Kabanata 9 - Mapapaibig Niya Ito

657 36 16
                                    

"Nga pala apo, uuwi rito ang tiyahin mo."

"At bakit naman?"

"Siguro ay nangulila sa 'min ng Lola Amparo mo."

"Eh nga 'di ba, masaya na siya sa Maynila namamasukan bilang katulong? Sobrang debotid nga niya ro'n sa amo niya kaya tumanda na siyang dalaga."

"Ang dami mong satsat Maring! Uuwi siya rito dahil doon siya mamasukan sa Hasyenda Ligaya. Tinawagan kamo raw siya ng kaibigan niya na naghahanap ang senyor ng Hasyenda ng panibagong katulong—"

"Lolo! Ako! Ako papasok din ako ng bagong katulong ng Hasyenda. Lolo! Papasok ako."

Sinapok siya ng matanda sa patolang pinitas nito. "At anong alam mong trabaho? Dito ka lang sa bukid. Matakot pa ang senyor sa 'yo, atakehin pa agad sa puso. Wala tayong pambayad sa kabaong."

Napahimutok siya. "Eh, 'di pa naman ngayon. 'Yong plano ko lolo, kapag bumalik si Lucas dito sa Masuso. Alam niyo kasi po, malakas ang pakiramdam ko na babalik siya rito sa bayan na 'to dahil hindi niya ako makalimutan. 'Lam niyo naman 'lo, sobrang ganda ng apo niyo. Habulin yata ako ng mga gwapo rito sa Masuso."

"Gusto mo habulin kita ng itak?" Pinanlakihan siya ng mga mata ng aguelo at muling hinarap ang mga gulay na pananim. "Sa susunod na buwan uwi ng Tiyahin mo kaya tabi muna kayo ni Baweng sa labas kapag nangyari iyon."

"Ano?! Ayuko nga!"

Kaagad naman itong ngumisi. "Biro lang apo. Ikaw talaga, ang hina masyado. Siyempre ay, mahal ko si Baweng. Magrereklamo 'yon kapag ikaw ang katabi niya sa pagtulog."

"Hay naku! Ewan ko sa 'yo, 'Lo." Inismiran niya ang matanda at tinalikuran ito. Tatambay na nga lang siya sa ilalim ng mangga ngayon at makipag-usap sa mga kuligkig, insekto at mga langgam.

"At nagtampo pa nga! Tulungan mo ako mamaya rito, apo."

"Magpatulong kayo kay Baweng, 'Lo." Saka niya iniwan ang matanda.

Nakakainis talaga itong Lolo Romualdo niya. Nalilito na siya minsan kung apo ba siya nitong totoo o apo siya sa labas ng Masuso.

Matanong nga minsan ang aguelo niya kung may bilyonaryo ba siyang mga magulang. Baka naman kasi isa siyang anak ng bilyonaryong negosyante sa America! Kaya naman ay ang ama niya ay isang presidente sa Pilipinas at ang ina niya ay isang anak ng mafia—

"Aray naman!" Awtomatikong napangiwi siya nang sumabit ang kaniyang paa sa batong paharang-harang sa kaniyang daraanan. "Kailan pa nagkaroon ng lakas ng loob ang bwesit na batong 'to na patidin ako sa paglalakad? 'Nyeta 'to, ah! Ngayon naiinis ako, kumakain ako kahit bato."

"Ungaaa?"

Tumalim ang mga matang tiningnan niya si Baweng. "Gusto mo ikaw lumunok nito? Huwag mo 'ko kausapin. Magmumuni muna ako."

Inismiran naman siya agad ng kalabaw niya at mabilis na tinalikuran. Napairap na lang din si Marriame at tinungo na ang ilalim ng mangga. Magpapahinga siya roon.

Kung alam lang ng Lolo niya na sobra-sobra niya nang na-miss si Lucas. Baka nga niyan ay nanakawin niya na ito sa susunod na makita niya pa itong lasing sa kalsada. At ang sino man hahadlang ay lalasunin niya ng kaniyang mabahong utot.

***

"IKAW NA ba iyan, Marriame? Ang laki-laki mo ng bata ka!" Galak na galak na saad ng kaniyang tiyahin nang dumating ito. Marami itong dala pero mas inuna niyang kinuha ang lata ng biscuits. Tamang-tama ito para makapagkape na siya!

"Oo nga tiyang, eh. Kayo lang yata ang hindi lumaki. Ang pandak niyo pa rin."

"At bastos pa rin ang bunganga mong bata ka!" Pinandilatan naman siya nito ng mata matapos magmano sa dalawang matanda na tuwang-tuwa. Halatang may paboritismo!

Nagkibit lang siya ng balikat. "Dalaga na ho ako. 20 na ako at kita niyo naman, ang tangkad-tangkad ko—"

"Sa height na 5'0 and half?" Putol nito.

"Keysa naman sa inyo na 4'8."

"Oy, oy!" Bigla naman pumagitna sa kanila ang Lolo Romualdo niya. "Nag-aaway pa kayo gayon ngayon lang ulit kayo nagkita magtiyahin. Bakit niyo ba pinag-iinitan 'yang mga taas niyo na parang duwende?"

Pareho silang napaismid sa sinabi ng matanda. Pasalamat itong lolo niya at matangkad ito sa taas na 5'3.

"Lolo, si tiya na paghandain niyo ng tanghalian ah? Bubuksan ko lang itong lata ng biskwet! Naku naman. Amoy na amoy ko na ang biskwet ng Maynila."

"Aba't—"

Mabilis niyang dinala sa kusina na sala na rin nila ang biskwet at binuksan agad ito. Kumuha siya ng isa at tuwang-tuwa na kumain.

"Naku naman! Na-imagine ko agad ang pag-ibig kong si Lucas sa biskwet na 'to. Makatimpla nga ng kape at mukhang mapapahaba ang pag-iimagine ko sa kaniya." Saka siya humagikhik habang nagtitimpla ng kape na galing sa bigas. Pakanta-kanta pa siya habang naglalagay ng asukal.

"Itay, bakit tingin ko parang napag-iwanan itong si Marriame ng panahon?" Panimula ng tiyahin niya pero dedma niya ito.

Hindi siya nakikipag-usap sa mga pandak. Pero dahil papasok ito bilang katulong sa Hasyenda Ligaya, kailangan niya munang magpakabait dito pansamantala.

"Nga pala tiyang, ang sabi ni lolo. . . Sa Hasyenda ka raw mamasukan. Baka naman pwede mo akong ipasok sa Hasyenda kapag bumalik na si pag-ibig kong si Lucas."

"Ano? Anong sabi mo? Pag-ibig mong si Lucas?!"

Tiningnan niya nang masama ang tiyahin. Anong mali sa sinabi niya?

"Itang, anong nangyari sa babaeng ito? Sa dami-dami ng lalaking pag-iinteresan, ang anak pa ng senyor sa Hasyenda. Hoy, Marriame! Pumuti na lang 'yang mga mata mo, hindi ka magugustuhan niyon."

"Nagsalita ang matandang dalaga." Inirapan niya ang tiyahin.

"Hayop 'tong babaeng 'to!"

"Ayan na naman kayong dalawa, oo." Maagap na eksena ng Lolo Romualdo nuya. "Bakit ka ha nagagalit anak kung totoo naman ang sinabi ni Maring? Matandang dalaga ka kasi sobrang mapili mo sa lalaki, kesyo hindi pasok sa panlasa mo? Ay tingnan mo nangyari sa 'yo. Buti pa itong si Maring—"

"Bakit ho, lolo? Tama ang panlasa ko?"

"Hindi. Mas lalo kang walang pag-asa na makapag-asawa. Timplahan mo rin ako ng kape apo, at gusto kong uminom. Nabubwesit ako sa inyong dalawa ng tiyahin mo, eh."

Napalabi siya sa tinuruan nito at nagdadabog na kumuha ng tasa. Habang ang tiyahin niya ay sandaling umupo sa upuan na yari sa kahoy; nagpapahinga. At ang Lola Amparo niya, masayang nagbubukas ng regalong swimsuit.

Pairap-irap siya sa hangin habang nagtitimpla. Ipupusta niya pa pati pustiso ng kaniyang aguelo, babalik sa Masuso ang lalaki at mabibighani ito sa kaniyang angking kagandahan! Kahit si Baweng, isali niya sa pustahan, eh. Mapapasakaniya si Lucas. Mapapaibig niya ito at magiging kaniya!

"Itatak niyo sa mga kukute niyo! Magiging akin si Lucas at magpapakasal kami sa malaking simbahan ng Pilipinas. By huk or by cruk! Akin. Si. Lucas."  Malakas na saad niya sabay taas ng isa niyang kamay sa hangin.

"Malala na taiaga itong apo ko." Napailing-iling naman ang kaniyang Lolo  Romualdo.

The Billionaire's Club #2: HOW TO LOVE A BILLIONAIRE (On Going) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon