Isa sa pinakamasaya at pinakamalungkot na rin sigurong bahagi sa buhay nating mga estudyante ang makapagtapos ng High School. Sa puntong ito kasi ng ating buhay ay kailangan na rin nating ihanda ang ating mga sarili para sa pagpasok sa kolehiyo. At kasama na rin dito ang pagpili ng ating kurso na siya namang magdidikta sa atin o di kaya'y magbibigay sa atin ng trabahong gusto nating marating kapag tayo'y mga propesyonal at nakapagtapos na.
Pero sa puntong ito, paano mo nga ba maihahanda ang iyong sarili sa kolehiyo kung hindi ka naman sigurado kung makatutuntong ka rito? Alam mo ba 'yung pakiramdam na gusto mo namang mag-aral pero wala ka namang pera para makapag-aral? Tila suntok sa buwan para sa amin ang makapagpatuloy sa aming pagaaral lalo na para sa mga katulad naming nasa laylayan ng ating lipunan.
Bilang isang estudyante, ay minsan ka na ring nangarap na makapag-aral sa isang magandang eskwelahan na may maganda at kumpletong pasilidad. Isa itong pangarap ng kahit na sinong magaaral na makapagtapos ng pagaaral dahil marami kang natutuhan. At ang mga natutuhan mo sa apat na taon sa kolehiyo ay siyang magiging armas at sandata mo para harapin ang mga hamon sa buhay pagkatapos mong mag-aral at ikaw ay nagta-trabaho na. Baon ang mga kaaalaman at talinong ipinunla sa iyo ng magandang eskwelahan na iyong pinagaralan ay ito ang magiging susi upang mai-angat mo ang iyong sarili at ang iyong pamilya sa kahirapan. Pero gan'on nga lang ba kadali ang buhay? Gan'on nga lang ba kadali ang lahat para sa atin?
Bilang mga lumaki sa probinsya ay namulat kami ni Duke sa konsepto na kung gusto mong makapagtapos ng pagaaral ay dapat mong tulungan ang sarili mo o di kaya'y kailangang pagtrabahuhan at igapang kami ng aming mga magulang para dito. Si Duke ang matalik kong kaibigan mula pa noong nagaaral ako sa elementarya hanggang sa ngayon na nakapagtapos kami ng high school. At ngayon nga na tutuntong na kami sa kolehiyo ay problema naman namin ang aming gagastusin para dito. Dahil katulad ng iba ay pangarap din naming makapag-aral sa mga magagandang unibersidad at paaralan sa Maynila.
Masama ba ang maghangad na mag-aral sa Maynila? Kung mayaman lang din sana ang mga magulang ko, pwede pa. Kaso ay hindi naman gan'on ang aming sitwasyon.
"Nagapply ako ng scholarship sa UP, Bong. Gusto mo tulungan kitang maglakad ng requirements?" tanong ni Duke at kitang-kita ko rin sa mga mata niya na desidido siyang tulungan ako. Matalino at masipag naman ang kaibigan kong ito kaya isandaang porsyentong sigurado ako na makukuha niya ang scholarship na ito.
Ngumiti lang ako sa kaniya at ikinubli ang luhang nagbabadyang tumulo sa mga mata ko. "Ayos lang ako, Duke. Okay lang naman sa akin na huminto muna sa paga-aral. Magta-trabaho na lang muna ko para maka-ipon," tugon ko.
"Hays. Ano ka ba. Ako nga rin eh. Maga-apply lang din akong student assitant o kaya mag sideline na service crew sa mga fast food," sagot niya at tinapik ang balikat ko. "Kung hindi papalarin, edi sa State University tayo mag-aral. Free tuition naman do'n," dagdag niya.
Huminga lang ako ng malalim at niyuko ang ulo ko. Batid kong gusto niya talaga akong tulungan. Pero gustuhin ko man, may mga bagay pa rin talagang mahirap gawan ng paraan. "Kahit naman free tuition, Duke. Hindi pa rin ako makakapag-aral do'n, sa pangaraw-araw na gastos pa lang, talo na ako. Alangan namang ibigay pa sa akin ni tatay ang kinikita niya sa pagpapasada niya ng jeep imbis na pangkain namin araw-araw," sagot ko
Maaring ang iba ay hindi maiintindihan ang sitwasyon naming ito. Oo nga't responsibilidad ng mga magulang ang pagaaral ng kanilang mga anak, pero paano kung hikahos talaga ang mga ito sa hirap? Masisisi mo ba ang mga magulang mo kung kahit mabali na ang kanilang sa likod sa pagta-trabaho ay hindi pa rin magiging sapat ito para mabigyan ka nila ng magandang buhay? Kasalanan mo nga ba ang maging isang mahirap? Tunay nga, mahirap talaga kapag ipinanganak kang mahirap. Bagay naman na alam din ni Duke pero may kaunti lang kaming pinagkaiba sa aming sitwasyon.
YOU ARE READING
MANILA Series #1 - Love on Taft
Teen FictionFrom the home of the green archers. Taft avenue is the setting of the story where love blooms between Bong, a hardworking scholar and Bino [or Robin as his real name] a basketball player from the said university. Will love make them to the top? Or t...
