Chapter II.

15 0 0
                                        

[In the picture: Roanne Espiritu]


[Roanne's POV]


TREZ DIAZ TOWER. Iyon ang pangalan ng gusaling pinasok ni Roanne kasama si Enrico. Mahilu-hilo siya bago nila natunton ang office of the general manager na nasa eleventh floor ng sixteenth-storey building na iyon. First time niyang sumakay ng elevator kaya nang biglang huminto iyon ay para siyang masusuka. Nang bumukas ang elevator ay umiikot pa ang kanyang paningin. Mabuti na lamang at naibalanse niya ang katawan. Kung hindi, baka sumubsob na isya sa balikat ni Enrico.

Gayunpaman, hindi nabalewala ng kanyang hilong-talilong na diwa ang humanga sa aristokratong silid na bumungad sa kanya. Carpeted ang buong sahig. Napakaluwang ng space na puwedeng magkasya kahit na ang dalawang classrooms. Glass-walled iyon, at dahil nakahawi ang mga kurtina ay napakaliwanag ng paligid; parang ang lapit-lapit sa mga ulap. Sa TV at magazines lamang niya nakikita ang mga ganoong tanawin.

Bago sumapit sa private office ng GM, may tatlong desk na nakahilera sa bungad na okupado ng tatlong empleyadong babae. Naka-office uniform ang mga ito na marahil ay mga staff ng GM.

"May personal appointment po ba kayo kay Boss, Mr. Soler?" Binati agad sila ng babae sa front desk.

"Actually, yes, Gina. I called him up last night. He will be expecting us to come today."

"Gano'n po ba? Maupo muna kayo, hindi pa dumarating si Boss." Sinamahan pa sila nito patungo sa visitor's waiting lounge na nasa isang panig ng opisina.

Complete with all the entertainment facilities ang silid na iyon. Binuksan ng babae ang TV sa pamamagitan ng remote control. Naka-tune in iyon sa isang cable channel, English morning news ang kasalukuyang palabas.

"Would you like some coffee, Sir?" tanong ng staff kay Enrico.

"No, thanks." Binalingan siya ng tiyuhin, "Ikaw, Roanne? Gusto mo magkape?"

Umiling siya. "Busog pa ho ako."

"Siyanga pala, pamangkin ko, si Roanne," pagpapakilala nito sa kanya sa babae.

Ngumiti naman ang babae sa kanya. "Hello. I'm Gina."

Gumanti siya ng ngiti rito.

"Ia-apply ko siya rito ng trabaho. Sa palagay mo ba'y mayroon siyang mapapasukan?"

"Hindi ko alam, eh. Usually, kapag may job vacancies kami, sa ibaba nanggagaling ang request. Pero sa lakas n'yo kay Boss, palagay ko'y hindi mawawalan ng puwang dito si Roanne."

"Sana naman. Nanggaling pa kasi siya ng Madrediosa. At kailangang-kailangan niya ng trabaho."

"Ano'ng natapos mo, Roanne?" tanong ni Gina sa kanya.

"Undergrad ako. Commerce."

"I see." Parang nababasa niya sa reaksyon nito ang kakulangan niya sa qualification. "Like I've said, malakas ang tito mo kay Boss. Pakihintay niyo na lamang siya rito. Anyway, past eight na, darating na 'yon." Bumalik na ito sa trabaho.

Dumampot ng broadsheet si Enrico at nagbasa. Habang si Roanne ay nagpapaling-linga sa kabuuan ng silid. Nate-tense siya. Hindi naman kasi ganoong lugar ang inaasahan niya. Masyado yatang mataas ang expectations ni Enrico sa kanya kaya naisip nitong doon siya nababagay.

Lumipas ang minuto. Dumalas ang pagsulyap ni Enrico sa wall clock. Kinabakasan niya ito ng pagkainip. Papasok pa kasi ito sa trabaho. Sinabi niyang iwan na siya nito roon pero hindi ito pumayag.

The Fatal EncounterWhere stories live. Discover now