Ang Lalaki sa Dilim

22 1 0
                                    

Ako... ikaw... tayong lahat... ay maaaring nakaranas na ng mga kababalaghan sa ating mga buhay na hindi na na'tin mabilang.

Karanasan na hindi kapani-paniwala para sa iba, pero tanging mga sarili lamang na'tin ang makakapaliwanag nito na ito'y nangyari sa totoong buhay.

Sa mga nakaraang buwan, hindi ko na maibabalik sa dati ang mga normal at ordinaryo kong gabi sa aking pagpapahinga. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nag-iilusyon, nagiging delusyonal, o nababaliw dahil sa mga bangungot at kababalaghan na nangyayari sa akin.

"Ms. Aislyn Santos, pakilahad ang iyong mga karanasan tungkol sa mga panaginip na ito." Pahayag na ng psychiatrist sa'kin nang makombinsi ko na nga ang sarili na ikonsulta na ito sa doktor, dahil pakiramdam ko ay matagal nang nanganganib ang buong mentalidad ko ngayon.

"Uhm, hindi ko po alam kung bakit at paano po ito nagsimula... pala-dasal naman po akong tao. Sa katunayan nga po, hindi ako makakatulog kapag hindi ako nagdadasal. Nakakapagtaka lang po kung bakit madalas na akong binabangungot sa mga nakaraang buwan at lalo na po sa nakaraang gabi." Panimula ko, at habang nagsasalita ako ay napapatango ang doktor at tahimik na nakikinig sa'kin.

"May nagpapastress ba sa'yo sa totoong buhay? Palagi ka bang pagod? Matagal ka bang natutulog? Hindi ka ba sa tamang oras kumakain at natutulog? Nakakalimutan mo bang magpahinga o kahit umidlip man lang kapag may pinagkakaabalahan ka?" Sunod-sunod na tanong ng doktor sa akin, at hindi ko mapigilan kalmutin ang balat sa gilid ng aking kuko habang nakikinig sa kaniya.

"Opo, doktora... lahat po nang nabanggit niyo ay ganoon ang takbo ng buhay ko." Mabagal ko nang sagot sa lahat na tanong ng psychiatrist sa akin, at ilang sandali niya akong tinititigan bago siya nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

Kinuha na niya ang nakapahingang ballpen sa kaniyang lamesa, at may isinulat na roon sa papel na nakapaskil sa kaniyang paper board clip habang pareho na kaming natahimik. Tanging ang tunog na lamang ng aircon sa loob ng kaniyang opisina rito sa ospital ang maririnig nang ilang sandali siyang naging abala sa isinulat sa papel, at tahimik ko na lamang siyang pinapanuod. Nang tuluyan siyang matapos ay patuloy niya akong inuusisa.

"Ngayong alam ko na ang mga dahilan sa mga bangungot na ito, Ms. Santos. Handa ka na bang magkwento sa akin tungkol sa isang napakalubhang bangungot? Na masasabi mong ito ay madalas mangyari sa iyong mga panaginip." Pagpapatuloy na niya at malalim na akong napabuntong-hininga.

"Ang bangungot na ito ay ang pinakamadalas na nangyayari sa akin... sa tuwing natutulog ako, pakiramdam ko po ay may humihipo sa aking binti, balikat, at kahit sa mga pribadong parte ng aking katawan." Nanginginig ko nang paliwanag kay Dra. Reyes habang inaalala ang mga traumatikong panaginip na iyon.

"A-ang mas malala pa po ay naalimpungatan po ako sa mabigat na pakiramdam sa aking dibdib, na parang m-may malaking tao pong nakadagan sa buong katawan ko... pinipilit ko pong gumising sa tuwing nakakaramdam na ako ng ganito, pero madalas ay nahihirapan akong magdilat ng mga mata habang nararamdaman ang mga panghihipo sa iba't-ibang parte ng aking katawan." At habang nagsasalita ako ay unti-unti kong nararamdaman ang mas lalong panlalamig ng buong silid ng opisina ni Dra. Reyes.

Nalilito ako kung kinakalibutan lang ba ako ngayon, o iba na talaga ang ihip ng hangin dito sa loob ng opisina ni Dra. Reyes habang pinapaliwanag ko sa kaniya ang napakatinding bangungot na ito.

"Hindi ko po mapangalanan kung isang tao nga po ba ang gumagawa no'n sa'kin... nakakaranas din ako na parang gising ang diwa at kalahati ay nananaginip habang..." Napalunok na ako ng laway sa tuyo kong lalamunan. "M-may t-tumatalik sa akin." Nanginig ang aking labi nang binanggit ko iyon.

Nakita ko kung paano kumunot ang noo ni Dra. Reyes nang dahil sa aking sinabi, parang mas lalo siyang napaisip ng malalim tungkol sa kinukwento ko ngayon at hindi ko alam kung nakakaramdaman ba siya ng kaba, takot, o pandidiri sa sinasabi ko.

"Sa tuwing gumigising ako, hindi ko po nakikita ang taong nanhihipo at nang momolestiya sa akin. Nandidiri po ako sa sarili habang inaalala ang mga bagay na ginagawa ng isang bangungot na iyon... hindi ko na po alam kung anong gagawin, at kung anong solusyon nitong malubhang bangungot ko po dahil ilang buwan na rin akong hindi makatulog na mahimbing sa gabi." Nababaliw ko nang paliwanag kay doktora, nababaliw sa mga halo-halong emosyon na nararamdaman ko ngayon.

"Ikaw ay nakakaranas ng Incubus Syndrome, Ms. Aislyn." Seryoso nang pahayag ni doktora matapos kong maipaliwanag ang bangungot na iyon sa kaniya.

"I-incubus Syndrome? Ano po iyon, doktora?" Nalilito ko nang tanong sa kaniya, at mas lalong lumalala ang kaba at takot ko sa dibdib.

"Ito ay klase ng panaginip na bihirang nararanasan ng mga kababaihan. Ang lalaking tinutukoy mong gumagawa ng kababalaghan sa iyong katawan at sistema ay tinatawag mula sa isang kultural na paniniwala bilang isang Incubus..." Paliwanag na ni Dra. Reyes at hindi ko alam kung nagiging delusyonal lang nga ba ako ngayon, dahil kanina ko pa napapansin na hindi na kumukurap ang mga mata ni Dra. Reyes habang nakikipagtitigan sa akin.

"Pakilarawan nga ang lalaking ito, Ms. Aislyn." Utos na ni Dra. Reyes sa'kin, at napapaiwas na ako ng tingin mula sa kaniya.

"U-uhm, ang lalaki pong ito a-ay napakaitim... na hindi ko maaaninag kapag napapadilat na po ako ng mga mata. Nakakapagtaka rin po kung bakit namamatay ang ilaw sa aking kwarto, na palagi ko naman pong iniiwan itong nakabukas dahil hindi po ako makakatulog kapag nakapatay ang ilaw." Pagpapaliwanag ko pa.

"Tumutumpak nga ang mga eksplenasyon mo, Ms. Aislyn, sa pinapahiwatig kong syndrome at sleeping disorder na nararanasan mo ngayon. Ang mapapayo ko lang sa'yo ngayon ay matulog at magpahinga ka sa tamang oras, kumain ka rin dapat sa tamang oras gaya ng mga masusustansyang pagkain, mungkahi ko ring magsimula ka nang mag-ehersisyo dahil ito ay magpapatibay din ng mapayapang pagtulog. Gawing regular ang pagtutulog ng maaga at dapat maglaan ng oras sa pagpapahinga kapag ikaw ay puno ng gawain at abala sa mga bagay-bagay." Mahaba na niyang paliwanag sa akin.

"O-opo, Dra." Napapatango ko nang sagot sa kaniya.

"May ireresita rin akong gamot sa'yo na magpapatulong sa'yong makatulog lalo na't ilang buwan ka nang nahihirapan makatulog sa tamang oras." Aniya at kumilos na para sa pagreresita na sa'kin ng gamot. Kaagad na niya itong isinulat sa isang pirasong papel.

Nagpasalamat na ako nang matapos siya sa pagreresita sa akin ng gamot habang tinatanggap na ito. "M-maraming salamat po, Dra. Reyes."

"At bago ang lahat..." Pahabol niya at nalilito ko na siyang sinusundan ng tingin nang tumayo na siya mula sa kaniyang inuupuang silya sa harapan ko.

"A-ano po 'yon, doktora?" Kinakabahan ko nang tanong nang maglakad na siya palapit sa'kin na nakaupo rito sa harapan ng kaniyang lamesa.

Nanginig na ako sa takot nang hinawakan na niya ako sa balikat, at ang pakiramdam ng paghawak niya sa akin ay napakapamilyar na kaagad nang nagpakilabot sa akin.

"Anong pakiramdam?" Seryoso niyang tanong at habang nagsasalita siya ay unti-unti nang lumalalim ang kaniyang boses.

Napatingala na ako sa kaniya nang tinanong na niya ako kasabay ng panhihipo na niya sa aking balikat pababa sa aking kamay.

"A-ano po 'yon, d-doktora?" Kabadong-kabadong kong tanong na nakatingala na ngayon sa kaniya.

"Anong pakiramdam habang dinadala ko papuntang impyerno ang kaluluwa mo, Aislyn?" Biglang dumilim ang boses ni Dra. Reyes, at nanlalaki na sa takot at gulat ang mga mata ko nang bigla-biglang nagbago ang anyo ni doktora na naging isang itim na lalaki na ngayon.

Malakas na akong napasigaw at pumipiglas mula sa kaniyang napakariin na hawak sa aking kamay, sunod-sunod na ang pagkislap ng ilaw dito sa loob ng opisina at dumadagundong ang napakatakot at nakakakilabot na halakhak niya sa akin.

Ang lalaki sa dilim na nilalarawan ko kanina kay Dra. Reyes, ang dahilan ng mga bangungot ko ay narito sa aking harapan at nagpapakita na sa'kin sa pamamagitan ng pagpapalit anyo sa kaninang Dra. Reyes na kausap ko! Saklolo!

Cuentos CortosWhere stories live. Discover now