PROLOGUE

722 24 2
                                    


"PULIS! Pulis! Takbo na!" agad kong pinulot ang bag na naglalaman ng mga kinita kong pera na kinita ko mula sa pagbebenta ng droga bago kumaripas ng takbo palayo sa hideout namin. Maraming pasikot-sikot sa skwater na kinaroroonan ko at sigurado akong hindi ako mahuhuli ng mga pulis na nang-raid sa amin.

"Tangina naloko na!" sigaw ni Badong habang tumatakbo sa likod ko. "Paano nila nalaman kung nasaan tayo?"

"Mabilis makatunog ang mga pulis, gago! Hindi ata kayo nagi-ingat!" paninisi ko sa kanila. Lumusot kami sa maliliit na eskenita at napapatalon kami sa tuwing nakakarinig ng putok ng baril. Idagdag pa ang mga tao na nabulabog ng putukan at kahulan ng mga aso na mas lalong nagpaingay sa madilim na gabi.

"Lagot tayo nito kay boss!" aniya pa.

"Ako nang bahala magdala nito. Kailangan muna natin tumakas—" isang putok ng baril ang nakapagpatigil sa'kin sa pagtakbo. Nanlalaking matang napalingon ako sa likod ko nang marinig na bumagsak si Badong at apat na pulis ang pumaligid sa'kin.

Tila parang isang pelikula na nag-flashback sa utak ko ang buhay ko. Bigla akong nagalala para sa sarili ko at pumasok sa utak ko ang pamilya ko. Hindi ako pwedeng mamatay o makulong. May asawa ako at bagong silang lang ang anak ko. Sino ang bubuhay sa kanila kung ito na ang huling araw ko?

Gumalaw ang katawan ko para sana tumakbo pero agad din akong nadapa nang patamaan ng isang pulis ang binti ko. Napahiyaw ako sa sakit at napatingin sa binti ko na may tama. Tagaktak ang pawis ko at biglang nanlamig ang buong katawan ko.

"Dapa! Dapa!" sigaw nito sa'kin at hinawakan ako sa batok bago sapilitang pinadapa sa malamig na semento. Kinapkapan ako ng mga pulis at nakuha nila sa bulsa ko ang mga binebenta kong droga. Sunod ay pinosasan nila ko bago marahas na hinila patayo at pinalakad kahit na masakit ang binti ko.

Pagkarating sa pulis mobil ay doon ko nakita ang ibang kasamahan ko na nahuli din. Kapwa may mga posas ang kamay namin at ang iba ay sugatan pa nga gawa na rin siguro ng pagtakas. Napahinga ako ng malalim at napapikit. Hindi ko alam kung ano nang mangyayari sa pamilya ko kung makukulong ako ngayon. Naiisip ko pa lang na umiiyak ang asawa ko habang nakahimas ako sa rehas ay nasasaktan na ko.

Ilang saglit pa ay dinala na rin kami sa presinto. Ginamot nila yung tama ng baril sa binti ko bago ako pinasok sa kulungan. Siksikan at mabaho ang loob dala na rin ng marami kami doon. Hindi na lang ako umimik at naupo sa isang gilid.

"Makalabas pa kaya tayo dito?" bulong ni Karding sa'kin.

"Basta alam niyo na, walang kakanta kung ayaw niyong tayo ang malagot kay boss," singit ni Richard.

"Paano ang pamilya mo?" tanong ni Karding sa'kin pero umiling lang ako. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung paano ako makakalaya dito. Matagal na akong wanted at patong-patong na kaso ng holdap, pagnanakaw at pagbebenta ng droga ang haharapin ko nito. Hindi ko alam kung paano ko pa malulusutan 'yon.

"Sino si Trinidad dito?" sulpot ng pulis kaya tumayo ako.

"Ako."

"Laya ka na," anito na kinagulat ko. Nagsitayuan naman ang ibang kasama ko na nagtatanong kung bakit ako lang ang makakalaya. "Manahimik kayo! Si Trinidad lang ang absuelto! Kung gusto niyo lumaya, humanap kayo ng abogado!"

Bumukas ang selda at hinila ako ng pulis palabas ng kulungan. Tinulak pa ko nito kaya masama ko siyang tinignan bago paika-ikang lumakad. Lalabas na sana ako ng presinto nang hilahin ng pulis ang damit ko at pinagtulakan ako sa isang lamesa. Doo'y nakita ko ang isang lalaki na mukhang mayaman.

"Mabuti naman at hindi kayo mahirap pakiusapan," anito at may inabot na sobre sa pulis.

"Basta ikaw, sir!" ani ng matabang pulis na tingin ko chief ng presintong ito bago binuksan ang sobre na naglalaman ng libo-libong pera.

"I finally found you," usal ng lalaki na kinatingin ko sa kanya. Pamilyar ang itsura niya pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakita o nakilala.

Umarko ang kilay ko. "Sino ka ba?" pagaangas ko sa kanya. Ngumiti naman siya bago nilahad ang kamay niya na tinignan ko lang.

"I'm Steve Gutierrez. Nandito ako para tulungan ka."

"Hindi ko kailangan ng tulong mo," sagot at lalakad na sana ako nang harangan niya ko.

"Don't be silly. I know you need help from me," bulong nito at tinignan ako sa mata. "Ano nga ulit ang pangalan mo?"

"Ares Trinidad." Sagot ko.

"Ares Trinidad," ulit niya bago ako nginisian at humakbang palapit sa akin. "Or should I now call you...Ares Montenegro?"

THE SEXY BASTARDWhere stories live. Discover now