EPILOGO

53K 1.4K 309
                                    

Ang sabi nila. Masamang tao raw ako. Ang sabi nila. Masahol pa raw ako sa demonyo. Walanghiya raw kasi ako. Mamatay-tao. Kriminal. Kulang pa raw sa isang katulad ko ang sunugin sa impiyerno.

Para sa mga mapanghusga. Ako ang masama. Naghiganti raw kasi ako. Bakit daw mga buhay ang kinuha ko, samantalang ang nawala lang naman daw sa akin ay ang puri ko?

Puri ko raw.

Puri ko lang daw yun.

Puri...lang.

Puring ipinamimigay. Puring hindi kasing halaga ng buhay. Puring maaaring ipagpalit sa kahit anong bagay.

Puri lang daw kasi 'yun eh.

Puri...lang.

Silang maraming sinasabi laban sa 'kin? Pinilahan na kaya sila? Silang maraming mapanghusgang salita na inihahambalos sa 'kin? Minulestya na kaya sila?

Ano kaya?

Ano kayang mararamdaman nila kung ang mga anak nila, mga mahal sa buhay, mga kaibigan o kapatid, ang walang awang ginahasa at pinatay? Ganun pa rin kaya ang paninindigan nila?

Kung sila kaya mismo ang ginago, tinarantado at binaboy? Manghuhusga pa rin kaya sila?

Ayon sa mga hipokrito. Dapat daw nagpatawad na lang ako. Dapat daw ipinagpasa-Diyos ko na lang daw ito. Dapat daw ipinaubaya ko na lang sa batas ang katarungang ninanais ko.

Ang masasabi ko lang sa kanila?

Putang ina nila!

Putang ina nila lahat!

Wala silang alam.

Isang kumpol sila ng mga mangmang!

Ang hirap sa ibang mga tao. Nagpapanggap lang na mabubuting tao. Pero ang totoo. Masahol pa sila sa hayup. Mga arogante. Mapang-mata at mapag-husga sa panindigang hindi nila tanggap.

Dahil sa mga tulad nila, kasama ng mga nakamatyag nilang mga mata. Akala ko wala na akong pag-asa.

Dahil sa mga tulad nilang malulupit, na sa madilim na nakaraan ko'y pilit akong idinidikit, wala akong pinatunguhan kundi gipit.

Kaya ako tumakas; at tumalilis nang walang bakas.

Papa'no ako makapagbabagong-buhay, kung pilit nila akong iuugnay sa dati kong buhay?

Papaa'no ako makapagsisimulang muli, kung pilit nilang ipinaaalala ang mga dati kong pagkakamali?

Gusto kong muling bumangon. Sa tulong ng Diyos na S'yang nag-iisang may kakayahang mag-ahon sa putik na kinasadlakan ko; sa kamunoy na lumamon sa pagkatao ko.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

Kaya heto ako ngayon. Sa lugar na pinaghatdan sa 'kin ng pagkakataon. Sa pinakahuling lugar na gusto kong puntahan noon, ang s'ya namang naging mapayapang tahanan at takbuhan ko ngayon.

Habang dumadalo ako sa misa ngayon,  naalala ko si kuya. Kumusta na kaya s'ya? Sim'ya at ang ate Alexa? Sampung taon ko na rin silang hindi nakikita. Sana nama'y nasa mabuti sila. Sana nama'y masaya na rin sila.

Habang pinagmamasdan ko ngayon gwapong paring nagmimisa, naalala ko si kuya. Ano nga kaya kung nag-Pari s'ya? Ano nga kaya kung hinayaan ko s'ya? Mukhang nakarma talaga ako ngayon...isang uri ng karmang ako nama'y sumasang-ayon.

Dito ko kasi natagpuan ang aking sarili at ang kapayapaang habang ako'y naririto'y mananatili.

"Sister Beth...Sister Elizabeth..." Pabulong na pagtawag sa akin ng kasamahan kong nobisyada.

"Bakit?" Bulong ko pabalik. Nasa gitna kasi kami ng misa.

"May naghahanap sa 'yo sa labas."

"Ha? Sino raw?"

"Kuya mo raw. Jacob. Jacob daw ang pangalan n'ya."

Natigilan ako. Malamang, namutla na rin. Pa'no kaya nito nalamang naririto ako? Paano kaya nito natunton ang kinaroroonan ko?

"Eliza?!" Maluha-luhang salubong n'ya pagkalabas ko ng simbahan. Nakangiti ito. Napaka-guwapo pa rin n'ya, tulad ng dati.

"K-kuya?" Napaluha na rin ako. Lalo na nang nakita ko rin si Ate Alexa at ang aking tatlong pamangkin.

"Nag-Madre ka?" Tatawa-tawang kantyaw ni Kuya.

Inayos ko ang belo ko. "Bakit? Hindi ba bagay sa 'kin?" natatawa ako.

"Bagay na bagay." Anya. "Ang daya nga lang!"

"Alin ang madaya?"

"Dapat pinurga muna kita bago ka pumasok sa kumbento. Makaganti man lang ako."

Natawa ako. Naalala ko kasi ang mga kalokohan ko no'n para pigilan s'ya sa pagpapari.

"Kasalanan daw sa Diyos ang gumanti, kuya." Pabirong sagot ko.

"Siyanga?"

Tumango ako.

Gumanti ako noon. Pero naihingi ko na ng tawad ang lahat ng 'yun. Hindi ko na uulitin 'yun. Hinding-hindi na.

"Paano mo ako natunton?"

"Tatlong taon, Eliza. Tatlong taon ka naming hinanap ng ate mo. Nahirapan kami dahil iniba mo pala ang apelyido mo. Akala ko naman nag-asawa ka na. Mabuti naman at mas napabuti ka pa pala."

Sandaling nagkaroon ng katahimikan.

"N-napatawad mo na ba ako, K-kuya?" naiiyak ako. Naalala ko kasi ang ginawa ko sa Daddy niya at Mommy namin.

"Oo naman...." Maluha-luhang sagot n'ya. "Oo naman." sunod na niyakap n'ya ako nang mahigpit.

Mahigpit na mahigpit.

[KATAPUSAN]

WarakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon