SI ALOY AT SI DUDOY

70 10 0
                                    

~SI ALOY AT SI DUDOY~

SUNOD, ang magkapatid na 'Aloy' at 'Dudoy'. Anim na taong gulang si Aloy at walong taon naman si Dudoy. Dalawa lang silang magkapatid, at estokwa ang mag-utol na 'to. Isang taon na rin silang palaboy sa kalsada. Mahirap lang din ang pamilya nila. May tatay pa sila, at ang nanay naman nila ay patay na.

Balut vendor ang nanay nina Dudoy at Aloy. Masaya itong pauwi nang gabing mangyari ang aksidente. Bitbit ng kanilang ina ang pasalubong nitong damit sa kanilang magkapatid nang masagasaan ito ng humaharurot na jeep. Tumakas ang driver matapos ang aksidente. At dead on arrival naman sa ospital ang kanilang ina.

Kinaumagahan noon, inis na pumasok sa eskwela sina Aloy at Dudoy dahil hindi umuwi ang nanay nila na hinintay nila hanggang sa makatulog na lamang sila.

Pagkauwi ng magkapatid, marami nang tao sa bahay nila. Nasa kabaong na ang kanilang ina. Sinalubong sila ng luhaan nilang ama, at ibinigay ang pasalubong na mga damit na ipinangako ng kanilang nanay. Parehas ang style at kulay ng damit. Ganoon sila bilhan ng kanilang inay, dapat walang lamangan. Kung ano ang kay Dudoy ganoon din ang kay Aloy. At laging sinasabi ng kanilang ina na pantay ang pagmamahal nito sa kanila. Na sila ang kayaman nito sa buhay – kayamanang hindi matutumbasan ng kahit ano mang yaman sa mundo.

Hindi pa no'n maunawan ni Aloy ang nangyayari. "Bakit d'yan natutulog si nanay?" tanong niya kay Dudoy at sa kanilang itay.

"Patay na si nanay," malungkot na sagot ni Dudoy kasabay ng pag-agos ng luha at sakit na hindi niya pa ganoong nauunawaan.

Hindi sumagot ang kanilang tatay sa tanong ni Aloy. Niyakap silang magkapatid nito at hindi na nito napigilang mapahagulhol. Napanghihinaan ito ng loob. Natatakot. At sobra-sobrang nasasaktan. Sa iyak ng kanilang ama, doon nila naramdaman ang pangungulila sa kanilang ina. Pangungulilang maaring hindi na mawala pa. At mas malakas na pag-iyak ang tugon nila sa kanilang ama habang tinatawag nila ang kanilang nanay na hindi na kailanman makakasagot sa kanila. Hindi na kailanman nila maririnig ang tinig ng kanilang mahal na ina.

Mapagmahal na ama ang tatay nina Dudoy at Aloy. Sa sobrang pagmamahal nito sa kanila, ayaw nitong iwan sila sa bahay na walang kasama. Pero hindi naman puwedeng ganoon na lamang na hindi na maghahanap-buhay ang kanilang itay. Kaya muli itong nag-asawa para may mag-alaga sa kanila habang nagtatrabaho ito. Napangasawa nito ang serbidora sa kainan na kinakainan nito sa trabaho.

Construction worker ang tatay nina Dudoy at Aloy. Linggohan ang uwi nito. At sa mga araw na wala ang tatay ng magkapatid, lumalabas ang sama ng ugali ng bait-baitan nilang ina-inahan. Madalas sila nitong saktan. Lulong ang babae sa sugal at doon napupunta ang perang pinagpapaguran ng kanilang itay. Madalas rin silang gutom dahil madalas walang naihahandang pagkain ang bago nilang nanay dahil sa kakasugal. At sa tuwing natatalo ito sa sugal, ang magkapatid ang pinagbubuntungan nito. Sigaw doon, sigaw dito. Palo doon, palo dito. Kurot doon, kurot dito. Halos araw-araw iyon ang routine ng magkapatid sa bago nilang nanay. Kapag nagsusumbong naman sila sa kanilang itay, sila pa ang pagsasabihan. Nalason na ng ina-inahan nila na sa dilim lang naman maganda ang utak ng kanilang ama.

Hindi natiis ng magkapatid ang pananakit sa kanila ng kanilang nanay-nanayan. Isang araw na malakas ang buhos ng ulan, isinuot nina Dudoy at Aloy ang damit na bili sa kanila ng kanilang namayapang ina at naglayas sila. Walang ibang gamit na dala ang magkapatid. Ang importante, magkasama sila at kasangga ang isa't isa.


FlyoverWhere stories live. Discover now