Aba ka rin

138 7 2
                                    



Lahat ng nilalang sa lupa'y sinilang

Mariin na hubad at walang balabal,

Sukat giniginaw sa ihip ng buhay,

Maraming pangarap hanggang sa mamatay.


Ang iba'y mapalad, kutsara ay ginto

Sagana sa hapag at bahay ay bato

Datapwa't maraming sa hirap nahango

Sukat nakanganga't tiya'y kumukulo.


Dukha't patay-gutom ang siyang pangalan

Nang abang timawang ligaya ang libingan,

Para bagang salot ang hindi mayaman

Pait at paglibak siyang kamatayan.


Sukat tinatakwil sa lahat ng bagay,

Pakunwang hahabag, kapag ka pumanaw...,

Kung pakpak mo'y iba itong angking kulay

Humayo't lumuha hindi nababagay.


Laging pakumbaba't sa lupa'y humalik

Upang luyang-paang balot pa ng putik,

Sukat sa pintua'y angking makapanhik

At yumukong lumuhod habang puso'y tigib.


Ngunit para bagang sandali'y yukayok

Lihim ang pagluha't damdamin ay tutop,

Sa ayos na upo'y huwag nang lulunok

Hinay pang ngumuya't nang hindi madukdok.


Mumurahing damit sukat pang palitan

Nang tanggaping pilit sa mga pupuntahan,

Ngumiti't gumalang sa nakatataas,

Ayusin ang bigkas nang hindi mahampas.


Ngunit, bakit ganyan tanging sinambulat

Ng isang nilalang na walang panggulat?

Aba ka ring sukat sa araw'y namulat

Pantay sa liwanag at sa lahat-lahat.


Mapalad ka't iba ang tinatamasa

At yaong sarili'y ngiti ay ginhawa,

Para bagang yaong saya't ala-ala'y

Iyong tinalikda't ipinariwara.


Lahat tayo'y papanaw sa lupang daigdig,

Ang ataul mo man'y magara ang ukit

Sa lupang hinamak nang buong malupit

Karangala'y wala't anay ang nahigit.

TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon