Chapter IV: Ella

4.9K 55 6
                                    

Lumalalim na ang gabi at nasa sala pa rin si Ella ng kanilang bahay.

Kakatapos niya pa lamang gawin ang mga school requirements na kailangan niyang ipasa bago matapos ang linggo. Kahit na talamak sa gawain ay hindi mawaglit ni Ella ang maraming bagay sa kanyang isipan.

Si Ella ay anak ng mayamang mag asawa. Bunso siya sa tatlong magkakapatid. Madalas siyang maiwan ng kanyang pamilya sa Santa Monica dahil abala ang kanyang mga magulang sa kanilang negosyo sa Maynila. Ang mga nakakatandang kapatid naman niya ay may mga asawa na at sariling mga buhay.

Nag-aayos na si Ella ng kanyang mga gamit upang maghandang umakyat na sa kanyang kwarto at matulog nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.

"Hello?"

"Hello, Ella." Mama ni Ella ang tumawag.

"Hello, Ma. Ano pong meron at napatawag po kayo?"

"Sabi kasi sa akin ng Yaya Mariz mo, may mga sugat ka raw. Ano bang nangyari?"

"Ma, gaya po ng sabi ko kay Yaya, kanina pong umaga pagkagising ko, naisipan ko pong magpahangin sa garden. Nung pabalik na po ako, may pusang dumaan sa harap ko kaya nadapa po ako."

"Sigurado ka? Kasi hindi ka raw nakita ng yaya mo kanina sa hardin."

"Ma, okay lang po ako. Good night, bye. Love you po."

Agad niyang ibinaba ang telepono at pinatay.

Habang umaakyat ay inalala na naman ni Ella ang mga bangungot niya. Ang lalaki sa kanyang bangungot na humahabol sa kanya, ang tahimik na kalsada, at kanyang mga sugat. "Hay, nako."

Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng mga bangungot, o kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya rin ugali ang mag kwento ng mga problema o saloobin. Hangga't maari ay gusto niya sanang manatiling tahimik, kahit na meron siyang mga pangamba.

Naglalakad na papasok sa kwarto si Ella nang maramdaman niyang para bang hindi siya mag-isa. Parang may ibang tao sa kwarto na nakatingin sa kanya at nagmamasid.

Kinabahan si Ella.

Huminga siya ng malalim, at inihanda ang sarili sa kung anumang panganib ang maaring nasa paligid niya.

Binuksan niya ang ilaw.

Walang ibang tao.

Napahinga siya ng maluwag.

"Masyado na akong praning", bulong niya sa sarili.

Bago natulog ay nagdasal muna si Ella. Umaasa siyang matatapos na ang mga bangungot, at magiging payapa na ulit ang kanyang isipan.

Hindi rin nagtagal at nakatulog na rin siya agad. Ngunit hindi pa rin tapos ang mga bangungot.

Sa panaginip niya ay nasa isa siyang maliit na kwarto.

Hindi niya alam kung saan ito. Ang sahig ay gawa sa kahoy, ang mga pader ay madumi, at may mga larawang nakakatakot: mga halimaw, dugo, mga ulo ng hayop na pugot, at iba pa.

Sa isang sulok ay may isang maliit na higaan. Nakatabi ito sa isang bintang hugis tatsulok na gawa sa salamin.

Umuulan sa labas at madilim sa loob ng kwarto. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa niya sa kwarto. Natatakot siya, ngunit hindi siya umalis. Sa halip ay nagmasid siya sa kanyang paligid.

Napansin niyang may isang librong hindi maayos na naitago sa ilalim ng unan sa higaan. Nilapitan niya ito at kinuha. Mukhang diary ang itim na libro. Binuklat ito ni Ella pagkat pakiramdam niya ay mayroon siyang hinahanap.

Nagulat si Ella sa mga nakita sa libro. Puno rin ito ng mga nakakatakot na imahe, at mayroon ding mga kasulatang hindi niya labis na maintindihan, ngunit ramdam niya ang galit sa mga salita nito.

Hindi nagtagal ay may narinig na pagsigaw si Ella mula sa labas ng kwarto. Nagulat siya.

Mabilis na ibinalik ni Ella ang libro sa ilalim ng unan.

Tinangka niyang magtago o tumakas, ngunit huli na ang lahat.

May pumasok na isang lalaki sa kwarto.

Hindi malinaw ang mukha nito, ngunit alam ni Ella na ito ay mapanganib.

"Binasa mo ba ang libro ko?", tanong ng lalaki. Ang tinig nito ay malumanay ngunit rinig ang pa rin ang galit nito.

"Aa..ahhhh..", hindi nakasagot si Ella.

"Sino ka? At ano ang ginagawa mo rito?", muling tanong ng lalaki.

Nakita ni Ella na may dalawang babaeng nakahandusay sa labas ng kwarto. Natakot si Ella, ngunit hindi niya ito ipinakita sa lalaking kaharap.

"Mas humahaba ang buhay ng mga taong hindi masyadong mahilig makialam.", sabi ng lalaki, at inatake nito si Ella.

"Aaahhh!"

Nagising si Ella at napaupo sa kanyang higaan. Madaling araw na.

Pawis na pawis ang kanyang katawan, at bahagya siyang hinihingal. Ang kanyang mata ay basa ng luha.

Sinubukan niyang alalahanin ang panaginip.

Naaalala niyang siya ay nasa isang maliit na kwarto.

Naaalala niya ang libro.

Pero hindi maalala ni Ella kung ano ang nalaman niya mula sa diary, pero naalala niya ang takot na naramdaman habang tinitingnan ito.

Naalala niya rin ang lalaki at ang mga sinabi nito, ngunit hindi niya ito makilala.

Medyo kalmado na si Ella at muli na sana siyang matutulog ng may narinig siyang mala-halimaw at malumanay na paghalakhak.

Muling natakot si Ella sa narinig. Bubuksan niya na sana ang bedside lamp ng biglang may dalawang pulang matang nagliyab mismong sa may paahan ng kama ni Ella.

"Aaahhhh!", muling pagsigaw nito.

Agad na dumating sa kwarto ang yaya ni Ella at binuksan ang mga ilaw.

"Ella! Anong nangyari?"

Lumapit si Yaya Mariz kay Ella at agad siyang niyakap ng mahigpit nito.

"Nandito siya, Yaya! Nandito siya!"

Santa Monica: A Filipino Ghost StoryWhere stories live. Discover now