Mistake 7

128K 5K 973
                                    

[Kabanata 7]

"Hindi ako aalis dito" giit muli ni Audrey habang nakaharang sa dadaanan ni Nightmare at Leon sakay ng isang motorsiklo. Sa pagkakataong iyon, habang nakatitig si Nightmare sa mga mata ng dalaga nangungusap sa kanya. Namalayan na lang niya na dahan-dahan na niyang ibinababa ang baril na nakatutok kay Audrey.

"Oo, kadugo nga niya ang nagpapatay sa pamilya mo, pero walang kasalanan si Ciana, hindi niya kasalanan ang nagawang kasamaan ng pamilya niya noon" halos pabulong na wika ni Leon. Kinuha na rin niya ang baril sa kamay ni Nightmare. "Pumunta na tayo sa bayan" patuloy pa ni Leon sabay suksok ng baril sa kanyang bulsa.

"Sandali!... Hoy!" sigaw ni Audrey nang paandarin na ni Nightmare ang motorsiklo at agad niya itong pinaharurot, awtomatiko namang napatabi sa gilid si Audrey dahil sa nakakasindak na ingay ng motorsiklo. "Haays! Babanggain niya nga talaga ako" inis na bulong ni Audrey sa sarili habang pinagmamasdan ang motorsiklong sinasakyan nila Nightmare at Leon papalayo.

Nabalot muli ng dilim at katahimikan ang buong paligid nang makalayo na ang motorsiklo. Tanging ingay mula sa mga kuliglig na lamang ang maririnig sa buong kapaligiran. Naglakad na si Audrey pabalik sa bahay ni Aling Coring at doon ay naabutan niyang nakatayo ang matanda sa tapat ng pintuan.

"Saan ka galing?" seryosong tanong nito, napaiwas naman ng tingin si Audrey. "N-naglakad-lakad lang po ako para magpahangin" sagot nito, napaismid naman ang matanda.

"Tapusin mo muna ang lahat ng hugasin" saad nito sabay talikod. Napahinga na lang ng malalim si Audrey, mabuti na lang dahil hindi mausisa ang matanda.

Matapos niyang banlawan ang mga plato at kubyertos, itinabi na niya ang malaking palanggana sa gilid ng bahay. Sandali siyang napatitig sa mahabang sanga ng kahoy na nasa gilid, may sapat na liwanag na tumatagos mula doon galing sa e-lamp na pag-aari ni Aling Coring at kasalukuyan pa itong nakasindi sa loob ng bahay.

Umupo muna saglit si Audrey sa bangkito at kinuha niya ang sanga ng kahoy saka gumuhit sa lupa. Nauna niyang sinulat ang pangalan ni Commander Dado, kasunod nito ay gumuhit siya ng linya pababa at isinulat ang pangalan ni Ka Ferding bilang pangalawang lider at kanan kamay ng pinuno.

Sunod niyang isinulat ang pangalan ni Nightmare at Leon na magkapantay ang ranggo. Sa ibaba nito ay naroon sina Uno, Onse, Dos, Siyam, Aling Coring, sila pa lamang ang nakikilala niya kaya gagawa muli siya ng listahan para kilalanin ang lahat ng myembro.

Anumang oras pwede akong mamatay sa lugar na 'to. Mukhang hindi ko rin kayang pigilan si Nightmare, kailangan naming maging close, maging ang lahat ng taga-dito kailangan kong makuha ang tiwala nila.

Napatigil sandali si Audrey nang maalala ang boses ng lalaking bumulong sa kanya noong nakapiring ang mata niya. 'Nagpapasalamat ako dahil buhay ka... Ciana'

Sino kaya ang lalaking 'yun?

Si Nightmare kaya? Kilala niya kung sino ako? Pero parang wala namang malambot na side si Nightmare, imposibleng siya iyon. Kailangan ko talagang maging mas maingat, walang ibang dapat na makaalam na lolo ko si Feliciano na kaaway nila.

Napatitig muli si Audrey sa listahan ng mga pangalan na sinulat niya sa lupa. At sa pagkakataong iyon ay napatigil siya nang magawi ang mata niya sa pangalan ni... Leon.

***

Kinabukasan, maagang nagising si Audrey, "Ako na ang bahala dito, mukhang hindi ka naman marunong magluto" suway ni Aling Coring nang tulungan siya ni Audrey magbatik ng itlog. "Kung hindi niyo po natatanong Aling Coring, nanalo ako noon sa food fest contest" pagmamalaki ni Audrey sabay taas ng tinidor na pinangbabatik niya sa itlog.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Where stories live. Discover now