Ang Nakalipas na Dalawang Siglo
Natatakpan ng dalawang buwan ang nag-iisang araw sa Hiraya. Isa itong natural na pangyayari sa lupain ng Hiraya na siyang nagaganap sa tuwing ika-limang siglo. Tatlong araw na mawawala ang liwanag. Ang araw ay magiging gabi at sa ikatlong araw ay iiyak ng dugo ang dalawang buwan.
Kagimbal-gimbal na pangyayari ito para sa mga nilalang ng Hiraya dahil hinihigop ng dalawang buwan ang kanilang kapangyarihan.
Mula sa kaniyang trono ay pinagmamasdan ni Mata, ang reyna ng Hiraya ang paglukob ng kadiliman sa kaniyang kaharian. Maging siya ay wala ngayong kapangyarihan, ngayon kung kailan itinakdang mangyayari ang propesiya.
Sa pagkakataong iyon, maliban sa sandata kaniyang sandata at kalasag, ang sarili lamang niya ang tanging kasangga.
Nariyan ang mga kawal na tagapag-tanggol, mga lambanang taga-bantay, mga kasanggang kapwa diwata, ngunit kailanman ay hindi nagsisinungaling ang mata.
Bago ang naturang pangyayari, nakita na ni Mata ang patataksil ng ilang kapwa diwata kasama ang mga dalakitnon sa pamumuno ni Daiton. Nakita niya na ang katapusan ng kanyang pamumuno sa Hiraya. Pamumuno na kasing-tanda na ng panahon.
Kaya bago pa man mangyari ang nakatakda, binuksan na ni Mata ang lagusan. Itinawid niya na ang magigiting at tapat na kawal, lambana, gabay, babaylan, asog at mga diwata.
Inayos niya na ang Balay. Binigyan niya na ito ng makapangyarihang sanggalang na siyang po-protekta sa mga tapat na alagad at siyang magsisilbing tahanan ng sanggol na nasa kalahati ng propesiya.
Umihip ang hanging amihan.
Tumayo si Mata sa harapan ng kanyang trono habang hinihintay ang mga paparating. Naghanda na rin ang ilang kawal na natira.
Mabibigat na yabag ang namayani. Hampas ng pakpak. Tunog ng sasakyang panghipapawid.
Ang dating makulay na trono ay tila nakikiayon sa nalalapit na katapusan. Unti-unti itong nauubusan ng kulay at buhay. Ang matayog na kisame ay tila nagpupumilit na bumagsak. Tila nararamdaman nito ang paparating na kapahamakan.
Ang mga mirasol na siyang sagradong bulaklak ng Hiraya ay nakayuko ngayon at nakasara ang bawat talulot. Ang mahikang bumubuhay sa Hiraya ay mahina ngayon dahil sa tatlong araw na pagtakip ng dalawang buwan sa araw.
Humigpit ang hawak ni Mata sa kambal na sandatang si Sinag sa magkabilang kamay nito. Wala itong sariling buhay ngayon. Ang dating nakasisilaw na liwanag ng sandata ay hindi makita.
Matulis ang bawat dulo nito at makapangyarihan ang talim. Hindi man nito kayang saktan ang mortal na makakasagupa, kaya namin nitong kitilin ang buhay ng mga nilalang na kagaya nila.
Dumagundong ang balang apoy mula sa mga sasakyang pang-himpapawid. Nanatili si Mata na nag-aabang sa mga taksil na kalahi niya hanggang sa marahas na magbukas ang malaking pintuan ng trono.
Tumakbo ang mga kawal paikot sa kanya habang nakatutok ang mga sandata nito sa kanya. Sa bawat pagtama ng balang apoy ay nayayanig ang tore. Ngunit ang reyna ng Hiraya ay naglakad lamang patungo sa gitna.
"Kung bakit hindi na ako nagulat pa," wika nito sa makapangyarihang tinig. "Ang mga kawal at diwata na aking inalagaan sa loob ng ilang dantaon ay nakahanda ngayong kitilin ang aking buhay."
Bumagsik ang hanging amihan. Ang ilang mirasol ay nagsisibagsakan na. Ngunit matalim ang mga Mata ni mata na tinitingnan ang lahat ng kayang abutin ng paningin niya. Huminto iyon sa isang kawal.
Matangkad. Maganda ang hubog ng katawan. Kung sa mundo ng mga mortal ay nakakatakot ang mga wangis nila, sa Hiraya ay tila mga tao lamang sila kung tingnan.
YOU ARE READING
Orasa
FantasySimple, payapa, masaya at punong-puno ng pagmamahal. Ganyan kung ilarawan ang buhay ng dalagitang si Sanya sa Baryo Mabuhay. Ang hindi niya inaasahan, mawawala ang lahat ng ito sa isang iglap. Sa pagsapit ng kanyang ika-labinanim na kaarawan, tuluya...
