Chapter XV: Sa Nalalapit na Katapusan

5.1K 99 82
                                    

Alas onse ng gabi, Huwebes.

Nakahiga lamang si Ella sa kanyang kama, hindi makatulog, labis na nababagabag.

Ang mga binitiwang salita ni Lola Perla tungkol sa pagiging isa niya sa dalawang Emily sa bagong henerasyon ng Santa Monica ay labis na gumugulo sa kanyang isipan.

Dahil sa mga rebelasyong iyon ni Lola Perla ay napagtanto niyang ang mga panaginip niya ay ang mga aalala ng namayapang si Emily.

Higit sa takot ay mas nalulungkot si Ella para kay Emily, na namatay sa murang edad para sa Santa Monica. At higit sa takot para sa sarili niyang kaligtasan, ay mas nangangamba si Ella para kay Steve, na gaya niya, maari ring mamatay katulad ng nangyari kay Emily.

Ngunit sa kabila nito, masaya rin siya dahil, sa wakas, nagising na si Steve.

Lumipas pa ang ilang oras, at inantok na rin si Ella.

“Salamat, Steve.” Bulong ni Ella, bago siya tuluyang nakatulog.

***

Alas onse ng umaga, Biyernes.

Kaaalis lang ni Lola Perla sa ospital nang muling bumisita si Ella kay Steve.

Abala ang binata noong oras na iyon sa pagsuri sa diary na nakuha nila ni Ella mula sa La Oscuridad. Nang makita ito ng dalaga ay hindi niya napigilang kilabutan pagkat nanumbalik ang mga aalala ng nangyari sa kanila ni Steve sa kakahuyan.

“S-Steve?”

“O, Ella. Andiyan ka pala?” sabi ni Steve na bahagyang isinara at inilapag sa tabi niya ang diary.

Umupo si Steve sa kanyang higaan at ngumiti kay Ella. “Tara, pasok ka. May upuan dito sa tabi.”

Ginawa naman ni Ella ang sinabi ni Steve.

“Kumusta?” tanong ni Ella.

“Ayos na ako.” Sabi ni Steve habang nakangiti sa kanyang bisita. “Medyo sumasakit ang ulo ko minsan pero hindi naman masyado. Ikaw ba?”

“Okay lang ako. Mas dapat kang mag-alala sa sarili mo.”

“Ayos na ako, Ella.”

“Napansin ko kanina na binabasa mo ang diary?”

“Oo.”

“Pasensya na, Steve. Pero maaring nagkamali ka lamang.” Sabi ni Ella.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Marahil ay hindi ‘sagot’ ang diary, kundi isang ebidensya lamang sa mga nangyari noon dito sa bayan. Hindi ito sagot upang mailigtas ang Santa Monica.”

Hindi sumagot si Steve.

“Maaring kagaya ko, naloko ka lang rin ng lalakeng nagtangkang pumatay sa atin. Nilinlang niya tayong pareho para sabay niya tayong mapatay.”

Hindi pa rin sumagot si Steve. Naiintindihan niya ang nais sabihin ni Ella, pero may isang bagay na hindi tumutugma.

Ang intuisyon o kutob niyang nasa treehouse ang sagot. At na ang diary ang sagot.

Natitiyak niyang hindi kaya ng “demonyo” na manipulahin ang kanyang mga kutob. Sigurado rin siyang totoo ang kanyang naging “pakiramdam” patungkol sa “sagot” na kanyang nahanap.

“At isa pa, Steve.” Dagdag pa ni Ella. “Naikwento na ba sa’yo ni Lola ang tungkol kay Emily, Esme, at Mickey?”

Tumango lamang si Steve.

“Ang kapangyarihan ni Emily noon ay higit na mas malakas sa kakayahan mo ngayon.” Bakas ang pag-aalala sa mga mata ng dalaga. “Natatakot ako na baka mas lalo ka lang mapahamak.”

Santa Monica: A Filipino Ghost StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon