Chapter Nine

684 40 13
                                    

PANAY ang lakad ni Archie sa labas ng emergency room. Naroon si Lianne at pilit na nire-revive ng mga doktor at nurse. May pulso pa si Lianne nang itakbo sa ospital pero ngayon ay hindi na niya alam kung ano ang lagay nito. Gusto na niyang pumasok sa loob ng ER pero pinagbawalan siya kanina ng doktor. Kaya ang tanging nagagawa lang niya ay ang magdasal habang natataranta sa labas ng ER.

Puno ng dugo ang damit at kamay niya. Agad kasi siyang tumakbo kay Lianne nang makita niyang mabangga ito ng truck. Nakapreno naman ang truck pero huli na ang lahat. Nabangga pa rin niyon si Lianne. Kitang-kita niya kung paano tumalsik si Lianne at nagpagulong-gulong hanggang sa malakas na humampas ng ilang ulit ang ulo nito sa gilid ng kalsada.

Ang imaheng iyon—hindi maalis-alis sa utak niya.

Parang sirang plaka na paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang imahinasyon!

Ngunit ang mas nakakapagpa-durog sa puso niya ay nangyari iyon dahil sa kaniya. Kung hindi niya sana pinagsabihan ng masasakit na salita si Lianne ay hindi ito tatakbo palabas ng condo unit niya at hindi ito mababangga ng truck.

Tigam sa luha na napasandal si Archie sa dingding at tila nauupos na kandila na marahang umupo. “Kasalanan ko ito… Kasalanan ko ito…” Umiiyak na sisi niya sa sarili.

Huwag naman sanang mangyari pero oras na may hindi magandang mangyari kay Lianne ay hindi niya mapapatawad ang sarili. Baka habangbuhay niyang sisihin ang sarili sa nangyari.

Maya maya ay lumabas na ang isang lalaking doktor mula sa emergency room. May bahid pa ng dugo ang kamay at suot nitong damit.

Mabilis na tumayo si Archie at sinalubong ito. “Doc, si L-lianne? K-kumusta na po siya?” Kinakabahan niyang tanong.

Hinawakan siya ng doktor sa isang balikat at diretsong tiningnan sa mata. “I am sorry… We tried our best pero it’s too late…” Malungkot nitong sabi sa kaniya.

Natulala si Archie sa sinabi ng doktor. Napamaang siya at hindi makagalaw. Nanlalabo ang mata niya. Hindi niya alam kung dahil sa luha o dahil sa nauubusan siya ng lakas sa nalaman.


-----ooo-----


WALANG patid ang luha ni Archie habang pinapanood ang unti-unting pagbaba ng kabaong ni Lianne sa hukay. Maya maya ay tinabunan na iyon ng lupa ng dalawang lalaki na naroon. Araw ng libing ngayon ni Lianne. Matapos ang tatlong gabing burol nito ay ililibing na ito ngayon.

Malungkot. Sobrang lungkot.

Para na rin siyang namatay sa pagkamatay ng kaniyang nobya. Masakit din na siya ang dahilan ng kamatayan nito. Kung isinantabi lang niya sana ang init ng ulo ay kasama niya pa rin ito.

Ngayong wala na si Lianne, malaking bahagi ng buhay niya ang nawala rin. Hindi na niya alam kung paano mabuhay nang wala ito sa tabi niya. Ngayon pa lang ay nami-miss na niya ito. Kung hindi nga lang kasalanan sa Diyos ay baka nagpakamatay na siya para makasama ito sa kabilang buhay. Ngunit hindi niya iyon gagawin. Alam niyang hindi matutuwa si Lianne kapag kinitil niya ang sariling buhay.

May tumapik sa balikat niya. Ang tatay ni Lianne. May pait sa ngiti nito. “Huwag mong sisihin ang sarili mo, Archie. Wala kang kasalanan sa pagkamatay ni Lianne…” sabi nito sa kaniya. No’ng burol kasi ay nasabi niya na kasalanan niya lahat.

“Hindi ko po maalis sa isip ko na kasalanan ko kung bakit wala na siya…”

“Naiintindihan kita pero hindi matatahimik si Lianne kung sisisihin mo ang sarili mo. Masakit man tanggapin pero itinakda na ng Diyos ang pangyayaring iyon. Isipin na lang natin na nasa magandang kalagayan na ngayon ang anak ko.”

Kung 'Di Rin Lang IkawWhere stories live. Discover now