Part 20 - Ending

1.9K 77 10
                                    

"MAG-USAP muna tayo, Jessica."

Pormal ang ekspresyon na sandali siyang tumingin dito. Nasaktan siya sa paraan ng pagtawag na ginawa nito sa kanya. Sanay siyang tawagin sa pangalan niya subalit kung manggagaling sa mga labi ni Ted, mas hinahanap niya ang term of endearment nito sa kanya.

"Ano ang pag-uusapan natin?" malamig na tanong niya. Pinili niyang manatiling nakatayo. Pabor iyon sa kanya kung kakailanganin niyang tumalikod na agad.

Hinagod siya nito ng tingin. Nakadama naman siya ng awa. Bakas sa anyo nito ang kakulangan ng tulog. Maging ang pagkakaahit ng bigote at balbas ay tila magaspang. Tila buong mukha nito ang nangingitim, sa literal man o hindi na kahulugan ng pangungusap na iyon.

Pero mas nangibabaw sa kanya ang galit na nararamdaman niya para kay Ted. Pagkatapos siyang kausapin ni Sylvia, naging malinaw sa kanya ang kahulugan ng pag-iwas ni Ted noong nakaburol si Don Maximo hanggang nitong mga huling araw. Hindi iyon basta pagdadalamhati. Kundi pag-iwas.

Namalayan niyang nakahakbang na palapit sa kanya si Ted. Nang tumaas ang kamay nitong upang hawakan siya, hindi siya kumilos. Bumaba lamang ang tingin niya sa kamay nitong idinatay sa braso niya.

"I missed you."

Biglang tumaas ang tingin niya dito. At talagang ipinakita niya ang pagtataas ng kanyang kilay. "Tapos na ang palabas mo, Ted. Hindi mo na kailangang sabihin sa akin ang mga salitang iyan."

Nangunot ang noo nito. "Jessica, honey..."

Napangiti siya nang mapakla. Kung sa ibang pagkakataon ay malamang na kiligin siya sa pagtawag na iyon. Pero hindi ngayon na labis na siyang nasasaktan.

"Hindi ba't ginamit mo lang ako?" puno ng pagsumbat na ulos niya. "Wala na si Lolo Maximo. Hindi na kailangan niyan. Malinaw naman sa akin na ginawa mo lang ang lahat para bigyan ng kasiyahan ang matanda sa mga huling araw niya."

"Honey, sino ang nagsabi sa iyo niyan?" lalong lumalim ang gatla sa noo nito.

"Bakit, importante ba iyon? Totoo naman, di ba? Kesa ireto ako ni Lolo Maximo sa ibang lalaki, mas gusto niyang ikaw na lang, hindi ba? At ako namang si Tanga, ang tanga-tanga ko talaga! Kaagad naman akong nagpadala sa mga ginagawa mo. Isang halik lang, nakuha mo na ang loob ko. I hate you, Ted. I hate you," umiiyak na sabi niya.

"Honey..." Inabot pa siya nito upang yakapin subalit pumiksi siya.

"Masakit ang maloko, kung hindi mo alam," hikbi niya. "Pero mas masakit kung alam ko nang niloloko ako ay magpapaloko pa ako. Tigilan na natin ito, Ted. Malinaw na sa akin ang lahat." Marahas niyang pinahid ang mga luha at tiningnan ito nang deretso. "Dahil sa iyo pa rin ang bahay na ito, mabuti sigurong umalis na rin kami dito ni Tita Shirley. Iyong binasa ng abogado kanina na ibinibigay sa amin ni Lolo Maximo, gusto kong tanggapin namin dahil naniniwala akong bukal sa loob ng matanda ang pagkakaloob niyon sa amin."

"You have all the reasons to stay here, Jessica. Kayo ng tita mo. Hindi ko aalisin ang pribilehiyong iyon pati na ang lahat ng kahilingan ni Lolo. Wala akong balak na baguhin sa iniwan niyang testamento. And honey, please, huwag kayong umalis. Napasaya ninyo rin ang lolo sa mga huling araw niya dito. Kahit ilipat ko sa pangalan mo ang mansyon, manatili lang kayo rito."

Nagulat siya. "At bakit mo gagawin iyon?"

"Dahil nakita kong mahal ka rin ni Lolo. Nanghihinayang nga siya na wala nang kayamanan si Lolo Luciano para manahin mo. At hindi rin naman niya ugaling bawiin ang naibigay na niya sa akin kaya wala na siyang maaaring iwan pa sa iyo kundi ang laman ng isang bank account niya."

Matabang siyang ngumiti. "Salamat pero hindi na kailangan. Ang totoo, ang makatapos lang ako ng pag-aaral ay sapat na. Magagamit ko na iyon para makapagsimula kami ni Tita Shirley ng mas maayos na buhay."

JessicaWhere stories live. Discover now