Prologue

208 6 2
                                    


Isa, dalawa, tatlo, apat, lima.

Limang zero ang nabilang ni Tanya kasunod ng namumukod-tanging number 1. Isang daang libo. Iyon ang halagang nakahain ngayon sa harap niya. Isang bagong pilas at malutong na tsekeng hindi marunong magsalita ngunit ipinagsisigawang isa siyang hampas lupang mabibili ng pera.

"P-Para saan po yan?" tanong niya kahit pinanginginig na ng inis ang kalamnan niya sa naiisip na sagot.

"Ikakasal na si Theo," wika ni Bernadette, hindi pansin ang pang-uusisa niya.

Agad na kumunot ang noo niya. "Ano po?"

"Sabi ko ikakasal na si Theo," malupit nitong ulit, nasa tono ang pagkayamot sa kanilang usapan samantalang ito ang tumawag sa kanya para makipagkita. "Kaya tantanan mo na siya. Ayan ang pera. Lubayan mo na ang anak ko."

"Pero imposible ang sinasabi ninyo. Si Theo, magpapakasal sa iba?" Bakas sa kanyang di-maipintang mukha ang pagtataka. Gusto na niyang lumingon sa paligid at baka may mahagilap siyang hidden camera. Baka nga naman na-Wow Mali lang siya.

"Bakit, iniisip mo bang sa 'yo siya mapupunta? Magsikap ka nga kung gusto mong umunlad sa buhay! Hindi iyong nanglalandi ka ng taong may pera. Hindi tanga ang anak ko para seryosohin ang isang tulad mo."

Tulad ko?

Kung hindi lang nanunuyo ang kanyang lalamunan ay baka naitanong niya rito kung ano ang ibig nitong sabihin sa "tulad niya."

Walang imik na nilayasan siya ng ginang. Naiwan siyang mag-isa sa mesa, kaharap ang kalahating bawas na tasa ng kape at ang tahimik na tseke.

Mukha akong pera.

Naisip niyang iyon ang gustong palabasin ni Bernadette.

Para patunayan kahit manlang sa kanyang sarili na mali ito, dinampot niya ang tseke at pinunit nang paulit-ulit sa kung ilang maliliit na piraso.

Nanginginig ang bagang niya habang pinipigilan ang paggulong ng mga luhang nagsisabit sa ilalim ng kanyang mga mata. Lumunok siya, kinalma ang sarili saka tumayo.

Nakatungo, nagmamadali siyang naglakad palabas ng coffee shop. Ilang hakbang na lang mula sa kanya ang saradong pinto. Salamin iyon kaya kita niya ang dalawang taong tila nagtatalo sa labas. Isang babae at isang lalaki. Mukhang may LQ. Pero wala siyang pake. Lalong wala siyang oras na manood kaya itinuloy na niya ang paghakbang.

"Tantanan mo na 'ko."

Agad siyang natigilan nang marinig ang tinuran ng babae paglabas niya ng pinto. Parang iyon lang ang winika ni Bernadette sa kanya. Tantanan niya na raw si Theo.

"Hindi na kita mahal," patuloy ng magandang binibini. "Kaya pabayaan mo na 'ko. Kung talagang mahal mo 'ko, ibibigay mo sa 'kin ang kalayaan ko."

"Pero Michelle," awat ng umiiling pang lalaki.

Kahit sa ilang hakbang nilang distanya ay kita niya ang pangingilid ng mga luha nito. Tinangka pa nitong kunin ang kamay ng kaharap ngunit mabilis nakaiwas ang huli.

"Tama na," pakiusap ng babae. "Just let me go." Hindi na nito hinintay ang sasabihin ng binata. Agad itong tumalikod saka nagsimulang maglakad palayo.

Ni wala siyang balak na manood, ano pa ang makialam. Ngunit nang makita niya ang determinasyon sa mata ng binata, bigla siyang napahakbang. Mabilis. Mas mabilis pa sa naging tangka nitong paghabol sa babaeng halos tumakbo na makalayo lang dito.

Hinawakan niya ang kamay ng lalaki upang pigilan. Sakto sa pagharap nito sa kanya ay isang sampal ang pinadapo niya sa makinis nitong mukha.

"Anong—"

"Tanga ka ba?" sigaw niya bago pa man nito matapos ang ibabatong tanong. "Gumising ka nga! Narinig mo naman siya 'di ba? Ayaw na niya sa 'yo kaya tigilan mo na siya. Hindi ka aso para maghabol sa taong nang-iwan sa 'yo."

Alam niyang hindi lang para rito ang mensahe niya. Kundi para rin sa kanya. Gayun na lang ang hiling niyang sana'y magawa niya ring sampalin ang sarili. Labis siyang nasasaktan ngayon. At tulad ng binata, kailangan niya ring tanggapin ang mapait na katotohanan.     


-------

Okay ha? Hindi ko talaga 'to itutuloy pag walang comments hahahaha

Geh, manakot ka pa! As if may matatakot. -_-

Ito na lang, yung may pinaka magandang comment, bibigyan ko ng dedication. Game!

Three Months AfterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon