thirteen

116 7 0
                                    

ILANG araw na hindi makausap nang maayos si Gab. Madalas lang siyang natutulala sa kung saan kahit  nasa gitna kami ng pag-uusap. Nabahala nang sobra sila Tita dahil doon.


Pina-check up nila agad si Gab. Sinabihan itong huwag muna pumasok at mag-undergo ng medications. Iwasan daw muna nito ang ma-stress. Gano'n na lamang kalala ang natamo niyang trauma mula kay Sir Galvez. Nakakagalit. Bagay lamang sa teacher na iyon ang makulong. Pagdusahan niya ang kasalanan niya.


Sa loob ng mga araw na hindi pumapasok ng school si Gab, palagi akong bumibisita sa kaniya. Nililibang ko siya. Pinipilit ko siyang pasiyahin sa abot ng makakaya ko. Iyon na lang ang matutulong ko sa kaniya.


Madalas kaming manood ng movies kapag pumupunta ako sa kanila. Hindi nga lang horror kasi baka makasama sa kalagayan niya kung gan'on ang papanoorin namin.


"Baka naman napapagod ka na masiyado. May pasok ka ta's panay pa ang pag-aasikaso mo sa 'kin."


Umiling ako. "Okay lang ako, Gab. Ikaw ang priority natin ngayon kaya huwag mo 'kong intindihin. Teka, punta muna akong CR," imik ko at saka 'ko tumayo.


Halos isang oras na kaming nanonood ng movie dito sa bahay nila. Handa ko na sanang ihakbang ang paa ko nang biglang umikot ang paningin ko. Nawalan ako ng balanse pero pinilit kong huwag matumba. Agad akong napahawak sa tigkabilang sintido ko.


"Okay ka lang?" tanong ni Gab sa akin, nakatayo na rin.


Dumagundong nang pagkalakas-lakas ang dibdib ko kasabay ng pagkakasalubong ng tingin namin sa isa't isa. Puno ng pag-aalala ang mga mata niya habang mataman ang pagkakatitig sa akin.


Nagsimulang manikip ang dibdib ko kaya napahabol ako ng hininga. Hingal akong napaluhod habang hawak ang sintido. Napakapit din ako sa dibdib ko at marahas na hinaplos iyon.


"What's happening? Mara, are you okay?" Inalalayan niya ako.

Nawalan na ako ng lakas para itayo ang sarili. Natumba ako habang ang pagkakatitig ay nasa mga mata ni Gab. Unting-unting bumigat ang talukap ko kasabay ng matinding panghihina.


"Mara!"


---



NAGISING ako nang may humahaplos sa ulo ko. Dahan-dahan akong kumurap habang nakatingin dito. "M-Ma..."


"Sshh..." Patuloy nitong hinaplos ang ulo ko at isinunod ang pisngi ko. Malamlam ang mga mata niya akong tiningnan, mamasa-masa ang mga iyon. "Ang sabi ng doktor, kailangan mo ng maraming-maraming pahinga. Gagaling ka rin daw, anak."


Napaiwas ako ng tingin. May luhang pumatak sa gilid ng mga mata ko. "Hindi mo naman kailangang magsinungaling, 'Ma. Alam nating dalawa na matutulad din ako kay Papa. Malapit na ako sa taning na binigay sa akin." May tumulong luha sa kaliwang pisngi ko. "T-Tatlong buwan na lang."


Doon na sunod-sunod na nagsituluan ang mga luha ni Mama. Umiling siya nang umiling. "Nasaan na ang kilala kong Mara na malakas? Nasaan na ang anak kong positibo sa buhay at patuloy na lumalaban?"


Hindi ako umimik. Napaiwas ako ng tingin. Medyo kumirot naman ang ulo ko kaya mariin akong napapikit. Nang mawala ang kirot ay pinasadahan ko ng tingin ang buong kwarto. "S-Si Gab po?"


"Siya ang nagdala sa 'yo rito."


"Alam na po ba niya ang tungkol sa sakit ko?"


Umiling si Mama.


Bumuntonghininga ako. "Mas mabuti nang hindi niya alam. Hindi maganda sa kalusugan niya ngayon ang mag-alala."


Hindi na umimik pa si Mama. Hinayaan lang ako nitong umidlip. Nagising lang ulit ako nang may humawak sa kamay ko. Pagmulat ko ng mga mata'y si Gab agad ang bumungad sa paningin ko. "A-Anong ginagawa mo rito?" agad kong tanong.


"Napagod ka raw nang sobra kaya nanghina ang katawan mo. I told you, hindi ka na dapat bumisita nang madalas sa 'kin. Pagod ka na sa school, tapos pinagod mo pa ang sarili mo sa 'kin." Hinaplos niya ang ulo ko.


Napaiwas ako ng tingin. Mas mabuti nang gan'on lang ang alam niya. Hindi makakabuti sa kaniya ngayon kapag nalaman niyang bilang na lang ang mga buwang makakasama niya ako. Ang bilin ng doktor ay huwag siyang bigyan ng anumang stress.


"Anong masakit sa iyo? You want to eat something?" nag-aalala niyang tanong.


Agad akong umiling. "I just want to rest."


Napatango naman siya at hinayaan akong umidlip. Ipinikit ko ang mga mata ko kasabay ng pagbagsak ng butil ng luha sa kaliwang mata ko.


"Rest for now, Mara. Papasok pa tayong dalawa at ga-graduate nang sabay," imik niya habang hinahaplos ang ulo ko.


Sana nga, Gab. Sana mangyari pa iyang sinasabi mo.

POTION OF SORROW | COMPLETEDWhere stories live. Discover now