Chapter 9

3.1K 64 1
                                    

“HIJO, why don’t you take a few hours of rest?” Bakas sa mukha ng ina ni Miguel ang pag-aalala sa kanya. Dinalaw siya nito sa bahay niya, sampung araw buhat nang makausap niya sa telepono sina Wilbert at Paula.

“Simula nang mawala si Paula, halos wala ka nang pahinga.”

“Nawawalan na ako ng pag-asa, Mama. Paano kung hindi magawan ni Attorney Lorenzo ng paraan na mapalaya si Hernan Abordo? Ano na ang mangyayari kay Paula?”

Naupo ito sa tabi niya. “May awa ang Diyos, hijo. Matatagpuan din natin siya.”

“Paano kung hindi na siya ibalik ni Wilbert o patayin siya nito?”

Hindi ito sumagot.

“Hindi ko siya dapat iniwan sa hacienda. Kasalanan ko ito.” Naisabunot niya ang kamay sa kanyang ulo.

“It’s not your fault kaya huwag mong sisihin ang sarili mo, hijo. Hindi mo ginustong mangyari iyon. Ginawa mo naman ang lahat para maprotektahan siya.”

Matagal na nawalan siya ng kibo at nakatitig lang sa basong hawak niya na may lamang alak. Napahinga siya nang malalim. “Bakit kailangang mangyari pa ito, Mama? Bakit ngayon pa?”

Tiningnan siya nito.

“I have fallen for her, 'Ma. At sa dinami-rami ng pagkakataong puwede ko siyang makilala, bakit ngayon pa? Bakit sa kanya pa nangyayari ang mga bagay na ito?”

Matagal na tiningnan siya nito. Pagkatapos ay bahagyang ngumiti ito. “Magiging maayos din ang lahat, Miguel. Makukuha rin natin si Paula. Maiwan na muna kita, hijo. May lakad pa kasi kami ni Evelyn. Dumaan lang naman ako rito para kumustahin ka at makibalita na rin about kay Paula.”

Tumango lang siya. Hinagkan muna siya nito sa noo bago siya nito tuluyang iniwan.

Napabuntong-hininga siya. Ilang oras pa siyang nakaupo sa sala at umiinom. Umeepekto na ang alak sa kanya nang may mag-doorbell. Si Yaya Carmen na ang nagbukas ng pinto.

“Miguel, may bisita ka,” anang matanda bago ito bumalik sa kusina.

Napalingon siya sa tinutukoy ni Yaya Carmen na bisita. Nagulat siya nang makita si Alyssa. Nakangiting lumapit ito sa kanya.

“Tinatawagan kita sa office mo pero one week ka na raw hindi pumapasok. Nag-aalala na ako kaya nagdesisyon na akong pumunta rito.” Mabilis na hinagkan siya nito sa mga labi bago pa man siya nakaiwas.

“Ano’ng ginagawa mo rito?”

“Come on, Miguel. Why don’t you just admit to yourself that you need me.” Mapang-akit na pinaglandas nito ang daliri sa braso niya.

Pinalis niya ang kamay nito. “Leave me alone, Alyssa. Sinabi ko na sa iyong tapos na tayo kaya itigil mo na ito.”

Parang hindi siya narinig nito dahil bigla siyang hinalikan nito sa mga labi. Mapusok ang paraan ng paghalik nito sa kanya.

Nang imulat niya ang kanyang mga mata, mukha ni Paula ang nakita niya kaya kinabig niya palapit sa kanya si Alyssa and kissed her hungrily.

Ikinawit nito ang kamay nito sa batok niya nang umungol siya. “Paula...”

Awtomatikong lumayo ito sa kanya, nagbabaga ang mga mata nito.  “Damn you, Miguel! Hindi ako si Paula! Bakit mo ba ako sinasaktan nang ganito? Hindi pa ba sapat ang mga sinabi mo noon sa akin sa opisina mo? Nagpapakababa na nga ako para sa 'yo!”

Hindi siya kumibo.

Dinampot nito ang vase sa ibabaw ng coffee table at ibinato iyon. “Damn you! Ginawa ko na ang lahat para makuha ka! Inalis na namin sa landas mo si Paula pero siya pa rin ang nasa isip mo!” Napatigil ito pagkatapos nitong sabihin iyon. Maging siya ay napadiretso ng upo.

Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)Where stories live. Discover now