SI CHANOK

231 14 0
                                    

~SI CHANOK~

TADAN! Isang maulang umaga! Dito magsisimula ang kuwento; kuwento ng apat na batang magkakaibigan. Mga batang palaboy, batang pulubi, batang hamog, batang kalye, at kahit anong tawag pa man, basta mga bata sila. Mga batang nakakangiti sa gitna ng problema. Tatlong batang lalaki at isang batang babae.

Ipapakilala ko muna ang mga tauhan. Simulan natin kay Chanok, bilang siya naman ang pikabida, pangunahing tauhan kumbaga. Pitong taong gulang si Chanok. Ulila na siya. Namatay sa sunog ang mga magulang niya, noong nakaraang taon lamang – isa sa pinakamasakit na nangyari sa buhay niya, sa mura niya edad.

Mahirap lamang sina Chanok. Nakatira sila sa isang squatter's area sa Maynila. Mapagmahal ang mga magulang niya. Lalo pa't nag-iisa siyang anak, at lahat ng atensiyon ay nasa kanya.

Nang gabing magkasunog, matiyagang naghihintay sa ipinangakong pasalubong ng tatay niya si Chanok sa laruang 'Superman' na paborito niyang superhero. Magkatabi silang nakahiga ng kanyang inay. Pinipilit niyang manatiling gising dahil sa paghihintay sa kanyang itay. Kahit antok na antok na siya ay tinitiis niya.

Pero nakatulog siya sa paghihintay. Nakatulog siyang hawak ang kamay ng mahimbing niyang natutulog na inay.

Isang sigaw ang pumutol sa mahimbing na pagtulog ni Chanok – sigaw ng kanyang inay na takot na takot.

"Chanok! Anak, gumising ka! Gising, anak! Gising!" luhaang sigaw ng kanyang inay habang niyuyugyog siya upang magising.

Nagising si Chanok na nasusunog na ang kanilang barung-barong na bahay at balot na ng usok ang paligid. Yakap siya ng kanyang inang umiiyak at nararamdaman niya ang panginginig nito sanhi ng matinding takot. Hindi makatayo ang nanay niya dahil nadaganan ang isang paa nito ng bumagsak na yero mula sa kanilang bubong at napaso na rin ang paa nito ng apoy.

Pag-iyak na lamang din ang nagawa ni Chanok. Ayaw niyang iwan ang kanyang ina kahit sinabi na nitong umalis na siya. Takot na takot siya. Alam niyang maaring mamatay ang nanay niya nang mga sandaling iyon.

Kapwa sila sumisigaw at humihingi ng tulong ng kanyang ina, at kapwa umiiyak na mahigpit ang yakap sa isa't isa.

Ilang sandali pa, dumating na ang hangos na hangos na itay ni Chanok na kanina niya pa tinatawag sa kanyang pag-iyak.

"Iligtas mo ang anak natin, Carlos! Ipangako mong mabubuhay kayo! Mahal na mahal ko kayo!" bungad ng kanyang ina sa kanyang ama.

Hindi malaman ng kanyang itay ang gagawin. Ayaw nitong iwan ang kanyang ina. Gusto ng kanyang itay na pareho silang iligtas.

Napaiyak na lamang ang ama ni Chanok. Batid nitong kung hindi pa sila aalis kasama siya, maaring sila pang tatlo ang mapahamak. Kumakapal na ang usok, at maaring bumigay na rin ang kanilang bahay. Hindi mapatid ang luha ng kanyang itay habang inililigtas siya kasabay ng takot nito na baka hindi na mailigtas nang buhay ang kanyang ina.

Si Chanok nang mga oras na iyon ay ayaw bitawan ang kamay ng kanyang ina. Ngunit ang kanyang ina mismo ang nagtanggal sa kanyang kamay sa pagkakahawak niya sa kamay nito. At nakangiting nagpaalam ang kanyang inay at muling binigkas kung gaano sila nito kamahal ng kanyang itay. Pagtawag na lamang sa kanyang inang nahihirapan nang huminga ang kanyang nagawa.

Nang madala na si Chanok sa ligtas na lugar ng kanyang tatay, niyakap siya nito ng mahigpit at hinalikan sa pisngi, tsaka ibinigay ang ipinangako nitong pasalubong para sa kanya na laruang Superman.

"Maaayos din ang lahat, anak. Dito ka lang, ha? Hintayin mo kami ng nanay. Magiging okay rin ang lahat, smile ka na," luhaang wika ng tatay ni Chanok haplos ang luhaan niyang mukha. Pinilit nitong ngumiti upang pagaanin ang kanyang loob. At nagpaalam ito para iligtas ang kanyang inay, at muling hinalikan ang kanyang noo bago siya iniwan.

Tumatak sa kay Chanok ang mga huling salitang binitiwan ng kanyang tatay. At paulit-ulit niyang sinambit ang mga salitang iyon. "Magiging okay rin ang lahat, smile! Magiging okay rin ang lahat, smile!" pinipilit niyang ngumiti sa pagbigkas ng mga salitang iyon, ngunit hindi niya pa ring mapigilang umiyak.

Habang nagkakagulo ang mga tao sa paligid, luhaan si Chanok at sa direksiyon kung saan dumaan ang tatay niya lang siya nakatingin. Hiniling niya na sana dumating si Superman para iligtas ang kanyang nanay at tatay. Pero hindi natupad ang kanyang hiling. Walang Superman na dumating.

Humupa na ang kaguluhan, hindi umalis si Chanok sa kanyang kinatatayuan – naroon lang siya sa puwesto kung saan siya iniwan ng kanyang itay at naghihintay. Hinihintay niya ang kanyang nanay at tatay.

Lumipas ang isang oras, dalawang oras, tatlong oras – pero walang dumating. Hanggang nakatulog na lamang si Chanok sa lugar na iyon sa gilid ng kalsada.

Hindi na muli pang nakita ni Chanok ang nanay at tatay niya matapos ang gabing iyon. Namatay na magkayakap ang mga ito sa nasusunog nilang bahay. Ni hindi niya nakita ang mga bangkay ng mahal niyang nanay at tatay. Wala silang kamag-anak sa lugar na iyon dahil dayo lamang sila kaya wala siyang alam na puwedeng mapuntahan. Takot na takot si Chanok at hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Wala na siyang babalikan pa.

Kinaumagahan, umulan ng malakas. At nang araw na iyon, naging palaboy na si Chanok. Pero hindi siya nag-iisa dahil kasama niya si Superman. At iyon lamang ang meron siya. At para sa kanya, si Superman ang nanay at tatay niya.

Isang taon na rin na batang kalye ngayon si Chanok.


FlyoverWhere stories live. Discover now