CHAPTER SEVEN

3.5K 89 2
                                    

LUMUHOD si Jamaica sa isang pew nang marating niya ang simbahan. Luma na ang simbahan nilang iyon pero napanatili pa rin ang ganda ng estraktura niyon. Naalala niya nang ikuwento sa kanila ng kanilang lola na apat na henerasyon ng kanilang pamilya ang naikasal na sa simbahang iyon. Hindi na siya magtataka kung bakit gusto ng kapatid niya na dito sila ikasal ni Abe.

    “Ika, ikaw ba 'yan?” Nalingunan niya ang isang babaeng nakasuot ng isang blusang may mahabang manggas at lampas tuhod na palda. “Matagal ka nang hindi nakakadalaw dito sa simbahan.”

    Napangiwi siya saka sinalubong ang babae sa may bukana ng simbahan. “Ikaw pala, Sarah. Sa Maynila na kasi ako ngayon nagtatrabaho.” Kahit na ilang taon lang ang tanda nito sa kanya kung makaasta ito ay parang ilang dekada ang pagitan ng mga edad nila—pati na rin sa kilos.

    Ngumiti ito nang matamis pero sa sobrang lapad niyon ay pakiramdam niya ay napipilitan lang ito. “Talaga lang, ha? Umuwi ka lang ba dito nang malamang mong ikakasal na si Abe sa kapatid mo? Nagulat talaga ako sa dalawang iyon. Lalong-lalo na kay Abe. Hindi ko alam na siya ang tipong magpapakasal sa edad niya ngayon...”

    Napakunot ang noo niya. Hindi niya gusto ang tono ng pagkakasabi nito kahit na nanatili itong nakangiti. “Umuwi ako dito para magbakasyon. In fact, kasama ko ang asawa ko para—”

    “Asawa?” Nanlaki ang mga mata nito sa narinig. Tila nayanig ito sa rebelesasyon niya.

    Sorry Lord, alam kong masamang magsinungaling pero nakakapikon kasi, eh... Kaunting shock factor lang naman.

    Siya naman ngayon ang ngumiti nang matamis. “Oo, nauna na akong magpakasal sa kapatid ko kasi ayokong sukob ang kasal namin. Dinala ko na rin siya rito para makita niya ang lugar.”

    Sandali pa itong napatanga sa kanya bago nakabawi at muling ibinalik ang plastik nitong ngiti. “Sayang naman at hindi kayo rito nagpakasal ng asawa mo. Nagkakilala na ba sila ni Abe?”

    “Hindi pa. Wala pang pagkakataon para ipakilala ko siya.”

    “Merong misa bukas nang umaga. Baka maisipan n’yong pumunta... At saka baka maisipan n’yong magkumpisal na rin.”

    Hindi sinasadyang tumaas ang kilay niya. Alam niyang hindi siya tulad nito na masyadong relihiyosa pero hindi naman siguro kailangang ipamukha sa kanya na makasasala na ang peg niya.

    Lord, kaunting pasensiya pa... please...

    Inilibot niya ang tingin sa paligid at nag-isip ng magandang excuse para makaalis doon. Nang makita niya si Rieley na papasok ng simbahan ay parang gusto niyang lumuhod bigla sa harapan nito.

    “Rie—My labs!” She felt more than see nang tumingin din sa direksiyon ni Rieley si Sarah. Narinig niya pa itong suminghap.

Yeah, girl! Maglaway ka kay my labs! Lihim siyang napailing. Naturingan itong relihiyosa pero inggitera naman. “Mauna na kami sa 'yo kasi may pupuntahan pa kami.”

    Iniwan niya itong nakatanga. Pero bago pa sila makalabas ay may pahabol pa ito. “Mukhang naka-move on ka na talaga kay Abe.”

    Napakunot-noo siya. Ano ang alam nito? Wala siyang ibang pinagsabihan tungkol sa munting crush niya kay Abe maliban kay Janine. At alam niyang hindi siya ganoon ka-obvious sa pagpapakita ng paghanga niya rito.

    “Ano’ng meron?” pukaw sa kanya ni Rieley. “Sino 'yong madre?” pabulong na tanong nito sa kanya nang hinila na niya ito palayo roon.

    “Sinabi kong mag-asawa tayo.” Nakagat niya ang ibabang labi nang aminin niya iyon dito.

    Ngumiti ito at napailing. “Hindi ko alam na ganyan ka na pala ka-obsessed sa 'kin, my labs!” Natawa ito nang pabirong sinikmurahan niya ito.

Caught Up In You (completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon