Chapter 5

370 11 0
                                    

NAGLALAKAD ako sa corridor papunta sa school canteen nang makasalubong ko si Janna. Classmate ko siya noong elementary. Mahilig din siyang magbasa tulad ko pero mas wide reader siya kaysa sa akin. Kaya malamang ay nabasa na niya ang The Little Prince. Kaya hinarang ko siya para tanungin kung ano ang moral lesson ng kuwentong iyon.

"Ah, hindi naman children's book 'yan," tukoy ni Janna sa librong hawak ko. "Mukha lang siyang children's book kasi bata ang bida at may illustrations at pabula siya. Pero para talaga 'yan sa mga matatandang gustong balikan ang childhood nila. Noong mga time na hindi pa komplikado ang lahat sa buhay nila. Noong mga time na wala silang kayang gawin kundi ang mag-fantasize gamit ang utak nilang wala pang gaanong knowledge."

Napanganga ako. "Ganoon ba 'yon? So, hindi baliw ang bata dito? Hindi lang niya niloloko 'yong piloto?"

Tumawa si Janna. "Hindi! Ano ka ba! Sa kuwentong 'yon, posible ang lahat ng bagay. Kaya nga pabula, eh."

Tumangu-tango ako. May point siya. Hindi kasi ako mahilig magbasa ng pabula. "Kung gano'n... nami-miss niya ang childhood niya?" tukoy ko kay Calix.

"Sinong tinutukoy mo?" tanong ni Janna.

"Ah, wala. 'Yong... 'yong isa kong kakilala." Nagpasalamat ako kay Janna at nagpatuloy na ako sa paglalakad.

Wala sa loob na niyakap ko ang librong hawak ko. Kung ganoon ay nami-miss ni Calix ang childhood niya. Bakit ako, hindi ko naman nami-miss ang childhood days ko? Masaya kasi ako na magiging dalaga na ako.

Isa lang ang ibig sabihin niyon: mas masaya si Calix noong bata pa siya kaysa ngayong nagbibinata na siya. Kaya nami-miss niya ang childhood niya. Pero bakit hindi siya masaya sa kasalukuyan? Gusto ko talagang malaman ang kuwento ng buhay ni Calix.

Natanaw ko ang tatlong lalaking papasalubong sa akin. Namukhaan ko sina Mark at Erik. Hindi ko alam ang pangalan ng isa pang kasama nila pero kasamahan din ni Calix sa gang iyon. Nakatingin silang lahat sa akin at mukhang ako talaga ang pakay nila kaya papasalubong sila sa akin. Inutusan ba sila ni Calix para puwersahin ako na ibalik ang libro niya?

Huminto ako sa paglalakad. Pumihit ako at nag-iba ng daan. Nakita kong sumusunod sila sa akin. Nagsimula akong tumakbo. Nang lumingon ako ay tumatakbo na rin sila. Hinahabol nga nila ako! Luckily ay mabilis akong tumakbo. Kung saan-saan ako sumuot at nagtago pero nasusundan at nakikita pa rin nila ako.

Hanggang sa ma-corner na nila ako. Isa sa kanan, isa sa kaliwa at isa sa harap ko. Sa likod ko ay pader na. Wala na akong lulusutan. Nang magtangka akong lumusot sa kanan ay nahuli nila ako. Binitbit ako ni Mark hawak ang backpack ko. Hawak ni Erik ang isang braso ko at ang isa ay nakabuntot sa amin.

"Sumama ka sa amin," mariing sabi ni Mark.

"Saan n'yo ako dadalhin?" tanong ko. Kinakabahan ako pero hindi ko pinanaig iyon. Gusto kong ipakita sa kanila na matapang ako. Kaya hindi ko rin maibigay ang libro. Ayokong isipin ni Calix na duwag ako kung ibibigay ko na lang nang basta ang libro niya.

"'Wag kang maingay," sabi ni Erik.

"Isusumbong ko kayo sa guidance!" pagbabanta ko.

"Subukan mo lang."

"Hindi ako natatakot sa inyo."

Ngumisi si Mark. Nagkatinginan sila ni Erik. Itinulak ako ni Mark papasok sa swimming pool area ng campus. Walang ibang tao roon kundi si Calix na nakatayo sa gilid ng pool. Ilang saglit pa ay nasa harap na ako ni Calix at nasa likod ko ang tatlong kasamahan niya sa gang.

"Ibigay mo sa akin ang libro ko," utos ni Calix sa akin.

Niyakap ko ang libro niya. "Ayaw."

Naningkit ang mga mata ni Calix. "Talagang matigas ka, ha."

"Sanay ka ba talaga na kinukuha ang lahat sa puwersa? Puwede mo namang hingin sa akin ito nang maayos at magpasalamat na dinampot ko ito nang iwan mo ito sa ilalim ng puno kaysa makuha ng iba o maitapon ng janitor."

Tumawa si Calix. "Bakit ko gagawin 'yon? Nalalaman mo ba kung sinong kausap mo?"

"Hindi ako natatakot sa 'yo. Kung lahat ng tao rito, natatakot sa 'yo... puwes, ako, hindi," matapang na sabi ko kahit medyo kinakabahan ako.

Nanigas ang mga panga ni Calix. Lumapit siya nang husto sa akin. Hinawakan niya ang baba ko at itinaas ang mukha ko. "Ano bang ipinagmamalaki mo? Pulis ba ang tatay mo?"

"Hindi."

"Abugado? Judge? Politician?" panghuhula ni Calix.

"Hindi. Hindi. Hindi."

"So, bakit ganyan ka katapang?"

Tinitigan ko si Calix. Nararamdaman kong sa likod ng nanlilisik na mga mata niya ay nagtatago ang isang bata, isang munting prinsepe na masaya sa pag-iilusyon na kaya niyang lumikha ng sarili niyang mundo. Hindi pa ganap na adult si Calix. Alam kong sa kaloob-looban niya ay itinatago niya ang vulnerability at helplessness niya bilang isang bata. 

St. Catherine High 1: I Knew He Was Trouble By Heart Yngrid (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon