13 -

3.1K 67 1
                                    

_________________

HINDI alam ni Maricor kung gaano katagal ang ginugol nilang oras bago marating ang sinasabi ni Jhael na kinaroroonan ng mga armas na maaari nilang gamiting panlaban sa mga taong paniki. Nang marating na nila ito, para bang nabunutan na siya ng tinik. Naging matapang. Tila ba patas na ang laban nila mula sa mga hindi pangkaraniwang nilalang. Kahit pa sabihing nandyan si Jhael, alam niyang hindi nito kakayanin mag-isa.

Pagkatapos nilang makakuha ng mga sandata ay wala na silang sinayang na oras. Nagkukumahog ang mga hakbang nila palabas sa lagusang iyon. Ibang pintuan ang kanilang tinahak. Ang sabi ni Jhael ay mas madali silang makakalabas ng mansyon kung doon sila dadaan.

"Kung nahirapan tayo papunta sa kinaroroonan ng mga armas, ngayon ay sandali lang tayo makakalabas ng mansyon." ani Jhael habang hawak ang kamay ni Maricor. Nagmamadali ito.

"Baril lang ang kinuha natin. Sure ka ba natatablan ang mga taong paniki dito?" nag-aalangang tanong niya.

"Oo."

"Paano kung maubos ang bala?"

"Bago mangyari 'yon, nakatakas na tayo.." si Jhael.

"Eh, paano yung mga kaibigan ko?"

"Hahanapin natin sila.."

Lalo pa nilang binilisan ang paglalakad. Sa tangkad ng lalaki at sa pinagkaitan niyang height, para na rin siyang tumatakbo.

"Yung lagusang iyon, konektado sa gubat?" aniya. Hindi makapaniwala. Napuna niya ang nagtataasang puno na naaanigan ng liwanag ng buwan.
Luminga-linga siya sa paligid. Parang may kung anong bulto siyang nababanaag sa gilid ng mga puno.

"Huy, Jhael. Humihinga ka pa ba?" baling niya sa lalaki.

"Psstt.. Parang may nagmamatyag sa atin."

Ilang sandali ay naglabasan ang mga nakakatakot na nilalang sa gilid ng mga puno.

"Hangal kang lalaki ka! Kinalaban mo ang lahi natin. Akala mo ba'y makakatakas kayo? Hindi ko hahayaang makalabas kayo sa bayang ito. Tapusin ang lalaking 'yan!" sigaw ng matandang taong paniki. Nanlaki na lang ang mga mata ni Maricor nang makita ang madaming taong paniki sa paligid.

Napapaligiran na pala sila ng mga taong paniki. Marahil ay nakaramdam ang mga ito ang presensya nila. Tumingin siya kay Jhael na noo'y parang may malalim na iniisip.

Naisip ni Jhael na kung lalabanan niya ang mga taong paniki, maiiwan niya si Maricor. Wala siyang kasiguraduhan na walang lalapit dito. Isa sa mga katangian niya bilang taong paniki ay mabilis siyang kumilos at lumipad. Siguro ang dapat niyang gawin ay ilayo muna si Maricor bago makipaglaban.

"Ang dami nila... Hindi yata kaya ng bala ng baril natin 'yan eh." Narinig niyang usal ni Maricor. Agad kumilos si Jhael. Sinunod niya ang nabuong plano sa isipan. Mabilis siyang nagpalit ng anyo. Naging itim ang kulay
ng balat niya, humaba ang mga kuko at lumabas ang matutulis na pangil. Sa likod ay lumabas din ang naglalakihan niyang pakpak. Nagbago ang anyo ng kanyang mukha na kung titignan mo ay masasabi mong isa na siyang halimaw. Hindi naman makapaniwala si Maricor sa nasaksihan mula kay Jhael.

Agad nang kumilos si Jhael. Mabilis niyang inilipad pataas sa ere si Maricor. "Oh my gosh!" gulat ni Maricor sa ginawa ni Jhael. Nanlamig ang buong katawan ni Maricor dahil sa malakas at malamig na hanging sumasalubong sa kanila mula sa ere. Hindi pa man nakakalayo'y may mga palasong nagliparan sa direksyon nila. Mabuti na lang ay nagawa niyang ilagan ang mga iyon. Ang sumunod ay napansin na lang niyang nagliparan na rin ang mga taong paniki na kagaya niya upang sila ay sundan. Mas binilisan pa ni Jhael ang paglipad palayo. Ang mga mata niya'y hindi nakatutok sa kalaban na sumusunod sa kanila kundi sa ibaba. Naghahanap siya ng ligtas na lugar na maaaring pag-iwanan o pagtaguan ni Maricor. Pagkatapos nun ay haharapin na niya ang mga masasamang taong paniki. Handa siyang makipaglaban.

Sa gilid na mga mata ni Jhael ay nakita niya ang bahaging iyon na masasabi niyang ligtas si Maricor. Isang kalsada kung saan nasa pagitan ng dalawang lugar. Ang Sitio Ayunta at ang kabilang Sitio. Nilingon niya ang mga kalabang sumusunod sa kanila. Hindi niya nakita ang mga ito kaya ang pumasok sa isip niya'y malayo ang nailipad niya. Tama nga ang ginawa niyang paglipad, lumipad siya ng hindi lumalagpas sa mga malalaking puno. Sa ganoong paraan kasi ay mas malaki ang posibilidad na hindi sila makita.

Maingat niyang inilapag sa damuhan si Maricor kung saan sa gilid ng kalsada.

"Babalikan kita, Maricor. Babalikan kita.." pagkawika nun ay muli siyang lumipad sa ere.

"Sandali, Jhael!" habol na sigaw ni Maricor subalit tila hindi siya narinig ng lalaki. Napayakap na lang siya sa sarili nang muling makaramdam ng lamig.

Ang pag-gala ng mga mata ni Maricor sa paligid ay parang daan upang bigyang takot ang sarili. Para sa kanya, nakakatakot ang lahat ng nakikita niya sa lugar na iyon. Ang lugar kung saan naninirahan ang mga taong paniki. Marahil ay natatakot siya sapagkat mag-isa na lamang siya. Naramdaman na lang niya ang baril na hawak mula sa kaliwang kamay.

"May sandata nga pala ako.." wika niya sa sarili.

Mula sa liwanag ng buwan ay nakita ni Maricor ang waiting shed sa gilid ng kalsadang iyon. Isang waiting shed na ginapangan na ng mga halaman sa paligid. Lumapit siya doon at naisipang maupo. Pagod na pagod siya sa layo ng nilakad nila ni Jhael.

---

NANG IMULAT ni Maricor ang mga mata'y, wala siyang maaninag kundi parang mga usok lang, yung makapal na usok na madalas niyang makita sa mga horror movies, kaya naman muli siyang pumikit.

"Sigurado akong magugulat siya sa sorpresang inihanda natin.." narinig niyang wika sa paligid. May nagtawanan.

"Gisingin na ba natin ang isang ito?" muli ay narinig niyang tinig.

Parang awtomatikong napadilat ulit si Maricor. Noong una'y parang wala siyang ideya sa paligid hanggang sa unti-unting luminaw ang presensya ng lugar sa kanyang paningin.

Nang tuluyang makita ang nasa paligid ay nagulat siya. Napapaligiran siya ng mga taong paniki at ang mas ikinagulat niya pa ay nang makita si Jhael na nakagapos sa malaking puno. Ang puno sa pagitan ng dalawang Sitio.

"Jhael!" sigaw niya. Napuna niyang duguan ito at napakaraming mga galos sa katawan. Parang hinang-hina na ito.

"Anong gagawin niyo sa kanya?" tanong niya sa mga taong paniki.

"Bibigyan namin siya ng leksyon na siguradong hindi mo gugustuhing makita." tugon ng isa sa mga taong paniki. Tumawa pa ito.

"Huwag niyo siyang sasaktan.. Parang awa niyo na!" pakiusap niya.

"Ang mga katulad niyang pumipigil o humahadlang sa lahi namin ay dapat bigyan ng kaparusahan. Kamatayan ang nararapat sa lalaking iyan!" tila galit na galit na saad ng matandang taong paniki. Iyon ang pinaka pinuno sa lahat.

"Kamatayan! Kamatayan!" halos sabay-sabay na usal ng mga taong paniki sa paligid.

"Huwag.." ang tanging nasambit niya. Naiiyak na siya sa mga sandaling iyon dahil alam niyang wala siyang magagawa para tulungan si Jhael para iligtas ito katulad ng ginagawa nito para sa kanya.

Anong dapat kong gawin? Hindi ko kayang makita siya sa ganoong sitwasyon. Wika niya sa sarili.

"At ikaw babae, ikaw ang iaalay namin sa aming panginoon.." muling usal ng pinuno pagkabaling sa kanya.

"Handa ka na bang masaksihan ang inihanda naming sorpresa sa lalaking ito?" dugtong pa nito.

"Kamatayan! Kamatayan! Kamatayan! Kamatayan!" nakakarindi sa kanyang pandinig ang mga boses ng taong paniki.

"M-maricor.." hinang-hina na sambit ni Jhael. Tumingin si Maricor sa mga mata ni Jhael. Napansin niya ang kalungkutan sa mga matang iyon.

"M-masaya akong nakilala kita.."

Pagkasabi ni Jhael sa mga katagang iyon ay nakita na lang ni Maricor ang mga palasong tumama sa iba't-ibang parte ng katawan ng lalaki.

"Huwaggg!!" sigaw niya.

............

Sigaw Sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon