10

36 6 1
                                    

"Saan tayo pupunta?"

"Just trust me."

"Hala, anong trust me ka diyan. Ikaw Yael ha. Kabahan ka sa mga pinagsasasabi mo."

Parang wala naman siyang problema nung ngumiti. Nawawala na nga iyong mata niya pag ngumingiti at tumatawa

Nakakataba pala ng puso ang tawa ni Yael.

Nagpatugtog siya ng radyo. Saktong Tadhana ng Up Dharma Down pa ang nag-play. At aba, kaka-simula pa ng kanta? Bakit hindi na lang budots o remix ng kahit na anong kanta ang nasa radyo? Para imbes na kung anu-ano naiisip ko ay nakiki-tugs tugs na lang ako.

Wala naman siyang planong ilipat ang kanta. Patango-tango pa habang nagpe-play ang intro.

Ngayon pa talaga na bawal akong makinig ng love song!

Inilayo ko na lang ang tingin ko kay Yael para hindi ko makita ang mukha niya o ang kamay niya habang nagmamaneho. Hindi pwede iyon kasi nga as a friend tapos hihinga lang.

Pero dahil gaga ako minsan pero madalas ay marupok, repleksyon niya pa rin ang nakikita ko. Kung magtulog-tulogan kaya ako ay siya pa rin makikita ko?

Final answer na ba talaga na ikakasal siya sa iba? Itatanong ko lang. Ngayong gabi lang. Kasi kung sasabihin niyang oo, lalayo na ako. Pero kung hindi, pwede ba akong matuwa pag ganitong magkasama kami?

Kasi iyong saya ko, binabawi ng ideya na iba naman pala ang babaeng para sa kaniya. Alam ko sinabi kong taga-ibang planeta siya. Ang layo niya. Hindi ko siya kayang maabot.

Ngayon na magkasama kami, bakit ang lapit-lapit niya lang?

"You'll like it there. I promise." Sabi niya. Hindi naman ako nagtatanong. Hindi pa naman handa ang puso ko sa mga ganyang pasikretong atake.

Pagkatapos ng Tadhana, love song na naman ang nag-play sa radyo. Baka pwede akong magrequest ng disco? Gusto ko na lang buksan ang pinto at magpagulong-gulong sa daan.

Hindi ako madalas magmura pero tangina.

Sa ganda ng pinuntahan namin, nakalimutan ko lahat ng problema. Ayaw kong mag-isip ng iba maliban sa kung gaano kaganda ng view sa gabi.

Nakakamangha na sa maliit na parte ng lugar na iyon ako nakatira. Ganun din ang bahay ni Yael. Mula sa kinakatayuan namin ngayon, walang malaki o maliit na bahay. Parehas lang kami ng pinanggalingan.

"Yael," tawag ko sa kaniya. "Salamat."

"I wouldn't come here alone... so, thank you too."

Ang tagal ko nang nakarinig ng salitang iyon. Kahit may too, ang sarap pa rin sa tenga.

***

"Hay naku."

"Hay naku, hay naku ka diyan, Mars?"

Napahikab ako. Gusto ko pang magpagulong-gulong sa kama pero tulad ng dati, mas gusto ko pa rin ng pera.

Dahil tapos na ang lunch time, medyo kaunti na lang ang tao sa paligid. Hindi pa nga lang pwede magpahinga because it's hugas time! Nililigpit ko pa ang natitirang plato sa mga mesa.

"Saan si Adie?"

"Thursday ngayon."

"Ah... Oo nga pala. May babayaran nga pala siya." Sus, babayaran daw. Bilang respeto, pinipigilan kong sundan si Adie. May hinala kasi talaga akong hindi utang ang dahilan kung bakit umaalis iyon, eh.

"Si Adie, may Huwebes. Ikaw naman, may gala sa gabi."

"Hala siya. Anong gala sa gabi?"

"Hindi kami tanga ni Adie, uy. Alam naming umaalis ka sa gabi pagkatapos mong maghanda ng pagkain tapos bumabalik para mag bake bago matulog."

Kaibigan ko ba 'to? O stalker? Napaka detalyado naman! Parang may listahan lang na tinatago. "Maria Lucia, ha. Kinikilabutan ako."

"Ako ang kinikilabutan sa ginagawa mo, Althea. Pero kung sabagay, paninindigan ka naman ni Yael. May kaya naman iyong tao. Ikaw, kaya mo ba iyong pamilya niya?"

"Anong paninindigan?" Diyos ko. Nanayo ata lahat ng balahibo ko. Parang nakakarinig ako ng tunog ng kampana at gusto kong magkumpisal sa simbahan dahil sa rumi ng utak ng kaibigan ko.

Si Mars nga, ganito iniisip. Paano pa kaya si Adie?

"Bawiin mo iyon. Bawiin mo!" Pinaghahahampas ko nga si Mars sa balikat.

"Wala namang mali, no! Matanda na naman kayo. Okay na okay. Hindi ko kailangan ng detalye pero gusto kong malaman mo-"

"Blah! Blah! Blah!"

Hindi kanais-nais na mga imahe, lumayo kayo sa akin at sa mga kaibigan ko!

"Mars, si Yael iyon!" Paalala ko sa kaniya. "Tayo nga nag-cater sa engagement niya, di ba?"

Nag-iba ang ihip ng hangin at umayos ng tindig si Mars. Seryosong-seryoso ang mukha. Parang teacher na handa akong pangaralan. "Ibig mong sabihin, engaged pa siya?"

"Wala namang nagbago."

"Eh, bakit palago kayong magkasama?"

"Grabe naman ng palagi! Parang tatlong beses lang naman kaming umalis. Una, nag sight-seeing lang. Pangalawa, sinamahan niya akong mag-ukay."

"Ukay? Si Yael?"

"Ewan ko dun, Mars. May topak din iyon, eh. Hindi lang halata." Totoo naman. Akala ko nga one-liner, madaldal naman pala. Madalas ay tungkol sa mga byahe niya. Kasalanan ko din naman kasi panay akong tanong ng tanong. "Tapos nung nakaraan, food trip lang. Isaw-isaw, fishball. Ganun."

Tinaasan ako ng kilay. "Eh, paano kung may pang-apat, pang-lima pa? Tapos ikakasal na iyong tao?"

Tama si Mars. Naisip ko naman ito dati at ewan anong nangyari sa akin. Hindi kailangang mag overthink. Iyan ang paalala ko sa sarili ko. Wala namang malisya. Magkaibigan kaming gumagala lang. Pero paano kung ang nangyayari, wala na talagang thinking?

Mas malala iyon.

"Dapat siguro lumayo na ako, no?"

"Sa tingin ko, dapat tanungin mo si Yael. Klaruhin mo lang. Kilala kita, eh. Hindi mo kayang maging prangka. Kung sakali lang magka-himala, klaruhin mo. Hindi iyong himala na-"

"Mars, ha! Pag iyang bunganga mo naging bastos, bubula iyan!"

"Kung maka death threat naman 'to!" Sigaw niya. "Check the label lang."

"Hindi ba ang kapal na ng mukha ko pag ganun?" Parang nag-assume na ako tapos pinapapili ko pa siya. "Kasi naman, Mars. Hindi ko maiwasan isipin na ginagamit niya lang ako. Parang ano ba, ako iyong pinupuntahan niya pag gusto niyang tumakas."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Na hindi siya magkakagusto sa akin. Gusto niya lang akong makasama kasi iba iyong mundo natin eh."

Napabuntong-hininga ako. Napatingin sa kisame habang pinipigilang umiyak. Tanggap ko naman pag ganun. Na hindi lang talaga ako pang-jowa.

Kahit magkasama kami, kahit nakangiti siya sa akin, iniisip ko pa rin bakit ako ang pinili niyang maging kaibigan?

Pag nagkagusto ang tulad niya sa akin, hindi ko alam anong gagawin. Araw-araw akong lalamunin ng hiya. Palagi kong iku-kumpara ang sarili ko sa iba.

Hindi ko naman sinasadya na ganito mag-isip. Kung alam ko lang paano, sana nagbago na ako. Pagod na din akong maawa sa sarili ko.

Paano ako mamahalin ng iba kung hindi ko pa rin kayang mahalin ang sarili ko?

Ray of SunshineWhere stories live. Discover now