Chapter 1

14.6K 383 185
                                    


Bahagyang nanginig ang daliri ko nang wala sa sarili kong i-dial ang numerong ayoko nang maalala pero kabisado ko naman kahit nakapikit. Kung puwede lang sanang mawalan bigla ng signal ang hawak kong cellphone para lang matigil na 'tong kahibangan ko, e 'di maganda. Pero alam ko namang imposible, sobrang imposible.

Lumunok ako nang ilang beses; paulit-ulit na inalala ang tatlong simpleng bagay na kailangan kong gawin sa oras na sumagot ang tinatawagan ko. Una, kailangan kong mag-hello. Ugh, mali-mali. Hindi 'yon ang una!

Ano ba naman, Match, ayusin mo nga ang sarili mo!

Una, wala nang hello-hello, diretsong sasabihin kong nagkamali ako ng number na pina-load-an. Imbes na number ko, number niya ang nabanggit ko.

Pangalawa, kailangan niyang ibalik ang load. Gamitin niya ang Share-A-Load ng Globe/TM; kung hindi siya marunong, tuturuan ko siya. Hindi puwedeng hindi dahil Autoload Max 'yon--tumataginting na six hundred pesos! Buti sana kung sampu lang, kanya na.

Pangatlo, at ang pinakaimportante sa lahat, ibababa ko ang tawag bago pa man siya makapagsalita o makapagreklamo. Wala na ring goodbye, diretso baba, tapos!

Humigpit ang paghawak ko sa phone. Kung kanina, kabado pa ako at gustong umatras sa pagtawag, ngayon, buong-buo na ang loob ko--all in the name of lo... load.

Naihilamos ko ang palad sa mukha ko nang makalipas ang ilang saglit ay narinig ko na ang basag-trip na linyang the subscriber cannot be reached. Aba't siya pa talaga ang may ganang hindi sumagot. Huminga muna ako nang malalim saka nag-dial ulit. Inip na pumadyak ako sa sahig. Nang magawi ang paningin ko sa kanan, nakita ko agad ang mapanuring mata ni Mommy Bel. Kunot ang noo niya, nagtataka.

"Akala ko ba nagpa-load ka? Bakit cellphone ko ang ginagamit mong pantawag?"

Itinaas ko ang aking hintuturo at itinapat sa labi ko. "Shh, 'wag maingay, Mommy."

Umupo ako sa bakanteng upuan sa tabi at muling nag-abang. Makalipas ang ilang beses na pagtawag, sa wakas, sumagot din siya!

Pero buntong-hininga niya pa lang, nagulo na ang sistema ko. 'Yong pakiramdam na siguradong-sigurado naman ako sa dapat kong gawin, kaso naglaho na lang lahat dahil lang sa buntong-hininga. Wow! Nawala na ang tatlong bagay na inalala ko kanina, inanod na yata ng umaapaw na feels ko. Kasabay pa no'n ay ang pagbalik-tanaw ko sa mga mumunting alaala.

"Kamukha mo si Cinderella, Match! Prinsesang-prinsesa ang anak ko."

Napahagikhik ako sa sinabi ni Daddy. Tumalon ako palapit sa kanya at sumabit sa leeg niya. Binuhat naman niya ako at inikot-ikot sa ere.

"Honey, masisira ang suot ng bata. Ibaba mo 'yan, nandyan na ang mga bisita," saway ni Mommy saka siya naglakad patungo sa isang mahabang lamesa at inayos ang mga pagkaing nakalatag doon.

Nasa garden kami ng bahay namin, malawak at malilom ang paligid. Ngumuso ako nang ibaba ako ni Daddy pero napangiti rin nang makita ang pagdating ng mga kaklase at kaibigan ko. Namangha ako. Napatili. Nakasuot din sila ng magagandang damit habang akay-akay ng kani-kanilang mga magulang o yaya.

"Daddy, palasyo na po ang bahay natin, ang daming prince at princess!" Hindi ko na hinintay pang sumagot siya, mabilis na akong tumakbo palapit sa mga bisita.

"Happy seventh birthday, Match! You look so pretty," puri ng nanay ni Shyla, isa sa mga kaibigan ko. Bumaling siya sa katabi niyang batang kulot na nakadamit katulad ng kay Show White. "Shyla, greet your friend. Bigay mo na rin 'yong gift mo."

"Happy birthday, Match." Ngumisi si Shyla at iniabot sa 'kin ang isang paper bag. "Sabi mo mag-aaral ka ng taekwondo kaya uniform ng taekwondo ang binili namin."

Migs & Match by justmaineyWhere stories live. Discover now