SIMULA

27 3 1
                                    

SIMULA

    “Mina, takbo! Tumakbo ka na!” sigaw ng isang babae.

    “Hindi! Hindi kita iiwan, ano ba?!” giit naman ni Mina. Pareho silang sugatan at gula-gulanit ang kasuotan.

    Pilit na hinihila ni Mina ang kaibigan patayo mula sa damuhan ngunit iwinawakli nito ang kanyang kamay. 

    “Makinig ka sa akin, please! Iwan mo na ako para may makaligtas sa atin!” asik ng kanyang kaibigan. “Mas mabilis kang makakahingi ng tulong. H-Hindi ko na kayang tumakbo kaya mauna ka na.”

    Labag man sa loob, sinunod ni Mina ang utos ng kaibigan. “Babalikan kita, promise,” aniya at saka kumaripas ng takbo.

    Nakakalayo na si Mina nang marinig niyang sumigaw ang kaibigan. Sa kabila ng kanyang takot, pinili niya pa ring lumingon. Laking pagkagimbal ni Mina nang makita niya ang kaibigan na wakwak ang sikmura at umaagos ang dugo mula sa bibig nito.

    Sa labis na pagdadalamhati ni Mina, hindi niya namalayang sinasalubong na siya ng matatalim na kuko ng halimaw na siyang bumiktima sa kanilang magkaibigan.

***

    Hindi halos maipinta ang mukha ng isang miyembro ng pulisya habang tinatakpan ng puting tela ang bangkay ng dalawang dalaga. Nakatanggap sila ng tawag mula sa isang magsasaka na mayroong hinihinalang katawan sa kanyang palayan kaya naman agad napasugod ang mga taong-bayan dito. 

    Inilibot ng pulis ang kanyang paningin sa mga taong nagkukumpulan at namataan niya ang isang ginang na halos himatayin na sa kaiiyak. “Ang anak ko! Sinong gumawa nito sa anak ko? Mayor, Mayor! Tulungan niyo kami, parang awa niyo na.”

    Saglit na kinausap ni Mayor Santisima ang ginang bago pumasok sa police tape. Kinamayan nito ang matandang hepe saka nakinig sa ulat tungkol sa mga kaganapan.

    “Ito na ang pangatlong kaso natin ng ganito sa loob ng dalawang buwan, Mayor,” sabi ni Chief Linawan. “Limang dalaga. Lahat wakwak ang sikmura. Imposibleng kagagawan lang ito ng ordinaryong hayop.”

    Bumuntong-hininga si Mayor Santisima at tumango. Napahilamo ito ng kanyang mukha bago magsalita. “Chief, kailangan mong siguraduhin ang kaligtasan ng lahat. Nauulit na naman  ang mga nangyayari noon. At hanggang hindi natin nahuhuli muli ang halimaw na gumawa nito, hindi matatahimik ang bayan ng San Agustin.”

    “A-ano po sa tingin niyo ang gumawa nito?” Nauutal na tanong ng pulis.

    “Hindi ano kundi sino,” sagot ni Mayor. “Sino ang bagong nakipagkasundo sa demonyo at naging aswang sa bayang ito?”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 18, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Walang Aswang sa San Agustin Where stories live. Discover now