CHAPTER 1: Day 1

961 23 6
                                    

Kinabukasan sa classroom, nagising ako sa ingay ng mga klase ko. Parang may komosyon na naman ata sa hallway.

"P’re, ganda no’n oh!"
"Tol, kunin mo number!"
"Hindi niya ‘yan ibibigay, baka mawalan siya."
"Kupal ka naman. Ibibigay niya ‘yan."

Hindi na yata talaga dumating ‘yung professor namin kaya nag-iingay ‘tong mga kaklase ko. Siguro may na-tripan na namang babae. Ang mabuti pa, sa bahay ko na lang ituloy ang pagtulog ko. Wala namang laro ang tropa.

“Ayan na, lalapit na.”
“Ikaw na kasi, yabang mo rin eh!”
“Matapang ka ‘di ba! Ikaw na.”

Pisti talagang mga ‘to. Rinig ko pa rin mga bulungan nila habang nag-aayos ako ng gamit ko. Lagi nalang ganyan 'yang mga 'yan pag may napapadaang tourism students dito sa room namin. Ayaw kasi nila sa mga kaklase namin na puro tigyawat raw. Kaya ganyan na lang sila kasaya ‘pag may dumadaang magagagandang babae rito.

"P’re, dito ata siya papunta eh!" ,
"Pagkakataon na natin ‘to."
"Ayan na, dali dali." 
"Putek. Ikaw na kasi."
“Ikaw na kaya!”

Palagi ring ganyan ang eksena. At pag nawala na ‘yung babae saka sila magsisisihan. Sinubukan kong sumilip do’n sa pinto at nakita ko’ng may babaeng pumasok sa room namin. Hindi ko nga lang makita ‘yung mukha dahil nakaharang ‘yung mga kaklase ko. Tapos ko na ayusin ang gamit ko pero gusto ko pang makita kung paano poporma ‘yung mga kaklase ko.

"Ate, may cell phone ka?" tanong ng kung sinong nagkatapang.

Narinig ko namang sumagot ‘yung babae. “Oo.”

"Globe o Smart?" tanong na naman ng kung sino.

"Samsung eh,” sabi no’ng babae.

"BOOM!!!" sigawan no’ng mga classmate ko’ng nabanatan. Nganga sila. Hanep si ate, bumabanat!

Narinig ko naman ‘yung matinis na boses no’ng kaklase kong chismosa. "Ate, ate! Sino ba kasi hinahanap mo?" tanong ni Celine.

“’Yung boyfriend ko,” narinig ko na sagot no’ng babaeng ‘yon.

"Awwwww!!!" sigawan no’ng mga lalaking nabigo. ‘Buti nga.

“Eh sino ba ‘yung boyfriend mo ‘te?” tanong ulit ni Celine. Chismosa talaga. Patayo na ako nang bigla na lang nagkagulo sa klase.

"Si Vinz.”

Matinding ingay ang umalingawngaw sa room. Pero kahit maingay, malinaw ko pa ring narinig ‘yung sinagot ng babae. Vinz ‘yung sinabi niya. Namamali lang ba ako ng dinig?!

Eh ako lang naman ang Vinz dito ah!? "Ah. There you are, boyfie!"

Isang mistisang babae ang nasa harap ko. Pero bakit siya nakangiti sa’kin?  Ang ganda. Ang ganda niya at tinawag niya akong boyfie… Teka… Boyfie?!!!

I’m sleepy na boyfie, so goodnight. I’ll see you tomorrow, okay. ‘Yung text kagabi... hindi kaya…

Pero bago ko pa matuloy ‘yung gusto kong isipin, natagpuan ko na lang ang sarili ko na hinihila nitong babae na ‘to, na nagsasabing girlfriend ko siya.

"Teka! Teka!" Nasa labas na kami nang bumalik sa reyalidad ‘yung utak ko, at saka ako bumitaw sa  pagkakahawak ng babae sa’kin. Siya nga siguro ‘yung babaeng nag-text sa’kin kagabi. Pero paano? Totoo bang nangyayari ‘to? O nanaginip lang ako?

Kumapit na naman siya sa akin. Pero tinaboy ko ‘yung kamay niya. “Teka nga!”

“Yes?" nakangiting sabi ng babae sa’kin. Hala takte, bakit siya sumagot? E di hindi pala panaginip ‘to?

A Dare To Remember (PUBLISHED under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon