4

17.2K 512 4
                                    


HINDI siya nakaalis nang maaga sa gallery dahil may dalawa pang customers na late nang dumating. Kaya alas-seis y media na nang iparada ni Angeli ang pulang Mazda niya sa parking lot ng building. Lumabas siya ng kotse at ipinasyang huwag nang dalhin ang shoulder bag. 

Ipinasok sa bulsa ng pants niya ang susi ng kotse.

Iilang sasakyan na lang ang nakita niyang nakaparada sa parking lot ng four-storey office building na iyon. At ang isa roon ay ang Sentra ni Dirk. Siguro'y ang mga nag-o-overtime pa sa ilang opisinang nangungupahan sa building na iyon.

Si Dirk ay general manager ng Vergara Trading, isang malaking tindahan ng imported at primera klaseng tiles and bathroom accessories. Okupado ng display store nito ay buong ibaba ng building. At ang pinakaopisina naman ay nasa ikatlong palapag.

Minsan na niyang nakilala ang boss nito nang sunduin niya si Dirk sa opisina isang hapon. Si Mr. George Vergara. Ayon kay Dirk, dalawang beses lang sa loob ng isang buwan kung dumating ito sa opisina. Mas naglalagi ito sa branch store sa San Nicolas, isang bayan sa Norte at five hours drive mula sa Maynila.

Bukod pa sa nagmamay-ari ito ng isang beach resort doon.

Ang tindahan sa ibaba ay sarado na. Nagtuloy si Angeli sa main entrance. Nakita niya ang nag-iisang security guard na nakayuko at may isinusulat. Ni hindi ito nag-angat ng tingin nang dumaan siya.

Nag-aatubili siya kung gagamit ng hagdan o elevator. Pero dahil naka-park naman ang nag-iisang elevator sa building na iyon ay minabuti na niyang iyon ang gamitin.

Sa third floor ay napangiti nang makitang naroon pa si Gail, ang kahera sa tindahan sa ibaba. Tila nagkukuwenta ng sales ng araw na iyon.

"Short ka na naman ba, Gail?" pabirong bati niya.

Naging classmate niya si Gail noong high school sa JRC sa Mandaluyong. Bagaman hindi sila magkapitbahay ay nagkahulihan sila nito ng loob dahil pareho silang iisa na lang ang magulang. Biyuda na ang mommy niya at si Gail nama'y wala nang ina.

Subalit hanggang doon nagtatapos ang mga bagay na magkatulad sila. Dahil may naiwang kabuhayan ang daddy niya sa kanila bukod pa sa ang mommy niya'y may jewelry store sa Glorietta.

At bukod sa pagiging laging napipiling muse si Angeli ay valedictorian pa ito nang magtapos nang high school. Hindi dahil sa kakulangan ng talino sa bahagi ni Gail kundi hindi ito makapag-concentrate sa pag-aaral dahil nag-aalaga pa ng dalawang maliliit na kapatid sa asawang kauli ng ama nito.

And while Angeli went to UP to take up Fine Arts, si Gail ay kumuha ng dalawang taong secretarial course, na ang dalawang taon ay inabot ng apat dahil nang mamatay ang ama nito'y napilitang huminto muna si Gail at pumasok bilang waitress sa isang restaurant na malapit sa JRC.

Ganoon ma'y hindi naputol ang ugnayan nilang dalawa dahil siya mismo ang tumatawag at dumadalaw dito kung mayroon din lang pagkakataon. Niyayaya niya itong mamasyal o di kaya'y isinasamang mag-shop­ping. At kalimitan ay pinagpipilitan niyang bilhan ito ng mga gamit na kailangan nito bilang dalagita.

Si Angeli rin ang nagrekomenda rito kay Dirk bilang kahera nang malaman niyang nag-resign na ang kahera sa tindahan. Agad namang nag-resign si Gail sa pinapasukang restaurant para pumasok sa Vergara Trading. Umupa na rin ito ng sariling kuwarto sa Alabang at tuluyan nang humiwalay sa madrasta.

"Angeli!" wika ni Gail na bahagyang nagulat nang makita siya. Natitiyak niyang hindi nito inaasahang darating siya.

Nginitian niya ang kaibigan. "Si Dirk, nasa office pa ba niya?"

My Love My Hero, Hanz (UNEDITED)(COMPLETED)Where stories live. Discover now