Chapter 2

3.7K 72 1
                                    

INILIBOT ni Paula ang tingin sa kabuuan ng silid na kinaroroonan niya. Hindi iyon pamilyar sa kanya. Nasapo niya ang kaliwang bahagi ng kanyang ulo nang biglang kumirot iyon nang tangkain niyang bumangon mula sa kama.

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok doon ang isang matandang babae. Napangiti ito nang makitang gising na siya.

“Gising ka na pala. Mabuti naman at nagkamalay ka na. Kumusta na ang pakiramdam mo, hija?”

Hindi siya sumagot. Naguguluhang napatingin siya rito. Hindi niya kilala ito.

Ibinaba nito sa maliit na mesa ang dalang tray na may lamang pagkain. “Mabuti pa ay kumain ka na muna para magkaroon ka ng kahit kaunting lakas. Tatawagan ko si Miguel para ipaalam sa kanya na nagkamalay ka na.”

Napakunot ang noo niya. Hindi rin niya kilala ang lalaking binanggit nito pero hindi na lamang siya nagsalita.

Ilang minuto nang nakaalis ang matanda pero wala pa rin siyang kibo. Iniisip niya kung ano ang mga nangyari bago siya nawalan ng malay.

Naalala niya ang kasalang naganap nang nakalipas na gabi, pati na rin ang pagtatangka ni Wilbert na gahasain siya. Bigla ay nakaramdam na naman siya ng panlalamig nang mag-flash back sa isip niya ang duguang katawan ni Wilbert. Alam niyang wala siyang kasalanan, ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili. Ganunpaman, hindi pa rin niya lubos-maisip na kaya niyang bumaril at pumatay ng tao!

Napailing siya. Pilit man niyang isiksik sa isip niya na hindi naman siya nakakasiguro kung napatay nga niya si Wilbert ay hindi pa rin mapanatag ang kanyang kalooban.

Napatay ko man o hindi si Wilbert, tiyak na pinaghahahanap na nila ako. Hindi nila ako basta titigilan dahil hindi pa naman nila nakukuha ang lahat ng kailangan nila sa akin. Kailangan ko munang matiyak ang kaligtasan ni Janine at nina Tita Alice bago ko sila harapin.

Ilang saglit na nakatitig lang siya sa kawalan bago siya bahagyang napaigtad nang may kumatok sa pinto. Pagkatapos niyang sabihing “tuloy” ay bumukas na ang pinto. Pumasok doon ang isang matangkad na lalaki. Nakangiting lumapit ito sa kanya.

“Tinawagan ako ni Yaya Carmen sa opisina ko. Ang sabi niya ay nagkamalay ka na kaya umuwi agad ako,” anito.

Hindi siya umimik, tiningnan lang niya ito.

“I’m Miguel, by the way. Miguel Patrick Torres,” anito na inilahad ang kamay para kamayan siya.

Napatitig lang siya sa kamay nito. Nang hindi niya tanggapin ang kamay nito ay binawi na lang nito iyon. Naupo ito sa silyang nasa tabi ng kama.

“Kumusta na ang pakiramdam mo ngayon? Ang ulo mo, sumasakit pa rin ba?” tanong nito, bakas sa tinig nito ang pag-aalala.

Marahan siyang tumango. “P-paano ako nakarating dito?”

“Nakita ka namin ng kaibigan kong si Leo sa highway na walang malay. Sa ospital ka nga sana namin dadalhin, pero  ang sabi ni Leo, mas mabuti raw siguro kung dito ka na muna namin ituloy sa bahay ko. Hintayin na lang daw namin na magkamalay ka bago kita dalhin sa doktor para mapatingnan.”

Hindi siya nagsalita pero naalala nga niya na may nakita siyang paparating na sasakyan bago siya tuluyang nawalan ng malay nang nagdaang gabi sa tabi ng highway.

“Ano ba ang nangyari sa 'yo? Bakit naroon ka sa highway nang ganoong oras? At ano ang pangalan mo?” usisa nito.

Matagal bago siya tumugon. Lihim na tinantiya muna niya kung mapagkakatiwalaan ba niya ang lalaking ito. Mukha namang mabait ito. Isa pa, malaki ang utang-na-loob niya rito dahil ito ang nagligtas sa kanya kaya may karapatan itong malaman kung ano ang nangyari sa kanya.

Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon