“Iyon nga po ang problema nanay, eh…” wala sa sarili kong usal.

    Nakita kong natigilan si nanay sa ginagawa niya at kaagad na lumipad sa akin ang nag-aalala niyang mga mata. Mabilis siyang lumapit sa akin at hinawakan ako sa balikat.

    “Bakit, anak? May nangyari? May ginawa ka sa senyorito na kinagalit niya?” Narinig kong nanginig ang boses ni nanay, marahil ay sa biglang takot.

    Umiling ako. “Hindi po sa akin, nay. Si Roshan po kasi…”

    Kita kong alala at uhaw pa rin si nanay sa impormasiyon kung kaya ay kinuwento ko na sa kaniya ang buong nangyari. Simula nang magkabanggan sila senyorito at Roshan hanggang sa naging kasunduan. Nakita ko ang nagdaang iba-ibang emosiyon sa mukha ni nanay habang nagkukwento ako.

    “Ay naku, si Roshan kawawa naman, anak,” aniya. “H-Hindi kaya at madamay ka rin niyan, anak? Alam kong magkaibigan kayo pero nag-aalala ako. Mabuti muna siguro na lumayo ka?”

    Hinagod ko ang likod ni nanay at naiintindihan ko kung saan siya nanggagaling. Ngunit ang layuan si Roshan, kailanman ay hindi iyon sumagi sa aking isipan. Hindi ko nakikita ang sarili ko na wala sa aking tabi si Roshan. Kung nasaan ako o siya, naroon kami palagi para sa isa’t-isa.

    “Nanay, naiintindihan ko po kayo, pero kagaya nga po ng sabi mo, kaibigan ko si Rosh. Ayaw ko po siyang pabayaan kagaya na lamang ngayon.”

    Ilang pilitan pa ang naganap sa pagitan namin ni nanay hanggang sa huli ay sumuko na lamang siya. Pinaalalahan na lamang niya ako na huwag maging padalos-dalos at mag-ingat sa harap ng senyorito.

    Dumaan ang mga araw at nasasanay na rin naman ako sa set-up ng senyorito at ni Roshan. Kumalat na rin iyon sa paaralan at ang iba ay palihim na galit kay senyorito, lalo na ang mga tagahanga ng kababata ko. Kahit ako rin naman, ngunit kagaya ni Roshan, alam naming lahat na wala kaming magagawa. Kung hindi lang inaalala ni Roshan ang pamilya niya, alam kong lalaban siya. Ngunit dahil kilalang angkan at respetado sa probinsiya ang pamilyang Villaruel, hahayaan na lamang niyang magmukhang tuta maprotektahan lang ang mga mahal niya sa buhay. Naaawa na ako kay Roshan at mas lalo ko lang siyang minahal.

    “Oh, tara? Ano pa tinutunganga mo riyan? Hindi ka pa ba uuwi?” nagtataka kong tanong kay Roshan habang sinusukbit ang aking bag.

    Nakatayo lang kasi siya sa harap ng pinto ng classroom namin habang kami ni Esther ay handa nang umalis. Araw-araw mula noon at walang palya, sabay talaga kaming tatlo na umaalis niyan.

    Inis na kinamot ni Roshan ang ulo niya at tumingin sa likod ko kung saan panigurado ay naroon pa ang senyorito. Hindi kasi umaalis ng kwarto iyan hanggang hindi nakaalis ang lahat. Ayaw makipag-unahan at makipagsiksikan.

    “Eh paano ang mahal na senyorito nalaman na may mall tayo rito sa probinsiya. Nagpapasama roon at may bibilhin daw. Pota, kani-kanina niya lang sinabi sa akin. T-i-next ko na lang nga si nanay na medyo magagabihan ako,” aniya.

    Alam na rin pala ng mga magulang niya ang nangyari. Hindi naglilihim iyang si Roshan. Kagaya ni nanay ay nag-alala rin sila at pinagsabihan si Rosh, ngunit sumang-ayon din sila na sundin na lang ang senyorito kaysa magkagulo pa. Mabait naman ang senyor at senyora sa mga tao rito sa probinsiya, ngunit hindi namin alam kung ano ang magagawa nila para sa mga apo nila. Mukha pa naman silang spoiled lalo na itong si senyorito.

    “Naknamputa, kada umaga na nga pinapaantay ka niyan sa gate para magdala ng bag niya papasok sa classroom. Ngayon naman kahit sa labas nang eskwela ay utusan ka pa rin. Baka sa susunod palala nang palala na mga batas niyan sa’yo, dre,” si Esther.

    Nag-aalala na tinignan ko si Roshan. Tama si Esther. Halos hindi na nga namin siya kasabayan sa pagpasok dahil mas nauuna na siya sa eskwelahan para abangan ang senyorito dahil gusto nitong bibitin ni Roshan ang mga gamit niya pagpasok, ngayon naman kahit sa labas ng eskwelahan, kailangan pa rin si Roshan? Mukhang hindi na rin naman yata tama ito.

    “Hayaan niyo na. Sige na, mauna na kayo ni Miko,” aniya sabay hawak sa balikat ko.

    Sasagot pa sana ako nang maunahan na ako ni senyorito na noo’y palabas na.

    “Let’s go. Nathalie and the driver are waiting.”

    Tuloy-tuloy siyang naglakad, hindi manlang kami binalingan ni Esther. Ang mga mata niya kasi ay sa kaniyang cellphone. Nagpapaumanhin naman na tinignan kami ni Roshan bago mabilis na sumunod kay senyorito. Tinanaw ko silang magkasabay na maglakad habang unti-unti silang lumalayo. May kakaibang sakit na binigay iyon sa puso ko dahil para bang unti-unti na ring lumalayo sa akin si Roshan. Hindi ako sanay na ganitong may gap na kami. Masyado na akong sanay sa presensiya ng isa’t-isa. Natatakot ako.

    “Ayos ka lang?” tanong ni Esther.

    Nag-aalala ang mga mata niyang nakatingin sa akin at alam kong nababasa niya ako. Ngumiti na lang ako at inaya na lang siyang umuwi na kami… kahit wala si Roshan. Sa unang pagkakataon nakaya kong umuwi na hindi siya kasama. Ganoon din kaya ang nararamdaman niya o unti-unti na siyang nasasanay nariyan si senyorito para tugunan niya ang mga pangangailangan nito? Alam kong hindi tama na pag-isipan ko sila ng hindi maganda lalo at nagpapaubaya lang naman si Roshan at hindi rin iyon interesado sa lalaki kahit si senyorito pa. Si senyorito rin, mukhang natutuwa lang na torture-in ang kagaya ni Roshan dahil alam niyang hindi lalaban at mukhang hindi rin naman siya ang tipo na papatol sa lalaki. Hindi naman lahat ay kagaya ko ang damdamin.

    Ngunit ayaw kong magsinungaling sa sarili ko. Nag-aalala ako at hindi ako ayos.

🌈 ISMS1: Dahan (BL) ✔Where stories live. Discover now