Chapter 1

171 6 1
                                    

Naiwan si Russel sa kusina nang umalis ang katulong. Ipinaalam lang nito ang pagdating ng isang bisita. Hindi agad siya sumunod. Uubusin niya muna ang brandy na kanina pa niyang pinalalamig sa basong may yelo.

"Ang aga-aga, alak?"

Mabilis niyang naisalin ang mga mata mula sa hawak na baso paroon sa kinatatayuan ni Joey. Nang makalapit ay umupo ito sa isang stool na katabi ng kanya.

"You want some?" Inialok niya rito ang sariling baso. Gumaya siya ng iling nang tahimik itong humindi. Nakapinta sa kanyang mukha ang isang tanong, Ayaw mo? Nang hindi ito sumagot ay saka niya itinuloy ang pag-inom.

"Si Michelle na naman ba?"

Siya naman ang natahimik. Nasasaktan pa rin siya sa tuwing maaalala ang dating kasintahan.

Para siyang tangang naghabol rito. Akala niya kasi ay siya ang may mali. Akala niya siya itong may pagkukulang. Bulag siya sa pagmamahal sa dalaga kaya hindi niya nakita ang posibilidad na magloloko ito.

Nalaman niyang buntis ito ngunit hindi siya ang ama. Hindi lang pala siya nito basta iniwan sa ere. Ipinagpalit pa siya nito sa iba habang sila pa. Talking about pamamangka sa dalawang ilog!

Ngayon naman ay umiinom siya para maagang ipagdiwang ang nalalapit nitong kasal. At least, hindi nito ipinaako sa kanya ang batang hindi rin kanya. Mas pinili nito ang lalaki kaysa sa sariling kahihiyan.

She must really love him.

Bumuntong-hininga si Joey. "Iba talagang tama mo sa ex mo 'no? Dapat yata sa 'yo sinasapak nang natatauhan."

Bigla siyang natawa. "Siguro nga. Hindi kasi sapat ang isang malutong na sampal para magising ako."

"What do you mean? Sinampal ka ba ni Michelle?" usisa nito.

Marahan siyang umiling. Isang mapait na ngiti ang ngayo'y nakaguhit sa kanyang mga labi. Naalala niya na naman ang mismong araw na nakipaghiwalay ang dalaga sa kanya.

"It was someone else. She said she was just a concerned citizen." Mapait din ang tawang pinakawalan niya bago muling uminom. "Sinampal niya 'ko nang subukan kong habulin si Michelle. Dapat pala nakinig ako sa kanya."

Kumunot ang noo ng kaibigan. "Who is she?"

Isang kibit-balikat lang ang nakuha nitong sagot. Ngunit sa loob-loob niya, gusto niya ring malaman kung sino ang babae.

***

Maingat na inilapag ni Tanya ang dalawang order ng brewed coffee mula sa dala niyang round tray. Alas otso pa ang duty niya sa call center kaya magtatrabaho muna siya bilang serbedora sa Pasta Plaza.

BS Tourism talaga ang tinapos niya. Pero dahil pahirapan ang makapag-practicum sa airline companies, sa hotel siya nag-OJT. Kalahati ng practicum hours niya ay napunta sa dining kaya maalam na siya sa pagiging waitress. May health certificate din siya at ID na galing pang City Hall kaya puwedeng-puwede siyang mag-part time bilang food handler. Sanay na rin siya sa trabaho doon dahil madalas siyang on-call kapag weekends.

Kaayos lang niya ng tayo nang maramdaman ang pares ng mga matang nakatingin sa kanya. Naisip niyang lumingon sa pinakamalapit na mesa. Nang gawin niya ay nakita niya ang isang lalaking nakatitig nga sa kanya.

"Have we met before?" tanong nito sa pagsasalubong ng kanilang mga mata.

Saglit niyang kinilatis ang mukha ng guwapong lalaki. Matangos ang ilong nito, manipis ang mga labi. Singkit, parang Koreano. May hawig ito sa crush niyang si Lee Min Ho, pero alam niyang hindi niya ito kilala.

Three Months AfterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon