Chapter 4

4.7K 261 168
                                    

Iniwasan ko si Migs. Iniwasan ko sila ni South Korea. Lahat ng imbitasyon nila, tinanggihan ko. Lahat ng tawag ni Migs, ni-reject ko. Pati ang conference call ng barkada, nadamay na. Parang ginawa ko na rin tuloy sa kanya lahat ng ginawa niya sa 'kin noon. Kahit ayokong masaktan siya tulad ng nangyari sa 'kin, hindi ko naman mapigilan.

Ito na ang ikalimang araw ng pag-iwas ko. Napansin kong dumalang na ang mga text ni Migs. Ang huli niyang matinong text ay noong Pasko pa, saktong 12mn. Tiningnan ko ang cellphone ko at muling binasa ang mga message niya habang nakahiga sa kama.

From: Who You Ka Ulit

akong aking akung akang (spell yan, kapag 'di ka nag-reply magiging palaka ka)

From: Who You Ka Ulit

mas masaya ang confe kung kasali ka.

Napangiti ako bago ipinagpatuloy ang pagbabasa.

From: Who You Ka Ulit

mahulog ka sana sa kama mo para matauhan kang hindi mo 'ko dapat iniiwasan. Gumaganti ka ba sa ginawa ko noon? Please naman magparamdam ka na.

From: Who You Ka Ulit

sa susunod na araw kapag hindi ka pa rin nagparamdam, lagot ka na sa 'kin. Pasko na. Matitiis mo talaga ako?

Bumigat ang dibdib ko. Ang sama kong kaibigan. Alam ko na nga kung ano'ng pakiramdam ng bigla na lang iniwasan nang walang matinong dahilan, tapos ginawa ko pa rin. Ang sama-sama ko.

From: Who You Ka Ulit

iyo na 'tong chocolate ko sa bahay. Hanggang ngayon lang pwedeng kunin kaya magpakita ka na.

From: Who You Ka Ulit

. . . Merry Christmas, Match.

Doon na natapos ang text messages niya. Bumuntong-hininga ako. Kinalikot ko ang phone ko at tinawagan na lang si Shyla para mabaling naman sa iba ang atensyon ko. Ilang araw na ring text nang text sa 'kin si Shy.

Hula ko, naiinis na siya dahil hindi ko sinasagot ang mga tawag ng barkada. Excited pa naman siya sa Christmas break dahil mas marami raw kaming oras ngayon para makapag-usap. Nakaka-guilty rin na hindi ko sila pinapansin dahil lang nagkaproblema kami ni Migs.

Nang sagutin ni Shyla ang tawag ay napangiwi ako. Bumungad na naman ang makabasag-eardrum niyang boses.

"Hala ka! Sa wakas, nagparamdam ka na rin! Grabe, kumusta?! Anong nangyari?"

"Puwede pakihinaan ang boses, Shy? Hindi ako bingi."

Humagikhik siya. "Sorry! Na-excite ako, e. Ano? Grabe, nagtatampo na kami sa inyo ni Migs, ha! Lagi na lang kayong hindi ma-contact. 'Di ba ang usapan, pagdating ng Christmas break, may confe tayo every other day?"

"S-sorry. Si Migs din hindi ma-contact?"

"Oo." Bumuntong-hininga pa siya. "Nag-away na naman kayo?"

Napalunok ako. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ang totoo o magkunwari na lang na coincidence lang na pareho kaming hindi nagpaparamdam ni Migs sa barkada.

"Sinasabi ko na nga ba!" sigaw ni Shy.

Halos mapatalon ako sa lakas ng boses niya. "Ha?"

"May gusto ka na kay Migs, 'no? Nag-away kayo kasi nagseselos ka sa girlfriend niya? Sinasabi ko na nga ba may something talaga, e!"

"WHAT? NO!" Napatayo ako sa gilid ng kama dahil sa gulat. "No... b-bakit naman ako magkakagusto sa kanya? E ano kung medyo guwapo siya, matangkad, mabango palagi, magaling sa Art, maalaga at mabait? Sinong magkakagusto ro'n?" Kinagat ko ang labi ko. Sige pa, Match, magsinungaling ka pa.

Migs & Match by justmaineyWhere stories live. Discover now