Chapter I: Princess of Bliss

90 3 2
                                    

[Luna's POV]

Ngayon ay ang ikalabing walong kaarawan ko. Masaya ang buong kaharian at isang malaking piging ang nakahanda para sa ganap na pagdadalaga ng susunod na Reyna, at ako iyon; si Luna.

Nakita ko ang aking ina at ama na palapit sa akin. Sila sina Haring Shaloh at Reyna Serene. Ang mabubuting namumuno sa Bliss.

"Maligayang kaarawan aming prinsesa" bati ni Ina, sabay ang pagyakap sa akin.

"Maraming salamat, Ina" nakangiting tugon ko.

"Hindi ako makapaniwalang kay bilis lumipas ng panahon. Naalala ko pa nang isinilang ka ng iyong Ina. Ako ay labis na nagagalak nung araw na iyon. Isang sanggol na may maamong mukha ang binigay sa amin ng mga diyos at nagbigay sa amin ng labis na kagalakan. Isang sanggol na lumaking isang magandang prinsesa. Tila ba kahapon lang ay buhat-buhat kita" Nakangiti ngunit naluluhang turan sa akin ni Ama.

Nakaramdam din ako ng kakaibang lungkot at tuwa para sa araw na ito. Natutuwa ako na isa akong mabuting anak para sa mga magulang ko, at lungkot dahil ang araw na ito ang maghuhudyat sa akin para maging susunod na tagapamuno sa aming planeta. Siguradong taon pa ang gugugulin bago sa akin ipasa ang korona, ngunit ang taon ay mabilis na lumilipas tulad ng aking pag-gulang.

Ilang saglit pa ay lumapit sa aking Ama ang punong mandirigma. Ang aking kinakapatid na si Rigel.

Tumingin muna siya sa amin ni Ina at yumukop upang magpakita nang paggalang bago tumingin kay Ama.

"Kamahalan, narito na po ang ating mga espesyal na panauhin" paghahayag nito.

"Kung gayon ay tayo na aking Reyna" sambit ni Ama habang nakalahad ang kamay at naghahantay na kunin ni Ina, na siya naman nitong tinugon.

"Rigel, anak. Ikaw na muna ang bahala sa prinsesa" turan ni Ama bago sila umalis ni Ina. Yumukod naman si Rigel bilang pagsunod.

"Maligayang kaarawan, Prinsesa" unang sambit niya nang maiwan kaming dalawa.

"Pinalaki tayong magkapatid ngunit hanggang ngayon ay di ko pa din maunawaan kung bakit kahit paulit-ulit kong hilingin sa'yo na tawagin mo ako sa aking pangalan, ay di mo magawa. Kahit na tayo lang ang narito" kunwari ay patampong sambit ko.

"Pinalaki man tayong magkapatid, ay alam natin pareho ang katayuan ng bawat isa. Isa kang tunay na maharlika, at isa lamang akong anak ng yumaong salamangkero, at ng isang gabay..."

"isang gabay na itinakdang magsilang ng espesyal na sanggol at ang ama mo ay isang salamangkero na nagsilbi ng tapat kay Ama at siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa ang Hari ng planetang ito" putol ko sa sinasabi niya. Napatingin siya sa akin. Ilang segundong titigan na tila ba binabasa niya ang aking iniisip hanggang sa siya ay ngumiti at nilahad ang kamay upang aking kunin.

"Gusto mong mamasyal?" tanong niya na sinagot ko ng isang buong pusong ngiti.

Nagtungo kami sa hardin ng mga bulaklak ni Ina, kung saan din kami madalas ni Rigel mula ng kami ay bata pa.

"Para sa'yo Luna" nagulat ako nang maglabas siya ng isang maliit na kahon.

"Ano ito?" tanong ko habang nakatingin lang sa kahon na ngayon ay nakapatong sa aking palad.

"Maari mong buksan" nakangiting sabi niya. Lihim naman akong napangiti sa tuwa dahil taon-taon ay nakakatanggap ako ng regalo mula kay Rigel, at ang lahat ng iyon ay tinatago ko.

Agad kong binuksan ang kahon at naglalaman ito ng napakagandang paru-paro. Meron itong mga makikinang ngunit maliliit na bato sa paligid ng pakpak nito. At malalaking pulang brilyante sa malalaking pakpak nito. Kinuha ko ito muna sa kahon ngunit labis ang aking pagtataka nang makita kong hindi ito palamuti sa buhok o kwintas kaya napatingin ako sa kanya.

"Ano ang isang ito?" tanong ko.

"hawakan mo ang asul na bato sa ulo ng paru-paro" utos niya na siya namang ginawa ko.

"Ha! Nakakamangha" sambit ko ng nag-iba ang anyo ng paru-paro. Naging isa itong magandang punyal at ang paru-paro at palamuti sa hawakan nito.

"ingatan mo iyan, Luna. Kahit wala ako sa tabi mo ay magagawa mong ipagtanggol ag iyong sarili" nakangiti ako sa kanya. Tama siya, lagi siyang nasa tabi ko para ipagtanggol ako at tinuruan niya din akong lumaban kahit pa mahigpit iyong pinagbabawal ni Ama.

"Maraming salamat. Ngunit, lagi ka pa din namang nandyang para sa akin diba?" nakangiting sabi ko.

"Oo naman! Hanggang sa kailangan mo ako, nandito lang ako. Pero kung sakaling nanganib ka at di mo ako kasama, gamitin mo ang punyal na yan. Pinalooban ko yan ng ilan sa mga mahikang inilagay ko din sa aking espada" nakangiti niyang sambit sa akin.

Ilang sandali pa ay katahimikan at ngiti lamang ang pinagsaluhan naming dalawa hanggang sa napatingin ako sa liwanag ng mga buwan mula sa langit. Napakaganda nila.

Tila ba nabasa ni Rigel ang aking iniisip kung kaya naman ay bigla siyang kumumpas at isang malabot na ulap ang tumigil sa aming harapan.

"Tayo na prinsesa" habang nakalahad ang kanyang palad na siya namang inabot ko.

"Hanggang ngayon ay gustong-gusto ko pa din dito. Sana lang ay may ganito din akong kapangyarihan" turan ko habang nakaupo kami sa ulap palapit sa mga buwan.

Ang mga buwan sa aming planeta ay nagsisimbolo ng kapayapaan at kasiyahan. 7 buwan ang ipinagkaloob sa amin ng mga diyos kung kaya naman ay napakaliwanag ng aming planeta kahit sa gabi.

Ngumiti lang sa akin si Rigel. Madalas ay iniiwasan naming pag-usapan ang mga kapangyarihang kaloob sa amin ng langit. Dahil sa mundo namin, ang lahat ay may kaloob na kapangyarihan.

Salamangkero ang mga nilalang na pinagkalooban ng kapangyarihan na makagawa ng kahit anong bagay mula sa simpleng pagkumpas ng kanilang mga kamay. Karaniwan silang tinatalaga upang maglingkod sa Hari at Reyna. Salamangkero din si Ama at ang Ama ni Rigel. At tapat na taga-paglingkod ang ama ni Rigel sa aking amang Hari.

Gabay naman ang tawag sa mga taong may kaloob na kapangyarihan na maramdaman ang damdamin ng kalikasan at basahin ang mga bituin. Sila ang nag-uulat ng mga balitang ipinababatid ng kalikasan.

Tanawan naman ang tawag sa mga isinilang na may kapangyarihan na kontrolin ang oras. At doon nabibilang si Ina. Sila ay may kakayahang ipakita sa'yo ang nakaraan upang maiulat ang katotohanan laban sa sino mang nais manlinlang.

Ngunit, ang kapangyarihan ng bawat isa sa amin ay lumalabas lamang tuwing ang isang bata ay tutungtong sa ika-walo niyang gulang. Mula roon ay maari na siyang pumasok sa akademya ng pagsasanay kung saan lilinangin ang angkin nilang kapangyarihan. Ito din ang gulang na hinihintay ng bawat magulang. Napakaswerte lang ni Rigel dahil nakuha niya pareho ang kakayahan ng kanyang mga magulang. Subalit mas pinaglinang ni Rigel ang salamangka, at ang kakayahan ng isang gabay ay tila nakadikit na sa kanya. Nang sumapit ang ika-walo kong gulang, doon namin natuklasan na walang kapangyarihan ang kinaloob sa akin ng langit. Isa iyong sikretong hindi pwedeng malaman ng aming mga mamamayan. Kung kaya naman nandiyan si Rigel para sa akin. Siya ang sumasalo ng mga bagay na may kaugnayan sa kakayahan namin sa mundong ito.

Naramdaman ko ang paglapat ng kamay niya sa aking balikat.

"Hindi ba't sinabi na namin na wag mong isipin ang kapangyarihan. Dahil higit kanino man ay mas makapangyarihan ka sa amin. Kaya mong magpasya ng matuwid at mabilis mong maramdaman ang mga taong may masamang balak kahit pa wala kang kakayahan tulad ng isang Tanawan. Isang kakayahan na ikaw lamang ang nakakagawa kahit walang tulong ng kahit anong kapangyarihan kung kaya naman ay mahal na mahal ka ng inyong nasasakupan. Patas at mapagmahal, at ikaw yun mahal na prinsesa." nakangiting sabi niya na labis na nagpagalak sa aking puso.

Tahimik kong sinusuri ang punyal na binigay sa akin ni Rigel habang tinutungo namin ang mga buwan ng bigla kaming huminto.

"bakit tayo tumigil?" tanong ko

Nakita ko lamang siyang pumikit at sa pagmulat ng kanyang mga mata ay nakakita ako ng panganib. Agad siyang lumapit sa akin.

"Ipagpatawad mo prinsesa ngunit kailangan na nating magbalik. Tila ba may gustong ipahiwatig ang hangin" tumango naman ako. Muli kong nilingon ang buwan at sa di kalayuan nakita ko itong lumuluha ng dugo. Digmaan. Tulad ng nabasa ko noon sa libro. Digmaan ang ipinababatid ng buwan na lumuluha ng dugo at labis na nagpabilis sa tibok ng aking puso.

Rise of BlissTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon