Chapter 3

3.2K 72 1
                                    

ILANG araw na si Paula sa bahay ni Miguel. Kahit  naiinip  siya, pilit na lamang niyang tinitiis ang hindi paglabas ng bahay. Ang naging libangan niya ay ang pagtulong kay Yaya Carmen sa mga gawaing-bahay. Kahit lumaki siya sa marangyang buhay ay marami rin siyang alam na trabaho sa bahay.

Katatapos lamang nila noon ni Yaya Carmen sa paglilinis ng buong bahay. Umakyat na siya sa kanyang silid para makapagpahinga kahit sandali. Dala ng sobrang pagod ay agad na nakatulog siya. Pawisan na napabiling ang kanyang ulo at napariin din ang kanyang pagkakapikit.

Naglalakad siya sa isang madilim na lugar nang bigla na lamang siyang nadapa. Papatayo na sana siya nang may dumating na isang lalaki.

“Wilbert!” gimbal na sabi niya nang makilala ito.

Ngumiti ito, at mula sa kung saan ay hinila nito ang pamangkin niyang si Janine. Nanghilakbot siya sa takot nang tutukan nito ng baril si Janine sa ulo.

“Parang awa mo na, Wilbert. Huwag mong idamay si Janine! Walang kinalaman dito ang bata. Huwag mo siyang sasaktan!” umiiyak na pagmamakaawa niya rito.

“Akala mo ba, ganoon kadali mo akong matatakasan, Paula? Kahit saan ka magpunta, susundan kita! Saan ka man magtago, mahahanap pa rin kita! Ngayon, sasama ka sa akin kung ayaw mong pasabugin ko ang ulo ng pamangkin mo!” sigaw nito. Lalo pang humigpit ang pagkakahawak nito kay Janine.

Sige naman sa pagpalahaw ng iyak ang bata.  “Tita, tulungan mo ako!” umiiyak na tawag ni Janine sa kanya.

Napahagulhol siya. “Bakit ba ayaw mo pa akong patahimikin? Ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng gusto ninyo. Nasa inyo na ang pera at ang kompanya! Ano pa ba ang gusto mo?”

“Hindi lang iyon ang gusto ko! Alam mong si Papa lang ang may gustong makuha ang lahat ng kayamanan mo. Iba ang gusto ko, Paula. Ikaw! Sumama ka sa akin at ngayundin ay pakakawalan ko ang bata.”

Napahikbi siya. Wala na siyang ibang magagawa kundi sundin ang gusto nito. Nanginginig na tumayo siya at humakbang palapit dito. Nang makalapit na siya ay binitiwan na nito ang bata at pinatakbo. Pero bago pa makalayo si Janine ay binaril din ito ni Wilbert.

“Janine!” sigaw niya nang makitang duguang bumulagta ang katawan ng bata.

Umiiyak na tinakbo niya ang walang buhay na pamangkin at mahigpit na niyakap ito. Dinig niya ang malademonyong pagtawa ng mag-amang Hernan at Wilbert habang pinapanood sila ng mga ito.

*****

“PAULA! Paula!”

Marahas na pagyugyog sa kanyang mga balikat ang gumising sa kanya. Ang mukha ni Miguel ang bumungad sa kanya nang imulat niya ang mga mata. Agad na napabangon siya. Pawisan ang buong katawan niya at tumutulo pa rin ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

“What happened?” nag-aalalang tanong ni Miguel sa kanya.

Sunud-sunod ang ginawa niyang pag-iling.  “Nothing.”

“Hindi ka sisigaw at iiyak kung walang nangyari. Okay ka lang ba?”

“Wala ito. Nanaginip lang ako ng hindi maganda.” Pinahid na niya ang mga luha sa kanyang mukha.

Naupo ito sa tabi niya at iniabot nito sa kanya ang isang baso ng tubig na nasa bedside table. Hinagod nito ang kanyang likod habang umiinom siya.

“I always hear you muttering in your sleep. Minsan, umiiyak ka pa. Ano ba’ng napapanaginipan mo? Tungkol ba sa nangyari sa 'yo?”

Hindi siya sumagot. Bahagya pa ring nanginginig ang katawan niya. Hindi niya basta maalis sa isip ang nakita niya  sa kanyang panaginip.

“Paula, please.” Hinawakan ni Miguel ang isang kamay niya at marahang pinisil iyon.

Fate Leads Me To You (COMPLETED- Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon