PROLOGUE

8.8K 110 5
                                    

PASIPUL-SIPOL si Jamaica habang nagdidilig sa maliit na hardin nila sa kanilang bakuran sa Baryo Mapayapa.

“Kapag tumibok ang puso... Wala ka ng magagawa kundi sundin ito... Yeah! Yeah!” paindak-indak na kanta niya habang iwinawasiwas ang hose sa mga alagang orchids ng Lola Maring niya.

Nagulat siya nang bigla siyang makarinig na may sumigaw. “Anak ng! Ano na namang drama 'to?” Iniligpit niya ang hose at saka sumilip sa pagitan ng gate.

Sa kabilang kanto ay nakita niya ang mga taong nagkakagulo sa labas ng isang puting bahay. Ang bahay nila Delia.

Tumunghay siya sa mga kapitbahay na nakikiusyoso sa mga pangyayari at nakinig sa takbo ng usapan.

“Ano’ng nangyari?”

“Sino raw ang may gawa?”

“Paano raw nakapasok sa bahay nila? Kawawa naman, ikakasal na sana sila n’ong nobyo n’ya. 'Asan na ba ang nobyo?”

“Umuwi raw ng Maynila dahil may importanteng lakad.”

Tumaas ang kilay niya. Mukhang updated yata ang mga kapitbahay niya sa latest life story ng kapwa kapitbahay. Sabagay, maliit lang naman ang baryo nila kaya hindi malayong kilala na ng bawat isa ang sekretong meron ang isa.

“Nahuli na ba ‘yong salarin. Naku, Toleng! Ayusin mo na ang sirang kandado natin kung anu-ano pa kasi ang inuuna mo!”

“Napakabrutal naman ng pagkakapaslang sa kanya,” ani Aling Isay na nag-sign of the cross pa.

“Oo nga! At may iniwan yata ang salarin sa pinangyarihan ng krimen. Ang dinig ko, isang itim na rosaryo.”

“Naku! May nabiktima na naman ang walanghiyang iyon! Akala mo kung sinong bihilante!”

“Mare, alam mo ba 'yong balita? Dinig ko, eh, nagpahulog daw iyang si Delia bago umuwi rito at may dala-dalang lalaking pakakasalan,” hirit ni Aling Martha na aktong pabulong ikinukuwento sa katsismisan pero dinig na dinig pa rin.

“Ay! Narinig ko 'yan, mare! Ang sabi raw, eh, iba pa raw ang ama n’on,” iiling-iling na dagdag ni Aling Betchay na may karga-karga pang bata at aktong bumubulong din pero tila sa mikropono din lang ibinulong dahil dinig na dinig din.

Napailing siya. Patay na nga ay linilibak pa ng mga tsismosang ito ang kawawang babae.

Kilala niya si Delia nang buhay pa ito. Ilang taon lang ang tanda nito sa kanya at sa pagkakakilala niya rito ay mahiyain ito. Mapagpakumbaba ito at kahit kailan ay hindi naging suwail. Hindi niya nga lang ito masyadong nakakasalamuha dahil sa Maynila siya naninirahan dahil nag-aaral siya roon ng kursong Interior Design. Hindi niya man alam ang buong kuwento sa nangyari ay kailan man hindi niya hahayaan ang sarili niyang maniwala sa mga chismis na kumakalat.

Sa di kalayuan ay nakita niyang dumating na ang patrol car ng mga tanod at isa-isa nang nagsipasok sa bahay ni Delia. Ang iba ay naging mapagmasid sa buong kanto at nagbaka-sakaling may makita pang ibang clues. Sa labas niyon ay marami pa ring tao ang nakiusyoso at nag-abang. Hindi man lang nila naisip na nakakasagabal sila sa crime scene.

Tumayo ang mga balahibo niya nang makitang lumabas ang mga tanod na may bitbit na itim na body bag.

“Pang-ilan na ba si Delia?”

Napaigtad siya nang biglang may nagsalita sa bandang likuran niya. Nabalingan niya ang nakatatandang kapatid na si Janine na nakatayo sa likuran niya. May tuwalya pang nakapulupot sa ulo nito habang nakapameywang at nakatunghay sa mga pangyayaring nagaganap. Sa mga mata nito ay kita niya ang pinipigilan nitong galit. Kababata nito si Delia ngunit hindi naman naging close ang mga ito dahil iba ang trip sa buhay ng kapatid niya.

“Ewan... Pangatlo na 'ata,” nakakunot-noong sagot niya saka muling tumingin sa kaguluhan.

“Pansin mo bang pulos mga bride-to-be o kaya may-asawa na ang mga biktima?”

Nakakunot-noong liningon niya ito. “Ano na naman ang binasa mo at nag-a-ala-Sherlock Holmes ka?”

“Observant lang talaga ako, 'no,” nakangising turan nito ngunit hindi umabot sa mga mata nito ang ngising iyon. “At saka, maliit lang 'tong lugar natin kaya mabilis kumalat ang mga balita. O kita mo, pati si Father Abraham nabalitaan na rin ang nangyari at nasa tapat na rin siya ng bahay nila Delia.”

Mabilis siyang lumingon sa itinuro nito. Napasinghap siya nang makita nga si Abe sa tapat ng bahay nila Delia. Matagal na siyang may crush dito at alam iyon ng kapatid niya.

Hindi naman talaga pari si Abe. Aktibo lang ito sa simbahan. Sa katunayan, kanang kamay ito ng pari sa kanilang simbahan at madalas nagiging representative ni Father Isko sa mga event. Kaya madalas itong asarin at tawagin ni Janine na “Father Abraham”Abraham” kasi ang buong pangalan nito. Pero besides sa pangalan nito, marami naman itong ibang good qualities. Guwapo, matangkad, masipag, at relihiyoso.

“Ang guwapo talaga ni Abe,” nakapangalumbabang masid niya.

“Ewan ko ba sa 'yo, Jamaica. Ano ba ang nakita mo sa lalaking 'yan? Eh, kulang na lang magsuot 'yan ng damit pangpari para ma-fulfill ang buhay niya,” pang-aasar ng kapatid niya.

Napabuntong-hininga siya. Hindi niya talaga alam kung bakit mainit ang dugo ng kapatid niya kay Abe. Napakamisteryoso raw kasi nito at sagad sa buto ang pagiging relihiyoso na kung minsan ay OA na.

Inirapan niya ito. “Malay mo, ako lang pala ang hinihintay niya.”

“Sige, mangarap ka lang. Libre lang naman 'yan. Pero siguraduhin mo na pagbalik mo ng Maynila, eh, hindi malaman ng mga kaklase mo na baliw ka. Ipapamulto kita kay lola kapag hindi ka pinapasok sa eskuwelahan dahil doon.”

Nginisihan niya ito. “Kung hindi man ako makapagtapos, eh 'di, maghahanap na lang ako ng mayamang DOM.”

“No! Sayang lahi natin, sister!” nahihintakutang sigaw nito.

Tinawanan niya lang ito. Sayang nga naman ang lahi niya kung sa DOM lang mapupunta ang beauty niya. Dadalawa na lang kasi sila ng kapatid niya kaya kung may pagkakataon, maghahanap siya ng matinong partner in life. Life goal iyan pero sa ngayon ay pag-aaral muna niya ang aatupagin niya.

Biglang may sumulpot na lalaki sa isipan niya na ikinainit ng mga pisngi niya. Iyon ang lalaking dapat huling pumapasok sa isipan niya.

Ugh! Napailing siya. Inulit na lang niya ang mantra sa isipan niya. Money first, boys later...

Caught Up In You (completed) जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें