Sinong gustong makipag barter diyan ng Tatay? Urgent lang. Joke.



"Oo na po. Pasensiya na po. Ito na po."



Binuksan ko yung paperbag at akala ko ay pagkain o damit ang bubulaga sa akin pero hindi ko inaasahan ang nakita ko. Halos lumuwa ang mga mata ko ng bumulaga sa akin ang isang box ng bagong cellphone.



"Akin to Tay?!"



"Kanino pa ba?"



"Seryoso talaga?! Akin to?! Ang mahal nito ha!" Paglingon ko sa kanya ay napasimangot ako. Nakatapat lang naman ang camera niya sa mukha ko. Paniguradong ipopost niya nanaman ako.



"Ano pang hinihintay mo? Buksan mo na kung ayaw mong ibalik ko ulit yan sa tindahan."



Naexcite ako at humahalakhak na binuksan ang carton. Napatalon talon ako kaagad sa sofa ng mahawakan ko na ang bagong cellphone ko.



Sa wakas ay mapapalitan ko na rin ang qwerty keypad na cellphone ko! Blessing in disguise naman din pala yung ulan portion namin ni Hanson.



"WAAAH! Salamat Tay!"



Namangha talaga ako dahil ibang-iba na ang features nito kaysa sa normal keypad. Sa wakas at malaya na akong makakadownload ng mga apps!



Pero teka ano bang mga apps ang dapat na idadownload ko? Gagawa na ba ako ng instagram account? Eh yung wattpad-?



"Mabuti naman at nagustuhan mo. Magpasalamat ka nalang sa Nanay mo." Natigilan ako sa pagtalon at tinitigan si Tatay. Akala ko naman kasi ay napasukan na ng sandamakmak na tubig ulan ang tenga ko.



"Anong sinabi mo Tay? Paki ulit nga."



"Bigay yan ng Nanay mo, Sunshine. Sa kanya ka magpasalamat." Biglang sumama ang mood ko at nanggigigil na ibinalik sa karton ang cellphone.



"Hindi ko kailangan magpasalamat dahil ayaw ko ng suhol."



"Gusto niya ng makipag-ayos sa atin, anak." Mapait akong napatawa bago umiling-iling.



"Tapos? Babalik ba siya sa atin? Mabubuo na ba ang pamilya natin? Hindi naman diba?"



Hindi kinasal sila Nanay at Tatay ngunit nagsama sila ng matagal na panahon at naging bunga ako nun. 7 years old pa lang ako ng magdesisyon silang maghiwalay. Nagkasawaan daw sila at nawala ang pagmamahal sa isa't-isa pero may mas higit na rason pa yun.



Si Tatay ang pinili kong samahan kahit na mas may karapatan si Nanay sa akin noong mga edad kong yun. Hindi siya nanlaban. Hindi niya ako pinaglabang makuha kaya naman alam ko. Tama ang naging desisyon ko kahit na bata pa lang ako nun.



"Alam mong hindi na yun pwedeng mangyari anak, hindi ba?" Hinawakan ni Tatay ang kamay ko at bahagya itong pinisil.



Isang taon lang pagkatapos nilang maghiwalay ng magpakasal daw si Nanay sa isang mayamang lalaki. Hindi na kami nagkita dahil doon na siya tuluyang natali at hindi na kami nagawang balikan.



"Yun na nga. Kaya bakit pa siya magpaparamdam? Sanay naman na tayong wala siya!" Bumuntong hininga si Tatay.



"Gusto niyang siya naman ang magpa-aral sayo ngayong magka-college ka na anak. Gusto niyang bumawi sayo."



"Tapos? Pumayag ka Tay?" Tinitigan ko siya at ng makita ang dahan-dahan niyang pagtango ay napabitaw ako. "Bakit? Hindi mo na ba ako kayang pag-aralin?"



A Little Bit of SunshineWhere stories live. Discover now