Chapter 5

5.2K 288 296
                                    

Limang buwan na mula nang tuluyan kong putulin ang ugnayan namin ni Migs. Mula nang gabing 'yon, wala na siyang narinig mula sa 'kin at ginawa ko rin ang lahat para wala na akong marinig na balita tungkol sa kanya.

Mahirap pero kinaya ko. Ipinagpatuloy ko ang buhay ko nang ma-realize kong hindi ko dapat iasa sa kanya ang kaligayahan ko at lalong hindi dapat sa kanya umikot ang mundo ko.

"Match, may bisita ka."

Hindi ko pinansin ang sinabi ni Mommy, nagtuloy-tuloy ako sa kusina para uminom ng tubig. Narinig ko siyang bumuntong-hininga.

"Match—"

"Mommy, ilang beses ko nang sinabi 'to pero uulitin ko po ulit. Kung alam mo lang ang ginawa sa 'kin ni Migs, 'My, hindi mo siya kakampihan. Baka hambalusin mo pa siya ng walis sa tuwing pupunta rito."

"Hindi naman si Migs ang bisita mo, Anak. Masyado kang assuming."

Napalunok ako. Pahiyang konti. Nag-iwas na lang ako ng tingin bago naglakad patungo sa itinuturo ni Mommy. Inaasahan kong isa sa mga kaibigan ko ang nandoon, siguradong nag-aalala na sila dahil kasabay ng pagputol ko sa ugnayan namin ni Migs ay ang bihira ko na ring pagpaparamdam sa kanila.

Pero nagulat ako nang iba ang bumungad sa 'kin.

"London," bulong ko.

Nakaupo siya sa sofa at mukhang may malalim na iniisip. Nakasuot siya ng malaking jacket na may hood at itim na leggings. Ni hindi niya yata napansin ang presensya ko kaya kinailangan ko pang tumikhim para maagaw ang atensyon niya.

Nilingon niya ako. Ngiti ang ibinungad niya sa 'kin. "Long time no see," bati niya.

Tumango ako, dahan-dahan. Umupo ako sa sofa ngunit naglagay ako ng malaking espasyo sa pagitan naming dalawa. Hindi ko alam kung bakit niya ako pinuntahan. Pero sigurado akong may kinalaman si Migs doon.

"Bakit ka nandito?" tanong ko. Pasimple kong tiningnan ang orasang nakasabit sa pader, alas singko na ng hapon.

"Bumibisita," kibit-balikat niya. "Kumusta ang summer vacation?"

Kumunot ang noo ko. Kaswal na kaswal ang pakikipag-usap niya sa 'kin pati ang pagkakaupo niya sa sofa. Mukhang ni hindi man lang siya kinakabahan. Samantalang ako, ramdam ko na ang pagpapawis ng palad at noo ko. Bakit ako pa ang kabado e bahay ko naman 'to?

"Staycasion lang ako," sagot ko sa kawalan ng sasabihin.

Tumango siya. Inilibot niya ang tingin sa paligid. Inubos ko naman ang oras sa panonood sa mga ginagawa niya.

"Match, isang tanong, isang sagot," aniya makalipas ang ilang minutong katahimikan.

Hindi ako sumagot pero nagtanong pa rin siya. "May gusto ka ba talaga kay Migs?"

Nag-iwas ako ng tingin. S'yempre itatanong niya 'to... imposible namang nagpunta siya sa bahay namin dahil gusto niyang makipagkuwentuhan. The last time I checked, hindi kami magkaibigan. Sa dami nga ng ipinangalan ko sa kanya, ni hindi ko na matandaan ang totoo niyang pangalan. O tanda ko talaga pero pinipilit ko lang kalimutan...

Tumikhim ako. "Meron..." Matagal bago ko dinugtungan ang sinasabi ko, "pero kung balak mo 'kong awayin, 'wag ka nang mag-abala, hindi na nga kami nag-uusap."

Yumuko ako para hindi makita ang reaksyon niya sa sinabi ko, ngunit nagulat ako nang marinig ang pagtawa niya. Unti-unti akong nag-angat ng tingin. Kita ko na ang ngala-ngala niya dala ng labis na pagtawa.

"Pareho kayong baliw," aniya sabay punas ng invisible luha sa kaliwang mata.

"Baliw?"

Huminga siya nang malalim. "Kayong dalawa, gusto n'yo ang isa't isa pero pinahihirapan n'yo ang mga sarili n'yo. Lalo na 'yang si Migs, palagi na lang palpak."

Migs & Match by justmaineyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon