ng mga tao at ng komunidad.

Bilang isang guro ng panitikan, unti-unti ko ring nakita ang kakulangan ng mga materyales na nagmula sa panitikang Filipino. Madalas, halos kabisado na ng mga Pilipino ang mitolohiya ng mga Griyego at mga Romano. Kilalang-kilala natin sina Athena, Zeus o Hercules dahil napapanood natin sila sa mga pelikulang Hollywood. Alam na alam na rin natin ang kuwento ng mga gumiho dahil napapanood natin ito sa mga Korean Dramas.

Nakakalungkot isipin na halos hindi alam ng mga Pilipino na marami ring mga mitolohiya na nagmula sa Pilipinas. Kung tutuusin, kasing-yaman ang ating panitikan ng panitikan ng ibang bansa. May mga nauna nang mga pananaliksik ang mga Pilipinong iskolar na tulad nina Damiana Eugenio at Mabel Cook Cole tungkol sa mga mitolohiyang Pilipino. Subalit, kadalasan nakasulat ang mga ito sa wikang Ingles.

Isa sa mga kontribusyon na nais kong ibahagi ay ang maisalin ang mga mitolohiyang ito sa wikang Filipino. Kaya naman inumpisahan ko ang proyektong Mitolohiya Stories, isang podcast na nagbabasa ng mga mitolohikal na kuwento sa wikang Ingles at Filipino. Bilang bahagi rin ng proyektong ito, ilalabas ko ang mga compilation ng mga ito bilang mga libro.

May praktikal na halaga para sa akin ang paggawa nito. Una, magagawa kong tugunan ang personal kong pangangailangan bilang guro sa mga materyales na nakasulat sa wikang Filipino. Ikalawa, magagawa kong tugunan ang pangangailangang patuloy na maibahagi ang produkto ng kulturang Filipino at patuloy itong maisalin sa susunod na henerasyon.

Hanggang sa pagtanda, nananatili ang pagkahilig ko sa mga kuwentong kakaiba. Subalit sa pagkakataong ito, ang pagkahilig na ito ay may malalim na personal at panlipunang halaga.

PHILIPPINE FOLKTALES

Ang ating mga kuwento ay orihinal na nakasulat sa wikang Ingles. Nagmula ang mga ito sa librong Philippine Folktales na binuo ni Mabel Cook Cole. Inilimbag ito noong 1916 ng A.C McClurg and Company sa Chicago, USA. Ang pinaghanguang materyales ay may bukas na lisensya sa ilalim ng Project Guternberg kung saan libreng mababasa ang libro.

Mga Mitolohiyang Pilipino [Tagalog]Where stories live. Discover now