The First Sunrise

58 3 1
                                        

"Salamat Panginoon, kilala mo ako. Ang lahat ng bagay ay di lingid sa iyo..." Pumailanlang ang tinig ng ina at ama ni Franz. Isa ito sa mga bagay na nagpapasaya ng kanyang umaga. Ang makita ang kanyang mga magulang na masaya. Sandali siyang lumuhod at nanalangin. Ayon sa kanyang mga magulang, ang pinakamabuting paraan ng pagsisimula ng araw ay ang pagpapasalamat sa Panginoon. Matapos manalangin, bumaba na siya at nagtungo sa kusina.

"Good morning!" Bati niya sa kanyang mga magulang. Nagluluto ng noodles ang kanyang nanay habang nagtitimpla naman ng kape ang tatay niya. Nakita niya na mayroon nang tuyo at itlog na maalat na may kamatis sa hapag kainan. "Good morning!"Sabay na sagot ng kanyang mga magulang. Nagmumog muna siya at saka sumilip sa bintana. Medyo madilim pa sa labas. Alas-singko pa lang kasi. Maaga talaga siyang gumising kahit na walang pasok. Sabi nga ng lola niya na tinatawag niyang mommy, kakaiba daw siyang bata. Dati kasi, ang nanay niya at ang mga kapatid nito, tanghali na gumigising kapag bakasyon. "Para kasing nasasayangan ako sa araw. Parang ang dami kong nami-miss kapag tanghali na akong nagigising." Paliwanag niya.

Ngayong araw, maagang silang gumising ng kanyang pamilya. Maglalaba kasi ang nanay at tatay niya. Siya naman, hindi nagsasawang sumalubong sa araw. Lagi siyang nagpapasalamat at pinagpala sila na magkaroon ng bahay malapit sa dagat. Para sa kanya, ito ang pinakamagandang lugar sa buong mundo kahit na labing-anim na taon pa lang naman siya at hindi pa nakakapaglakbay maliban sa minsan sa dalawang taong pagbisita sa mga kamag-anak sa Maynila.

Sabay-sabay silang kumain habang nararamdaman niya ang excitement na lagi niyang nararamdaman kapag malapit nang sumilip ang araw. Matapos kumain, hinugasan nya ang pinagkainan at nagmamadaling pumunta sa baybay.

Nag-iisang anak lamang si Franz. Minsan, nakakatuwa kasi wala siyang kaagaw sa atensyon ng nanay at tatay nya. Madali rin siyang napapagbigyan sa mga hinihiling niya lalo na't wala naman silang ibang pinagkakagastusan. Ang nanay niya ay guro sa pampublikong paaralan habang ang ama naman niya ay nag-aalaga ng mga pananim at mga hayop sa kanilang farm. Ngunit minsan, nakakaramdam din siya ng lungkot. Lalo na kapag nakakakita siya ng mga magkakapatid na masayang naglalaro at naghaharutan. Sa mga ganoong pagkakataon, nakukuntento na lang siya sa pakikipaglaro kay Dougal. Si Dougal ang alaga nilang aso na binigay sa kanya ng kanyang mga magulang nang magtapos siya sa elementarya.

Tumakbo muna si Franz para makapagehersisyo. Ganado rin si Dougal na sumusunod sa kanya. Maaga pa naman. Matapos ang kanyang pagtakbo, umupo na siya sa paborito niyang upuan. Ginawa ito ng kanyang tatay dahil alam nito kung gaano kamahal ni Franz ang baybay at ang pagsikat ng araw. Umupo rin si Dougal sa tabi nya.

Maya-maya, nagsabog ng kulay orange na liwanag sa dulo ng tanawin. sinalamin ng dagat ang kulay ng himpapawid at ng unang pagsilip ng araw. Matapos ang ilang minuto, unti-unti nang umangat at nagpakitang gilas ang Haring Araw. Kasabay nito ang pagngiti ni Franz. Ngiti na nakikita sa kanyang bibig ngunit nagmumula sa kanyang puso. Araw-araw, naiisip niya na napakapalad nya para makaramdam ng ganitong saya. Matapos ang ilang minuto, tumayo na siya upang bumalik sa bahay. Ngunit napatigil siya nang makarinig siya ng mahinang pag-iyak.

My Sunrise GirlWhere stories live. Discover now