Ang Simula

31.2K 962 341
                                    

ANG SIMULA

Monte Amor, Cebu.

Year 1945.

"VALLEROSO."

"Tunay bang hiniram lang ang pangalan na 'yon ng mga Valleroso dito sa Monte Amor, Mama?" tanong ni Lass, nakasapo ang baba sa mga palad habang ang mga siko'y nakatukod sa ibabaw ng tokador.

"Siya nga. Ang nag-umpisa ng pamilyang Valleroso rito ay isang Griyego at isang Aleman. Napadpad dito sa Pilipinas, panahon pa ng mga Kastila."

Bahagyang itinaas ng kanyang ina ang baba ni Lass, bunga upang makita niya ang repleksyon sa salamin.

"Ang tunay nilang apelyido ay 'Valhel-Roussopolous'. Hirap ang mga lokal sa pagbigkas. Kaya't napagkasunduan ng mag-asawa na humiram ng apelyidong pang-Espanyol. Kaya't namuhay sila bilang 'Valleroso'. Pagkuwan ay nagka-anak sila ng isang lalaki."

Kinuha ng ina ang suklay na yari sa kahoy at maingat na sinuyod-suyod ang mahaba at matuwid na itim niyang buhok.

"The son was the first half-Greek, half-German Valleroso. Hindi Pilipino. Hindi Kastila. Ngunit, sa tagal nang pamumuhay dito ay natutuhan nilang makibagay."

Napangiti si Lass at nasabik na sa kasunod niyon. "Pagkuwa'y nakatagpo siya ng kabiyak, hindi ba, Mama? Isang Salamanca!"

Bahagyang tumawa ang ina. "Batid na batid mo naman na ang kuwento na 'to. Bakit gusto mong ipaulit pa sa'kin, anak?"

"Sampung taong gulang pa 'ko nang huli kong narinig, Mama. Gusto kong mapakinggang muli!"

Walong taon na ang nakalipas mula nang unang malaman ni Lass kung anong magiging koneksyon niya sa mga Valleroso.

At ngayong nakatakda na ipakilala si Lass sa mapapangasawa niya, nais niyang maging pamilyar muli sa kung gaano katatag ang tradisyon na sinusundan nila. Na kung bakit karapat-dapat na isang binatang Valleroso at isang dalagang Salamanca ang maipagkasundo nang paulit-ulit.

"Ang mga Salamanca ay may dugong Griyego rin. Ngunit mas angat na ang pagka-Pilipino at Kastila," patuloy ng ina habang sinusuklayan siya.

"Nang nagmahalan ang binatang Valleroso at dalagang Salamanca, nagbubunga ng marami at magagandang lahi. Nagkaroon sila ng labing-apat na anak. Sampu doon ay mga binatang Valleroso at nakahanap din ng kanya-kanyang kabiyak. Nagkataong pulos Salamanca rin! Salamanca na galing sa iba't ibang pook ng Pilipinas. Mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Mga malalayong kamag-anakan na."

Lumingon siya sa ina. "Tayo ang mga Salamanca ng Monte Amor, hindi ba, Mama?"

Tumango ang ina. "Ang pamilya ng iyong Papa ang sinasabing orihinal na Salamanca kung saan galing ang dalagang Salamanca na pinakasalan ng unang binatang Valleroso."

Malaki ang mga ngiti ni Lass, umaabot hanggang tainga. "At ang mga Valleroso ng Monte Amor..."

Itinali na nito ang kanyang buhok gamit ang isang puting laso. "They are the direct descendants from one of the fourteen children of the Vahlel-Roussopolous couple. Nagkalat na rin ang pamilya Valleroso sa buong Pilipinas. At napapatunayang hanggang sa umiikot ang dugong Griyego at Aleman sa isang Valleroso, kabilang pa siya sa orihinal na angkan."

Tumango-tango si Lass. Dahil sa patuloy na pagpapakasal ng mga Valleroso sa Salamanca, hindi nawawala ang bahid ng pagka-Griyego o Aleman sa pisikal na aspeto ng mga ito. Mas malakas daw ang dugo ng mga Vahlel-Roussopolous o Valleroso.

Sa 'Yo Hanggang Huli (Valleroso #1)Where stories live. Discover now