Epilogue

7.7K 409 170
                                    

-----

Mabilis na lumipas ang limang araw matapos ang labanan sa mundo ng mga Invisibles.

Nang makabalik sina Helena at West sa ikalawang Drift Room ay wala silang inabutang Genesis doon. Ang naroon ay sina Lolo Fredo at Lolo Gio na itinuro sa kanila ang tila lusaw na metal na nasa gitna ng Drifting triangle. Iyon lang daw ang lumitaw mula sa kumisap na portal sa trianggulo. Hindi nagkomento ang dalawang matanda sa mga posibilidad. Kung buhay pa si Genesis o hindi ay hindi na nila napag-usapan. Pagkatapos ay awtomatikong nawalan ng malay si West nang masigurong wala nang panganib sa mansyon.

Kinabukasan, sa bisa ng kapangyarihan ni Lolo Gio sa panggagamot ay nakakakilos na si Gian. Pero nanatiling may benda ang dalawang kamay nito sa tinamong pinsala dahil sa pagkuha sa Dowser ni Helena.

Sa ikatlong araw ay nagmulat naman sina Granpa Leo at Granma Alice. Nang araw na iyon ay dumalaw sina Juanito at Estela Banaag kasama ang anak ng mga ito na si Corrinne. Personal na nagpasalamat ang pamilya kay Helena sa pagkakabalik ni Corrinne at pagkakakilala kay Protacio. Ibinalita ng mga ito ang pagpapagaling ng huli mula sa mga tinamong sugat. Pagkatapos ay nakipag-usap ang mga ito sa mga dating kasapi ng Guardianes del Mundo.

Sa ikaapat na araw ay dumalaw sina Hermes at Auntie Nida kay Helena. Sinamahan din ng mga ito ang babae na magbantay sa hindi pa rin nagmumulat na si West at sa lumalalang si Ninong Ben.

At ngayong araw, sa ikalimang araw, ay nasa hardin ng mansyon ng mga Heinrich si Helena. Mag-isa siyang nakaupo sa garden table at umiinom ng tsaa. Wala pa ring senyales na gigising na si West. Tulad nang wala pa ring pagbabago sa kalagayan ni Ninong Ben. Nananatiling tila nasa estado ng comatose ang lalaki.

“Helena...” boses iyon ni Lolo Gio.

Naging iregular ang tibok ng puso ni Helena nang lumingon sa matanda. Hindi kaya...

“Gising na po si West?” tanong niya.

Umiling ito. “Naku! Matatagalan pa siguro tayo sa paghihintay na gumaling ang bantay mo. Masyado niyang naabuso ang katawan niya.”

Bumuntong-hininga siya. Hindi lang abuso ang nangyari kay West. Literal na tumutulo ang dugo sa mga kamay nito nang magbalik sila. Nagtataka nga siyang may malay pa ang lalaki nang makalagos sila pabalik mula sa mundo ng mga Hindi-Nakikita. Nang bumigay na ang katawan nito at mapikit ay agad na dinala nina Lolo Gio at Lolo Fredo sa ikatlong Drift Room. Nanood siya nang tanggalin ang benda nito at palitan ng panibago. Narinig niya ang mahina at mabagal na paghinga ni West. Pagod na pagod ito. At mula nang araw na iyon ay lagi siyang nakabantay sa Guardian niya.

“Pero... mabilis naman po ang paggaling niya, hindi ba?” mababa ang tinig na tanong niya.

“Oo. Masyado lang marami at komplikado ang pinsala niya kaya kahit na mabilis ang paggaling, wala pa rin siyang malay. Malakas siya. Nagawa ngang makipagsabayan sa iyo sa ibang dimensyon, hindi ba?”

Tumango lang siya. Bumalik sa pag-inom ng tsaa. Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila ng lalaki.

The Drifter Case #01 : The 150-year Old Man (COMPLETED)Where stories live. Discover now