Biglang kinabahan si Ysabella sa sinabi ni Fernan. "Ano ka ba naman, Fernan! 'Wag kang magsalita ng ganiyan. P-parang mawawala ka na, eh."

"Ang asawa ko..." sabay yakap nito sa kanya. "'Wag kang mag-alala. Hinding-hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita!"

"Mahal na mahal din kita, Fernan..." tugon niya.

"Para sa'yo..." sabay abot nito ng puting rosas.

Napangiti siya. Halos isang linggo na kasi siya nitong binibigyan ng ganoon.

"Salamat," at sinamyo niya ang bulaklak. "Naku, baka mahuli ka ni Aling Toyang, ha. Palagi mo na lang ninanakawan ang garden niya," tukoy ni Ysabella sa kapitbahay nila na may-ari ng garden kung saan kumukuha si Fernan ng rosas ng walang paalam.

"Hayaan mo nga siya. Alam ko naman na gusto mo ang white roses... Kaya kahit mapagalitan niya ako, wala akong pakialam. Basta para sa pinakamamahal kong asawa!"

Labis na kinilig si Ysabella sa sinabing iyon ni Fernan.

Matapos siyang gawaran ni Fernan ng halik sa labi ay nagpaalam na ito. Inihatid niya ito ng tanaw hanggang sa makasakay na ito ng bangka. Ngunit ganoon na lang ang kanyang pagkabigla nang pagkurap niya ay makita niyang walang ulo ang asawa niyang si Fernan! Bumaha ang kaba, takot at kilabot sa buo niyang katawan. Kumikilos ito ngunit walang ulo. Agad niyang kinusot ang kanyang mata at nang muli niyang tingnan ito ay may ulo na ulit ito.

May nakapagsabi sa kanya na masamang pangitain daw na makita mong walang ulo ang isang buhay na tao. Ibig sabihin daw niyon ay may masamang mangyayari sa taong iyon o kaya ay mamamatay ito. Ang kailangan daw gawin ay sampalin ang taong iyon upang makontra ang pangitain. Ang iba pa raw na paraan ay hubarin lahat ng isinuot ng taong iyon at sunugin o di kaya ay ibaon sa lupa. Maaari rin daw sakluban ng sumbrero sa ulo upang bumalik ang ulo nito.

Mas lalong kinabahan si Ysabella sa naisip niyang iyon. Gusto niya sanang habulin si Fernan at huwag na itong patuluyin sa pagpunta sa dagat ngunit masyado nang malayo ang narating ng bangka nito. Pumasok na lang siya sa bahay at humarap sa altar upang magdasal.

-----***-----

BUONG maghapon na nag-aalala si Ysabella sa bahay. Hindi na niya nagawang kumain ng tanghalian dahil sa labis na kaba. Halo malapit nang gumabi ngunit hindi pa rin bumabalik sina Fernan at Mikael mula sa dagat. Panay ay silip niya sa may pintuan at umaasa siya na makikita niya doon ang kanyang asawa at ang kapatid nito, ngunit palagi siyang bigo.

Naalala niya ang nakita niya kanina - iyong walang ulo si Fernan.

'Diyos ko... Huwag naman po sana. 'Wag Niyo pong hayaan na may mangyaring hindi maganda sa asawa ko,' bulong niya sa nasa Itaas.

Maya maya ay bigla siyang nakarinig ng mga sigawan sa labas. Tila may gulo na nangyayari doon. Bigla siyang kinabahan kaya walang pagdadalawang-isip na lumabas siya. Nakita niya na nagkukumpulan ang mga tao sa baybayin kaya doon siya nagtungo. Walang pakialam si Ysabella kahit wala siyang sapin sa paa.

"Makikiraan po... Excuse me po!" sabi niya habang hinahawi ang mga tao.

At nang makita niya ang pinapaligiran ng mga tao ay biglang tumigil ang mundo ni Ysabella. Doon ay nakita niya sina Fernan at Mikael. Basang-basa ang mga ito. Nakahiga at maputla ang mga mukha. Nakapikit at tila hindi na humihinga.

"F-fernan..." Hindi makapaniwalang bulalas niya sabay ng pagbalong ng luha sa kanyang mga mata. "Fernaaan!!!" malakas na sigaw ni Ysabella.

Agad siyang lumapit sa asawa niya at niyakap ang ulo nito.

"Anong nangyari sa asawa ko? Ano?!" humahagulhol na tanong niya.

"Nasira ang bangkang sinasakyan nila. Lumubog at parehas pa yata silang pinulikat. Nalunod sila," sagot ng isang lalaki na mukhang mangingisda din.

My Husband's BrotherDonde viven las historias. Descúbrelo ahora