Chapter 11

36.8K 642 1
                                    

SINIKAP ni Angelo na hindi na muling maulit ang nangyaring iyon. Sa loob ng isang linggong nagdaan ay dalawang beses lang itong nagbalik ng Tagaytay. Araw ng Sabado at Linggo. Pero sinikap nitong dumistansiya kay Wilna.

"Gusto mo bang ipasyal kita sa paligid?" tanong ni Angelo kay Wilna nang araw na iyon ng Linggo.

"Useless rin dahil hindi ko naman nakikita ang paligid," malungkot na sagot ng dalaga. Pormal ang tinig ng binata at nasasaktan siya. Kung wariin niya ay muli itong nagbalik sa dati minus the overtures.

"Puwede tayong mag-horseback riding. May dalawang kabayong inaalagaan si Mang Pedring. Mahihiram natin iyon."

Gusto ko talagang sumama sa iyo, Anthony. Pero ayokong gawin mo ito dahil lang sa responsibilidad, ang isinasaloob ng dalaga.

Sa kabila ng makitid na bandage ay kitang-kita ni Angelo ang sari-saring emosyon sa mukha ng dalaga. Nagtatagis ang mga bagang nito. At nagagalit ito sa sarili.

Alam ni Angelo na nasasaktan ang dalaga sa pakita niya nang sumunod na dalawang araw. Pero ano ang gagawin niya? Siya man ay nahihirapan din. Kahapon ay inaasahan ni Wilna na dito siya maghahapunan at matutulog pero bago mag-alas-singko ay bumalik siya ng Maynila.

"Saka mo na lang ako ipasyal 'pag nakakakita na ako, Anthony. Hindi rin ako mag-i-enjoy at magiging abala lang ako sa iyo," malungkot nitong wika.

"Shit! Hindi ka kaabalahan! Itanim mo sa isip mo iyan."

Ni hindi binalak ng dalagang sagutin iyon. Kung nakakakita lang siya ay tumakbo na siya paalis sa harap nito. Hindi niya gustong nagagalit ang kasintahan sa kanya. At kung sasagot siya ay baka hindi niya mapigil ang mga luhang nakaabang sa pagpatak.

Tinusok-tusok ng nanginginig na kamay ang pagkaing nasa harap niya. Halos madurog na ng kutsarita ang gelatin.

Mabilis na tumayo si Angelo at hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga at itinayo ito. Niyakap.

"I'm sorry. Hindi ko gustong magtaas ng boses..."

She felt so helpless. Sinisikap niyang huwag mahabag sa sarili. Kahit kailan ay hindi niya gustong maramdaman iyon. Iyon ang pinakamatinding kalaban sa lahat.

Mabilis niyang ikinurap ang mga mata upang pigilin ang luhang nagpipilit bumagsak.

"I'm okay... Anthony," aniya sa pinatatag na tinig. "Alam kong mahirap sa ating pareho ang kalagayan ko ngayon. I appreciate your trying to please me... I really do. Kung wala ka... ang Nana Inez... hindi ko alam ang gagawin ko. Please, huwag kang magagalit sa akin."

Napatingin sa kisame ang binata. Nang magbaba ng tingin ay napuna sa dulo ng dining room si Nana Inez na iiling-iling. Naroon ang simpatiya sa mga mata nito. Kung para kanino ay hindi niya nais malaman.

Marahan niyang nailayo sa kanya ang dalaga at muling pinaupo. Hinila ang isang silya at naupo rin sa tabi nito. Ginagap ang isang palad.

"Hindi ako nagagalit sa iyo, Wilna. Hindi ko magagawang magalit sa iyo."

Tumango ang dalaga. "May gusto akong i-suggest, Anthony."

"No. Don't say anything. I'm sorry kung nakapagtaas ako ng tinig pero hindi ako nagagalit sa iyo... nagagalit ako sa sarili ko!"

"Makinig ka muna," sansala ng dalaga. "Gusto kong tawagan mo si Dr. Valle bukas. Sabihin mo sa kanyang nakahanda akong maoperahan anytime next week."

"Wilna?"

"Hindi ba at kaya lang naman tumatagal ang schedule ng operasyon ay dahil nag-aalala kayo sa emotional well-being ko? I'm okay, Anthony. Mas nakamamatay isipin ang matagal na paghihintay at anticipation, I want you to schedule the operation soon," determinadong wika niya.

"Sigurado ka? Hindi ka..."

"I'm positive. And please, huwag mo akong iiwan sa mga oras na iyon."

"Nasa tabi mo ako, Wilna, sa lahat ng sandali," paniniyak ni Angelo.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now