Chapter 6

363 14 0
                                    

KUNG akala ni Calix ay napasuko na niya ako dahil ipinahulog niya ako sa swimming pool ay nagkakamali siya. Kahit nagawa niya sa akin iyon ay hindi ako nagalit sa kanya. Alam kong ipinahulog niya ako sa pool para magtanda ako at hindi ko na siya kulitin ulit. Para patunayan din na mali ang ipinagpipilitan ko na may kabutihan siyang itinatago.

Hindi naman talaga ako nasaktan sa ipinagawa niya dahil hindi naman malalim ang pinaghulugan sa akin. Ibig sabihin ay hindi talaga niya planong saktan ako. Kung gusto talaga niyang saktan ako ay ipinahulog dapat niya ako sa malalim na parte ng pool o kaya ay ibinitin niya ako nang patiwarik habang isinasawsaw ang ulo sa tubig.

Sinusuwerte pa rin ako dahil nang bago ako lumabas sa covered swimming pool na basang-basa ay may makasalubong akong isang babaeng hindi ko kilala ang willing na ipahiram sa akin ang uniporme niya. Nakasuot siya ng pang-PE class at nasa locker room daw ang uniporme niya. Pumayag naman ako dahil mapilit siya. Pinahiram pa nga niya ako ng blower at toiletries. Kaya nagawa kong makapasok sa sumunod na class period.

Gagawin ko ang lahat para mapagbago si Calix. Hindi ako basta-basta susuko dahil gusto ko siya. Kahit na ganoon ang ugali niya ay crush ko pa rin siya. Naniniwala pa rin ako na may mabigat na dahilan kung bakit siya nagkaganoon. Hindi siya likas na masama. Puwede pa siyang magbago. Hangga't hindi niya ako sinasaktan gamit ang mismong mga kamay niya ay hindi ako maniniwalang wala na siyang pag-asang magbago pa.

Kaya nang makita ko ulit si Calix na natutulog sa ilalim ng punong paborito niyang tambayang mag-isa ay nilapitan ko siya. Mukhang natutulog na naman siya kaya iniwasan ko ang makalikha ng ingay. Umupo ako at sumandal sa puno habang hinihintay ko siyang magising.

Habang pinagmamasdan ko si Calix ay na-imagine ko na sa kandungan ko siya nakaunan at hindi sa mga palad niyang magkasalikop sa likod ng ulo niya. Napangiti ako. Nababasa ko kung paano magmahal ang isang gangster. Pero sa totoong buhay kaya ay ganoon din? Paano kaya magmahal ang isang tulad ni Calix? Pumikit ako at in-imagine ko siya at ako na magka-holding hands while walking. Ang higpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko. Para bang hindi na niya bibitiwan pa iyon. Nakakakilig!

"Ikaw na naman?"

Bigla akong napadilat at nakita ko si Calix na nakadilat na rin. Bumangon siya at pinagkrus ang mga binti sa pag-upo. Matalim ang titig niya sa akin.

"Ano na namang ginagawa mo rito?" matigas na tanong niya. "Hindi ba't sinabihan na kita na 'wag ka nang pupunta rito? Wala ka ba talagang dala?"

Binale-wala ko ang paninindak ni Calix. "May nakausap kasi ako tungkol sa The Little Prince at sinabi niya sa akin na hindi pala children's book iyon," sabi ko. "Para pala iyon sa mga adult na nami-miss ang childhood days nila. Nami-miss nilang maging bata. Nami-miss mo ba ang childhood mo?"

Parang bahagyang nabigla si Calix sa itinanong ko. Nagsalubong ang mga kilay niya kapagdaka. Mukhang bubulyawan na naman niya ako kaya inagapan ko ang balak niya.

"Nakaka-miss rin talagang maging bata, no?" patuloy ko. "Masarap kayang maging bata. Walang problema. Hindi komplikado ang buhay. Puro lang laro. Mababaw lang ang kaligayahan. Walang imposible para sa mga bata. Siguro... masaya ang childhood mo kaya nami-miss mo."

Mukhang biglang napunta sa memory lane ang isip ni Calix dahil parang nawala siya sa sarili habang nakatingin sa kawalan.

"Masaya siguro ang childhood mo, 'no?" untag ko sa kanya.

Biglang inilipat ni Calix ang tingin sa akin. "Ano bang pakialam mo sa childhood ko?"

Ngumiti ako. "Katulad ka rin ba ng batang prinsepe na mahilig magpantasya?"

"Oo."

Napatitig ako sa kanya. "Talaga?"

Tumango si Calix. "Sa katunayan, may pinapantasya ako ngayon."

"Ano 'yon? Puwede bang malaman?" curious na tanong ko.

"Pinapantasya ko na kinakain ka na ng sawa para tumigil na 'yang bunganga mo at mawala ka na sa paningin ko."

Lumabi ako. "Ang morbid naman."

"Hindi malayong magkatotoo 'yon kung hindi mo pa rin talaga ako lulubayan," banta ni Calix at tumayo na siya't naghandang umalis.

Tumayo na rin ako. "Imposible namang maipakain mo ako sa sawa," humahagikgik na sabi ko. "Ni hindi mo nga ako kayang saktan with your own bare hands."

Nilingon ako ni Calix. "Siguro nga, hindi kita kayang ipakain sa sawa." Biglang nagkaroon ng panganib sa mga mata niya. Nagsimula siyang humakbang papalapit sa akin.

Nataranta ako nang slight. Kakaiba kasi ang klase ng tingin niya. Parang sasaktan niya ako. Kaya naman humakbang ako paatras. Nagpatuloy siya sa paglapit hanggang sa maramdaman ko na lang ang likod ko na dumikit sa trunk ng puno. Tatakbo na sana ako pero hinawakan niya ako sa balikat kaya dumikit ulit ang likod ko sa puno.

Bigla ay napakalapit na ni Calix sa akin. Ilang inches lang ang distance ng mga mukha namin. Kumabog ang dibdib ko sa takot. Pero bakit parang may kasamang kaunting kilig ang takot ko?

"Pero kaya kitang..." Bumaba ang tingin niya sa mga labi ko.

Nanlaki ang mga mata ko. Hahalikan niya ba ako? Ganoon ang ginagawa ng mga bruskong lalaki sa mga babae para gantihan sila. Gagawin ba sa akin ni Calix iyon? Napalunok ako. Hindi pa ako handa sa first kiss ko! Baka puwedeng sa cheek na lang muna?

"C-Calix... kung... kung anumang binabalak mo... 'wag mong ituloy..."

Umangat ulit sa mga mata ko ang tingin ni Calix. "Kaya kitang... saktan with my own bare hands," patuloy niya at bigla na lang niya akong pinitik nang malakas sa ilong.

"Aw!" Nasapo ko ang ilong ko. Totoong nasaktan ako.

Saka lang lumayo sa akin si Calix. Nagtatatawa siyang humakbang palayo.

Sinadya niya iyon. Sinadya ni Calix na akalain kong hahalikan niya ako pero plano talaga niyang mapahiya ako. Sapo ko pa rin ang ilong ko nang umalis ako sa pagkakasandal sa puno.

"Ang sakit no'n, ah!" Pero at least ay pinitik lang niya ako. Hindi niya ako sinampal, sinikmuraan o inginudngod sa trunk ng puno. Ibig sabihin ay hindi talaga siya masamang tao. Napangiti ako habang hawak ang ilong ko.

St. Catherine High 1: I Knew He Was Trouble By Heart Yngrid (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon