Chapter 24

4.2K 135 0
                                    

Chapter 24

Hindi tulad ni Mayor Lucas Villacorte, si Delfin Magno ay hindi nangangailangan ng maraming alalay. Alam ni Baba na iisa ang bodyguard nito na siyang driver din. Naghintay siya sa labas ng bahay na tinutuluyan nito, nakitang umalis ang driver at isang kawaksi, sakay sa kotse ni Delfin. Marahil inutusan ang mga itong umalis. Ang pinakamalapit na tindahan ay malayo. Magagawa niya ang pakay bago pa makabalik ang dalawa. Maingat siyang lumapit sa bahay. Saulado niya ang bahay na iyon sa makailang ulit na niyang pagparoon.

Nagawa niyang buksan ang kandado ng pintuan sa likod ng bahay at maingat na nakapasok doon. Narinig niya agad ang tunog na nagmumula sa sala. Bukas ang telebisyon. Maingat siyang naglakad patungo roon hawak ang kanyang baril, bawat galaw ay alerto, maingat, sanay.

"Daddy, lagyan mo ng pandikit dito."

Lahat ng determinasyon at apoy sa puso niya ay naglaho nang marinig ang tinig na iyon ng isang batang lalaki. Wala siyang nakikitang taong nakaupo sa sofa ngunit nagmumula ang tinig sa bandang iyon. Lumapit pa siya at nakitang nakaupo sa sahig si Delfin, kausap ang anak nitong marahil ay siya o walong taong gulang. Noon lang niya nakita ang bata. Sa pagkakaalam niya ay may anak nga ang abogado bagaman pumanaw na ang asawa nito. Hindi siya napansin ng dalawa dahil nakakubli siya sa poste at madilim na, maliban sa sala kung saan nakabukas ang malamlam na liwanag.

"Daddy, paliliparin ba talaga natin itong saranggola bukas?" wika ng bata.

"Basta't nangako ang Daddy, tinutupad niya. Sa isang taon gagawa tayo ng malaking-malaki, ilalaban natin sa kite festival."

"Sige, Dad! Kapag ba nagpalipad ako ng saranggola, makikita ni Mommy?"

"Siyempre. Lahat ng ginagawa natin, nakikita ni Mommy kasi nasa heaven na siya. Lahat ng bagay makikita mo kapag nasa heaven ka."

Biglang-bigla, para siyang tinarakan sa dibdib sa alaalang biglang nabuhay sa isip niya. Ilang panahon na niyang hindi naaalala ang eksenang iyon, walang tunog ang alaala, animo isang malinaw na palabas sa telebisyon—makulay at buhay na buhay. Mga diyaryo sa lapag, gunting, pandikit na nasa lata ng gatas. Ang kanyang ina, nakangiti sa kanya. Gumagawa sila ng saranggola...

"Ano'ng ginagawa mo rito?" si Delfin.

Nagbalik ang pagiging alerto siya, nais magalit sa sarili na sa gitna ng importanteng misyon ay nawala siya sa sarili. Agad na itinutok niya ang baril sa lalaki. Pilit niyang tinandaan na ang lalaking ito ang nagsamantala sa pinakamamahal niya.

"Daddy, sino po 'yon? Daddy?" tanong ng batang tila nais kumawala mula sa ama nito at dahil pumalag ito ay lumuwag ang kapit dito nito Delfin. Tumayo ang bata, humarap sa kanya. "Sino po kayo?" tanong nito.

Ang mga mata nito... Marahil habang-buhay niyang maaalala ang mga inosente ang malalaking matang iyon, may bahid ng takot.

"Enrique, tumaas ka na sa kuwarto mo. Ngayon na," wika ng abogado sa bata.

Lumingon ang bata sa ama nito, saka muling tumingin sa kanya. Tahimik nitong dinampot ang hindi pa gawang saranggola at pumihit. Tumaas na ito sa hagdan. Binalingan siya ni Delfin, umaatras ng lakad kahit wala rin itong maaatrasan—isang mataas na mesa ang nasa likuran nito. Natural, kilala siya ng lalaki. May galit na nakasulat sa mukha nito.

"Isang tao lang ang naiisip kong maaaring nagpapunta sa 'yo rito—"

"Tumahimik ka," mahinahon, halos-bulong na sambit niya. Gulong-gulo ang kalooban niya sa mga sandaling iyon.

"Bakit, ayaw mong marinig ang totoo? Totoo pala ang mga sabi-sabi, ano? Na mula sa mga sundalo ng ama niya, lumikha ng sarili niyang sundalo si Candida—"

Cardinal Bastards 1 - Baba Esperanza (COMPLETED)Where stories live. Discover now