Chapter Ten

275 8 0
                                    


ISANG BUWAN na mula nang simulan kong mangligaw kay Carissa. Habang mas tumatagal ay mas marami akong natututunan tungkol sa kanya. Hindi lang panlabas na anyo ang maganda kay Carissa dahil pati ang ugali niya ay walang papantay sa kabaitan. Hindi kasi siya katulad ng ibang babae na maarte at masyadong mapili. Tanggap niya ko kahit na ganito ako at kahit na masama ang trabaho ko ay wala siyang ibang sinabi tungkol doon.

Sa mga turo-turo lang din kami madalas na kumakain. Wala kasi akong malaking pera para dalhin siya sa fast food o mamahaling mga restaurant dahil sapat lang ang kinikita ko para sa mga bayarin ko sa bahay at pangkain ko sa amin. Pero kahit ganoon ay walang reklamong sumasama si Carissa sa'kin at hindi pa ko nakakakilala ng babaeng ganito kabuti ang kalooban.

"Ares!" napalingon ako nang marinig ang boses na 'yon. Agad ko naman tinapon at tinapakan ang yosi na hawak ko nang makita ko si Carissa. Sinundo ko kasi siya ngayon sa eskwelahan niya para sa date namin ngayong araw. Balak ko siyang dalhin sa paborito kong kinakainan sa eskenita sa Ermita.

"Carissa," ngumiti ako at kinuha ang bag niya para bitbitin ko. "Kamusta ang araw mo?"

"Ayos lang naman," aniya at kumapit sa braso ko. "Medyo nakakapagod lang kasi madami kaming ginawa ngayon. Ikaw ba? Galing ka ba ng trabaho?"

"Oo. Gano'n din at napagod ako."

"Uy, Carissa sino 'yan?" napalingon kami nang may lumapit na mga babae at lalaki sa'min. "Syota mo?"

"Naku, nililigawan pa lang ako ni Ares." Sagot ni Carissa kaya nginitian ko yung mga dumating. "Si Ares nga pala. Mag-kapitbahay kami."

"Hello," bati ko. Ngumiti naman yung mga babae sa'kin.

"Ang cute niya ha."

"Oo nga Carissa. May taste ka talaga."

"Sus. Parang tambay lang naman," sabat ng isang lalaki na kinatingin ko sa kanya. "Ano bang trabaho niyang manliligaw mo Carissa? Parang 'di ka naman niyan kayang pakainin."

"John." Pigil ng mga babae sa lalaking nag-salita. Tumalim naman ang tingin ko sa kanya at akmang lalapitan nang pigilan ako ni Carissa.

"Sige, mauuna na kami." Paalam ni Carissa sa mga kaibigan niya. "Sa susunod John huwag kang manghuhusga ng tao na 'di mo kilala. Halika na, Ares."

Wala akong nagawa nang simulan akong hilahin ni Carissa palayo sa mga kaibigan niya. Ako naman ay nakaramdam ng inis dahil sa sinabi ng gagong lalaking 'yon. Alam kong mukha akong gusgusin dahil sa itsura ko. Maitim ang balat ko dahil na rin sa lagi akong nakabilad sa araw, laging kupas ang mga sinusuot kong damit dahil binibili ko lang naman ito ng murang halaga sa mga ukay-ukay at ang sapatos na sinusuot ko ay may sira na.

Hindi ko naman kasi kailangan ng magandang damit para lang tanggapin ako ng tao eh. Pero bakit parang nakakababa ng pagkalalaki yung sinabi ng tarantado na 'yon kanina sa'kin? Hindi ako mayaman, wala akong pera na pambili ng magandang damit at oo, wala akong magandang trabaho para bigyan si Carissa ng magandang buhay kinabukasan pero kailangan pa bang ipamukha sa'kin 'yon gayong alam ko na lahat 'yon?

"Hindi mo dapat ako pinigilan," usal ko na kinatingin ni Carissa sa'kin. "Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko."

"Alam ko. Pero iniiwas lang kita sa gulo dahil ayaw kong isipin nilang totoo ang sinabi ni John kung gagamitan mo ng karahasan ang simpleng salita na 'yon."

"Simple?" hindi makapaniwalang natawa ako. "Kung para sa'yo simple 'yon puwes sa'kin hindi. Nakakababa ng pagkatao yung sinabi ng lalaking 'yon sa'kin, Carissa. Tingin mo gugustuhin kong manahimik kung ako yung sinasabihan ng gano'n?"

THE SEXY BASTARDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon