Chapter 8

2.9K 67 2
                                    

NAPAHINGA ng malalim si Paula habang pinagmamasdan ang mga bituin sa langit buhat sa terasa ng kanyang silid. Mag-aalas-diyes na ng gabi pero hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Napakislot siya nang may magsalita buhat sa kanyang likuran.

"Malamig na rito, baka sipunin ka."

Paglingon niya sa kanyang likuran ay nakita niya si Miguel na papalapit sa kanya. "Hindi ko namalayan ang pagpasok mo," aniya rito.

"Masyado kasing malalim ang iniisip mo, eh," nakangiting sabi nito.

Matipid na napangiti siya rito. Napahinga siya nang malalim bago muling ibinaling ang tingin sa kawalan.

Tumayo ito sa tabi niya, tahimik lang ito at tila pinakikiramdaman siya. Nanatili namang nakapako sa kalangitan ang mga mata niya.

"Ano ba'ng iniisip mo?" basag nito sa katahimikan nang manatili siyang walang kibo.

Nilingon niya ito. "Maraming bagay. Naalala ko sina Mama at Papa, ang namatay kong kapatid at ang pamangkin kong si Janine. Dati, mayroon akong isang masayang pamilya pero dahil sa pera nawala iyon sa akin."

Hindi ito nagsalita, nakatitig lang ito sa kanya.

Puno ng pangungulila ang kanyang puso at alam niyang banaag iyon sa kanyang mga mata nang mga sandaling iyon. "Sa isang iglap ay nag-iisa na lang ako ngayon."

Napahinga ito ng malalim, pagkatapos ay kinabig siya nito palapit dito. "Sino ang nagsabi niyan sa 'yo? Hindi ka nag-iisa, Paula. Narito ako."

Isinandal niya ang ulo niya sa dibdib nito. "You're right. At ang kinatatakutan ko ay 'yong ikaw naman ang mawala sa tabi ko. Hindi ko na yata kakayanin kapag ikaw ang nawala."

Ngumiti ito at niyakap siya ng mahigpit. "Hindi naman ako mawawala sa 'yo. Kung ang iniisip mo ay ang pag-alis ko bukas, sandali lang naman 'yon, eh. Pansamantala lang naman tayong magkakahiwalay."

"Hindi natin masasabi kung ano ang puwedeng mangyari sa mga susunod na araw."

"Sshh," saway nito sa kanya. "Huwag ka ng mag-isip ng kung anu-ano."

Muli siyang napahinga ng malalim. "I'm sorry, napa-paranoid na nga siguro ako."

Muling namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Tahimik lang siya habang pinakikinggan ang banayad na pagtibok ng puso nito.

"Maaga akong gigising bukas. Pupunta ako sa talon," kapagkuwan ay sabi niya.

Bahagya siyang inilayo nito sa katawan nito at tiningnan siya. "Ano'ng gagawin mo roon?"

"Doon muna ako. Ayoko kasing makita ang pag-alis mo bukas."

"Paula-"

"Huwag mo na akong kontrahin, please," maagap na sabi niya.

Hindi na nga tumutol ito.
"But tonight, I want you to stay with me. Huwag mo akong iwan ngayong gabi," aniya sa nakikiusap na tinig.

Tumango ito. Pagkatapos ay banayad na hinalikan siya nito sa mga labi.

Gumanti siya ng halik. Hanggang ang banayad na halik na iyon ay naging mainit. Ikinawit niya ang kanyang mga kamay sa leeg nito.

"I love you, Paula," pahayag ni Miguel nang bahagyang maghiwalay ang kanilang mga labi.

Binigyan lamang siya nito ng panahon upang sumagot bago siya nito muling hinalikan. Napapikit siya nang mariin; wala na siyang ibang mahihiling pa. She knew that would be the happiest moment of her life. And she was glad she would be spending it with the man she truly loved.

Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon