Freedom from Prison

42 1 0
                                    

SCRIPTURE:
𝗠𝗴𝗮 𝗔𝘄𝗶𝘁 𝟭𝟯𝟵:𝟭𝟬

Tiyak ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan, matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.

LESSON:
Nakapag-observe na ba kayo ng lovebirds sa loob ng birdcage? Karaniwang magkatabi sila, tila naglalambingan, at tuwang-tuwang nagbubulungan ng kanilang matatamis na sikreto. Hala, beak-to-beak sila! Paroo’t parito ang lipad nila at ine-exercise ang makukulay nilang pakpak. Walang tigil din ang kanilang masayang paghuni kahit nasa hawla sila. Mukhang may matututunan tayo from our feathered friends.

Maaaring may mga oras na pakiramdam natin, katulad ng lovebirds, nakapiit tayo kahit wala namang rehas. Hindi tayo makausad, gusto nating makawala, pero hirap tayo, o kaya naman tila sunod-sunod ang hadlang sa mga plano natin. Hindi madali sa atin ang gayahin ang masasayahing lovebirds. Kadalasan nagpa-panic, nagagalit, o kaya naman nagi-give up tayo kapag hindi maganda ang sitwasyon. Hindi ito nakakatulong. Bakit hindi natin subukang lumapit sa Makapangyarihang Diyos at panghawakan ang Kanyang Salita?

Hindi man kapani-paniwala dahil madilim ang sitwasyon, pero ang totoo, kontrolado ni Lord ang lahat ng bagay, kaya nga Siya Diyos. Hindi ikinagugulat ng Diyos ang anumang sitwasyon natin. May plano Siya. Magpasakop tayo sa paraan at sa schedule Niya. Hindi natin kailangang mag-panic! Kapansin-pansin ang di pagkabahala ng lovebirds sa loob ng hawla. Puno pa rin sila ng galak at pagmamahalan sa isa’t isa. Iyan ang larawan ng kapanatagan kahit hindi ideal ang sitwasyon.

Sila Pablo at Silas ay naging panatag din kahit sila ay nasa bilangguan. Dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus, inaresto, kinaladkad, at ibinilanggo sila. Pagsapit ng hatinggabi, imbes na sumbong at reklamo, awit at panalangin ang narinig ng lahat mula sa dalawa. Paano nakaawit ng mga himno sila Pablo at Silas sa bilangguan? Alam nilang nararapat na laging papurihan ang Makapangyarihang Diyos, ngunit higit pa riyan, natitiyak din kasi ni Pablo at Silas na nagaganap ang plano ng Diyos, at kahit doon sa kaloob-looban ng bilangguan, kasa-kasama nila Siya, tatagpuin sila at palalayain. At iyon nga ang nangyari (Mga Gawa 16:25-27).

APPLICATION:

Pumili ng tatlong awit ng papuri na puwede mong sabayan habang nasa isang pribadong lugar. Gawin mo ang oras na ito na oras ng pagsamba sa Panginoon, your date with the Lord.

PRAYER:

Panginoon, may nakikita man akong hindi maganda sa aking sitwasyon, ngunit hindi nito mahahadlangan ang mga plano Ninyo. Tulungan Ninyo akong magtiwala sa Inyong paraan at oras. Bigyan Ninyo ako ng karunungan kung papaano mag-respond sa paraang ikaluluwalhati Ninyo. In Jesus name Amen.

Tagalog Daily DevotionWhere stories live. Discover now