Quindici

180 21 1
                                    

Maaga akong tumambay dito sa studio ko sa bahay dahil mula nung makauwi ako galing sa condo unit ni Samantha, ay hindi na ako makatulog pa. Puno ang isipan ko, at ang laman ay siya lang. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na gumuhit at magpinta sa malaking canvass na ngayo'y nasa harapan ko.

Puno ng patak ng bawat pangkulay ang mga kamay ko't damit pero hindi ko parin gustong tumigil. At ang bawat sinag ng araw ay unti-unting lumilitaw mula sa malaking bintana ng kwartong ito.

Napatigil na lamang ako nang tumama ang ang isang sinag ng araw sa mukha ng ipinipinta ko. Napailing na lamang ako dahil kahit sa imahinasyon ko't sining ay tunay kang maganda, Samantha.

"Señorita?" isang marahang pagtawag ni Danielle mula sa labas ng studio ko.

Ibinaba ko ang hawak kong brotsa at palete sa isang upuan upang buksan ang pintuan. Pagbukas, tumambad ang nagtatakang mukha ni Danielle habang nakasuot na ng uniporme.

"Ang aga mo atang magising?" sumisingkit pa ang mga mata niya. Naalala kong tumakas nga pala ako at hindi niya alam na lumabas ako kaninang madaling araw.

"Anong oras na ba?" tumingin siya sa relo niya sa kanang braso at muling bumalik ang tingin saakin.

"Alas siete palang. Nakatulog ka bang maayos?" muli niyang tanong dahil inuusisa niya talaga ako. Sanay si Danielle na late akong nagigising kaya ganito siya mag-react sa maaga kong paggising.

"Nakatulog akong maayos. May agahan na ba? Kumain na tayo, gutom na ako, eh." Pag-iiba ko ng usapan kaya hinila ko siya palayo sa studio ko at isinara ang pintuan nito.

Wala akong pinahihintulutan na pumasok sa loob ng kwarto na ito, dahil para saakin ay isang kayamanan ang laman ng apat na sulok ng silid na ito. Lahat ng lihim ng aking kaisipan, mula sa imahinasyon o panaginip ay nakapinta.

Pagdating namin sa lamesa ay nakahain na si Erika ng mga agahan, miski siya ay nanglaki ang mga mata na nakita akong maagang nagising.

"May sakit ka ba, Señorita? Ang aga mo atang bumangon?" napailing na lamang ako at hinila ang upuan sa lamesa.

"Maaga lang talaga akong nagising. Grabe naman kayo saakin? Parang isang himala ang magising ako nang maaga?" parehas silang lumingon saakin at tumango.

"Himala talaga." At parehas pa nilang banggit kaya natawa nalang ako.

"Sige na, kumain na tayo. Nasaan si Andrew?" tanong ko habang nagsasandok ng sinangag.

"Bumaba lang po, Señorita. Nilinisan yung gagamitin nating sasakyan para mamaya." Sagot ni Danielle habang nilalagyan ng ham ang plato ko.

"Oh, ayan na pala siya. Umupo kana dito at kumain na." Pag-aaya ko kay Andrew na nakasuot narin ng uniporme. Halatang gulat din siya na makita akong maagang kumakain ng agahan.

"Good morning, Señorita. Nilinisan ko lang yung gagamitin nating kotse." Halatang pawis siya dahil mainit sa may parking area.

"Salamat." Sabi ko bago sumubo ng pagkain.

"Ang tagal mo ata sa baba?" pagtatanong ni Danielle sa kasama.

"Pinabanguhan ko yung kotse, nagtataka nga ako kasi amoy alak yung loob."

Bigla akong naubo sa sinabi ni Andrew dahilan para masamid ako sa nginunguya kong kanin.

"Ayos kalang, Señorita? Tubig tubig!" Agad akong inabutan ni Erika ng isang baso ng tubig. Halos mamula na ang mukha ko dahil sa pag-ubo ko.

Hayop na kanin. Balak pa ata ako patayin.

Sigaw ko sa sarili habang kinakalampag ang dibdib ko dahil sa matinding pag-ubo.

Impress her, Empress! (Mayari Side Story)Where stories live. Discover now