Date

11 1 2
                                    

   Bakas sa mukha ng bawat isa ang pagkasabik sa darating na Grand Ball. Kahit saan ako mapunta, isa lang ang naririnig ko. Palagi na lamang date ang kanilang pinag-uusapan o di kaya ang damit na kanilang susuotin. Sabi nung iba, magpapaayos pa raw sila sa mga tanyag na salon para lang magmukhang maganda. Para sa akin, hindi mo naman kailangan masobrahan sa make-up. Kung maganda ka, maganda ka talaga.

"Sino ba ang date mo?" Tanong sa akin ng kaibigan ko. Tiningnan ko lang siya nang walang ekspresyon sa aking mukha. Paano ba naman kasi eh wala akong gana sa Ball na yan. Una, gastos lang yan. Pangalawa, wala naman akong mapapala doon.

"Yung buffet." Yan ang tangi kong sagot. Oo tama. Nagbayad kami para sa Grand Ball na ito kaya dapat kong sulitin ang binayad namin. Kung hindi ko man maramdaman ang Grand Ball dahil wala akong date, atleast mababawi ko naman ito sa pagkain.

   Patuloy lang sila sa kanilang usapan. Hindi na ako nangialam pa dahil wala rin naman akong pakialam. Halos lahat ng mga kaibigan ko ay may date. Napag-usapan din nila na ipa-partner nila ako sa crush ko. Oo, ayos na ayos sa akin yun. Pero alam ko namang hindi iyon ang ninanais ng crush ko. Alam ko, may iba siyang gustong makasama sa araw na iyon.

   Ayaw kong dumating ang araw na siya nga ang kapartner ko pero iba naman ang gusto niya. Ayaw ko yung ako ang kasama niya pero ang kanyang mga mata ay gumagala na tila may hinahanap sa tabi-tabi. Ayaw ko yung wala siyang gana dahil ako ang kasama niya.

   Nabigla ako nang nilapitan ako ng crush ko. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso. Halos hindi ko na alam ang dapat gawin at pakiramdam ko ay lumalamig ang aking kamay. Binalewala ko ang lahat ng aking nararamdaman. Nginitian ko lang siya.

"May date kana ba sa Grand Ball?" Panimula niya. May suot siyang isang matamis na ngiti na naging dahilan nang pagkalabas ng kanyang mga dimples. Lalo siyang gumwapo. Hindi ko maiwasang hindi siya pagpantasyahan lalo. Hindi ko alam ang gagawin. Halos kumawala na ang puso ko sa kanyang tanong. Para bang may iba siyang gustong sabihin. Bumibilis ang tibok ng aking puso sa bawat segundong lumilipas. Wala na akong naririnig na ingay kundi ang sarili kong pulso.

"Yung buffet." Sagot ko sa kanya. Natawa naman siya nang bahagya. Pilit kong pinapagaan ang aming paligid. Pakiramdam ko ay ano mang oras ay maaari na akong mahimatay.

"Baliw ka talaga. Ako rin kasi eh. Wala pang date." Pansin kong tinuon niya ang kanyang titig sa may mga puno.

   Ito naba ang sinasabi nilang destiny? Yung tipo na wala kaming date pareho? Tapos yayayain niya ako na sana ako na lang ang date niya? Tapos baka mamaya umamin na rin siya sa akin na may gusto rin siya? Na hindi lang bilang kaibigan ang kaya niyang ibigay sa akin kundi higit pa doon. Ito naba? Please say yes.

"Huy." Siniko niya ako. Napailing ako dahil sa pagpapantasya ko. Hindi na ako sumagot at tiningnan ko na lang siya bilang tugon. Hinintay ko siyang magsalita ulit.

   Pakiramdam ko talaga na ito na iyon. Ito na ang araw na aking pinakahinihintay. Ito na siguro ang panahon na makakasama ko siya nang matagal.

Huminga muna siya nang malalim bago magsalita. Siguro, kumukuha ito ng lakas ng loob para ako ay yayain sa Grand Ball.

"Patulong sana ako sa iyo. Ilakad mo naman ako sa kaibigan mo oh. Siya kasi sana ang gusto kong maging date."

One Shot CollectionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon