***
Nakatayo ako at nakatanaw sa kanya sa malayo. Tanaw ko rin ang mga bulaklak sa kanyang paligid. Inaamin kong masaya ako dahil masisilayan ko na syang muli. Ang mukha nyang kay amo. Ang pilyong mukha nya na nagpa-ibig sa akin.
Nanginginig man ang katawan ko ay nagawa kong humakbang papalapit sa kanya. Hindi maawat ang pag agos ng luha sa aking mata at ang patuloy na pagsakit ng aking puso. Gustuhin ko mang tumakbo dahil gustong gusto ko na s'yang mahagkan ulit ngunit parang may mabigat na nakadagan sa aking dibdib at napakabigat ng aking katawan.
Hindi ko alam na aabot sa ganito.
Hindi ko alam na hanggang sa huli ay ako pa rin pala.
Ako pa rin pala talaga ang maiiwan, magdurusa, mawawalan ng pag asa, mamamatay nang paulit ulit kahit mayroon pang hininga.
Sa wakas.
Nakalapit na ako kung san man sya naroroon. Natanaw ko na ang mukha nya ngunit hindi na sya ngumingiti gaya ng ginagawa nya dati kapag lumalapit ako sa kanya. Walang sigla ang kanyang mukha nang makalapit ako sa kanyang tabi. Hindi man lang ako makayakap. Tila napagsakluban ng langit at lupa ang buong pagkatao ko sa takbo ng sandaling ito.
Bago ako huminto sa paglalakad ay tumitig muna ako sa kabuuan ng kanyang mukha. Walang pinagbago, gwapo ka pa rin. Pinagmasdan ko sya at paulit ulit na sinasabi sa isip na...
"Hindi ka na muling mahihirapan pa."
