CAPITULO 1 - Pervert

Comenzar desde el principio
                                    


"Crush mo pa rin siya?" tanong ko habang naglalakad kami.


Nabura ang ngiti sa mga labi ni Bhing.


Mula nang pasukan ay isa-isa nang dumistansya ang lahat kay El. Sino ba ang gugustuhing lumapit sa taong tila walang nakikita sa paligid niya. Seryoso at hindi palasalita. May isa pang dahilan, may kung ano sa mga titig ni El na hindi mo talaga matatagalan.


May dulot na kakaibang pakiramdam ang kalmadong mga mata ni El, na para bang kapag nagtama ang mga mata niyo ay maaalala mo ang lahat ng kasalanan na nagawa mo sa mundo. Mabigat sa dibdib.


Maaga pa kaya bago sa room ay nagpunta muna ako sa CR ng mga girls. Naghiwalay kami ni Bhing dahil pupunta naman siya sa canteen.


Kakaunti pa lang ang tao sa school dahil nga maaga pa. Nasa alas seis pa lang ng umaga. Pagpasok ko sa CR ay ako lang mag-isa. Ang banyo ay may malaking salamin sa ibabaw ng lavatory at tatlong cubicle. Pumasok ako sa gitnang cubicle. Hindi ko kasi nakasanayan ang sa dulo at mas lalo sa unahan.


Pagkatapos kong umihi ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Wala namang ingay kaya malamang na hindi grupo ang pumasok kundi iisang estudyante lang.


Paglabas ko ng cubicle ay isang estudyante nga lang ang aking nakita. Nakatayo siya patalikod sa akin dahil nakaharap siya sa salamin. Mag-re-retouch siya siguro.


Tumabi ako sa kanya para maghubas ng kamay sa lababo. Sa peripheral vision ko ay wala namang ginagawa ang babaeng estudyante sa aking tabi. Wala siyang dalang bag o pouch man lang kaya paano pala siya mag-re-retouch ng mukha?


Pinihit ko ang gripo para patayin. Wala pa ring kakilos-kilos ang nasa tabi ko. Maski magsuklay ng buhok ay hindi niya ginagawa. Nag-angat na ako ng paningin sa salamin para tingnan siya. Nagulat ako nang makitang nakatingin din siya sa akin.


Normal lang naman ang mukha niya. Walang bahid ng kahit anong make up o kahit pulbo, ang buhok niya ay hanggang balikat, at ngayon ko lang napansin na bagamat pareho ang uniform na suot namin ay bahagyang mas luma ang kanya. Naninilaw na ang tela.


Hindi rin pamilyar ang mukha niya sa akin. Ano bang grade niya? Wala siyang suot na ID kaya hindi ko masabi.


Hindi pa rin siya kumikilos at ako rin. Magkahinang ang mga mata namin sa salamin at nakapagtataka na hindi ko magawang magbawi ng tingin. Nagulat ako nang bigla siyang ngumiti sa akin.


Ang ugali ko ay kapag mabait sa akin, mabait din ako. Kapag nginitian ako, ngingiti rin ako. Iyon ang klase ng 'pakikisama' na talagang pinag-aralan ko para wala akong maging problema sa mga tao. Ngingiti na rin ako nang parang bigla ay hindi ako makahinga.


Napahawak ako sa aking dibdib habang nakatingin sa repleksyon ng aking katabi. Bakit ang ngiti niya ay palaki nang palaki? Halos mabanat na ang kanyang pisngi sa pagkakangiti.


Habang lumalapad ang pagkakangiti niya sa akin ay mas lalo akong nahihirapan na huminga. 


Beware of the Class PresidentDonde viven las historias. Descúbrelo ahora